Search Bar

Showing posts with label Opinion. Show all posts
Showing posts with label Opinion. Show all posts

Wednesday, May 22, 2013

Isang Libong Piso Para Sa Bayan - Sa Hukbong Sandatahan

Naantig naman ako sa mga naging reaksiyon ng ilan nating mga kababayan tungkol sa mungkahi ng isa na mag-ambag ang bawat pinoy o OFW ng 1,000 piso para sa pagpapa-unlad ng hukbong sandatahan ng ating bansa. Nasabi niya na dapat makabili ang ating bansa ng mga makabago at de kalidad na mga armas, barkong pandigma at iba pang modernong kagamitan pandigmaan upang masupil na ang pang-aapi sa ating bayan ng mga bansang China, Taiwan At Malaysia na ang tingin sa atin ay walang kakayahang palakasin ang kagamitang pandigma. Ito ay bunsod ng pagkakaroon nating ng panibagong warship "BRP Ramon Alcaraz" nitong July na galing sa Amerika.


Ang nasabing suhestiyon ay umani ng maraming komento sa hanay ng mga taong makabayan. Mga taong hindi na matiis ang mga pang-aapi ng ilang bansang gustong kamkamin ang mga lupa at minang nasasakupan ng ating bansa. Marami ang handang makilahok sa adhikaing ito at sa kasalukuyan ay binuo ang isang page sa Facebook na tinawag na "Pinasulong". Layunin nito na buuhin ang isang grupo na kikilos at makikipag-ugnayan sa gobyerno sa pagbili ng mga makabagong kagamitan pandigma para ipakita ang pagkakaisa ng ilang kababayan at ipagtanggol ang ating bansa sa mga pang-aapi nararanasan natin.

Marami ang interesado at naging mainit ang usapin na pakiwari ko ay nag-aalab ang kanilang mga damdamin para ipagtanggol ang ating bayan, maging ako tila nadadala rin kaya ni-like ko ang kanilang page. Ngunit sa nasabing mga komentaryo, meron isang walang ginawa kundi mang-asar at yung iba naman ay negatibo sa kanilang mga komento.

Kung sabagay, kung ito ay magiging totoo, tiyak isang dagok o paghamon ito sa ating mga lider na mga kurakot at walang ginawa kundi lustayin ang pondo ng bayan o gamitin ito sa kanilang mga personal na buhay. Dito makikita nating muli kung may pagkakaisa pa ba ang ating mga kababayan mula sa Luzon, Visayas at Mindanao maging ang mga OFW na nagsakripisyo para sa kanilang pamilya at bayan.

Saturday, May 18, 2013

Nancy Binay Bilang Bagong Senador?

source: facebook
Bago ang eleksiyon narinig ko sa balitang hinahamon ni Risa Hontiveros si Nancy Binay ng isang debate. Ngunit, hindi ito pinaunlakan ng huli. Dahil dito nagsimula ang iba't-ibang haka-haka tungkol sa kakayahan ng anak ng ating Bise Presidente na si Jejomar Binay. Bakit nga ba ayaw niya ng debate?

Nadagdagan pa ang matinding issue nang magbitiw ng patutsada si Vice Ganda laban kay Nancy Binay. "Senador agad", isang katagang bitiniwan na isang panglalait. Bukod sa kulay at kakulangan ng karanasan sa pulitika. Iba't-ibang pahaging ang ibinato sa kanya. Nanatiling kampante si Nancy Binay sa kaniyang hangaring tumakbo bilang senador ng bayan na suportado naman ng kaniyang ama.

Ang panlalait marahil ang nagbigay sa kanya ng lakas at determinasyon gaya ng nangyari sa kaniyang ama noon bilang kandidato sa pagka-bise Presidente. Ang panlalait ang natulak sa kanya na magpakumbaba at nagsilbing daan para ang tao ay maki-simpatiya sa kanya. Kaya naman, galit  at inggit ang naramdaman ngayon ng mga taong ang tingin sa sarili ay matalino at higit pa sa kanya. Hindi lang marahil ang mga tao kundi pati ang mga makakasama niya sa senado sa pananaw ng iba pawang magagaling at intelihente at sanay sa debate. Ngunit tunghayan na lang natin ang susunod pang kabanata sa buhay ni Nancy Binay bilang isang senador ng bayan.

Ano nga ba ang mga kwalipikasyon bilang isang kandidato? Ang kwalipikasyon ay nakasulat sa ating Konstitusyon. Hindi sinabi doon na kailangan abogado o may mataas na pinag-aralan. Bagkus, sinabi doon na marunong bumasa at sumulat. Kailanman, yan na ang naging basehan ng ibang tumatakbong kandidato. Subalit, nariyan pa rin ang COMELEC para mangasiwa sa patakaran tuwing eleksiyon.

Sinasabing dalawampung (20) taon siyang nagsilbi bilang personal assistant sa kaniyang mga magulang - inang dating mayor at amang bise-presidente. Ang kaniyang karanasan sa trabaho ay tila isang OJT lang umano. 

Kung totoo man ang sinabi ng isang artikulo sa Times magazine na STUPID daw ang mga taong bumoto sa kanya kung saan higit 11 milyon ang bumoto - huwag na sanang patulan. Masakit man pakinggan pero sadyang ganyan ang katotohanan sapagkat ang boto ay nabibili na rin noon pa. 

Maraming ayaw at hindi bumoto sa kanya at isa na ako roon. Ngunit ano pa ba ang magagawa natin kung talagang isa siya sa nanalo. Kung pagmamasdan mo lamang ang listahan ng mga kandidato, iilan lang sa kanila ang mga bagong kandidato at halos ang karamihan ay mga datihan na. Samakatuwid, halos wala kang pagpipilian. Siguro, yung ibang botante, kaysa naman ang mga datihan ang isulat nila (na wala naman daw nagawa sa bayan) mas pinili na nilang bigyan ng pagkakataon ang mga baguhan kung saan ilan sa kanila ay dala ang apelyido ng kanilang  ama gaya ni Grace Poe, Angara, Pimentel, Binay, Enrile, at Ejercito. 

Sabi pa nga ng iba kung si Senator Lapid na isang artista ay tumakbo at nanalo ano pa kaya silang kulang pa sa karanasan sa pulitika. Sana lang gampanan niya ang kaniyangg tungkulin ng buong katapatan at pabor sa masa - hindi sa pansariling interes at proteksiyon sa kanilang mga negosyo.

Iwasan na sana ang sisihan bagkus, hayaan natin siyang magsilbi ng kaniyang termino. Kung sakali man hindi maganda ang kaniyang panunungkulan, na gaya rin ng mga datihan nasa atin na ang pagpapasya sa mga darating na eleksiyon. Tanggapin at harapin natin ang bukas ng may buong pag-asa.

Saturday, January 14, 2012

Edukasyon Hindi Dapat Maging Kumplekado

Ano ba dapat ang tunay na layunin ng edukasyon? Pagkatapos, saan ba ang huling hantungan ng ilang taong pag-aaral?

Batid natin na sadyang napakahalaga ng edukasyon sa bawat tao. Alam natin na tanging edukasyon lamang ang sagot upang matuto, madisiplina at mabuhay ang tao. At laging sinasabi na edukasyon ang lunas sa kamang-mangan. Edukasyon rin ang sagot sa kahirapan. Patunay na marami sa atin ang gumanda ang buhay dahil sa taglay na mataas na antas ng pinag-aralan. Marami ang naging matagumpay at yumaman. Marami ang naging tanyag at dalubhasa sa larangan ng iba't-ibang sining at imbensiyun.

Ngunit hanggang saan magtatapos ang edukasyon? Hanggang kailan magsasakripisyo ang mga magulang upang mapatapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak? Alam natin ang kahirapan dito sa ating bansa. Isa na rito ang kawalan ng magandang trabaho, ang mababang sahod at ilan pang paghihirap na bumabalot sa bawat pangarap ng tao na umunlad at guminhawa.

Hindi tayo tutol na pagandahin ang mga programang pang-edukasyon. Ngunit hindi naman yata maganda na dagdagan pa ng ilang taong paghihirap ang bawat mag-aaral na pumapasok para lamang makatapos at makapag-trabaho. Ito ang isinusulong ng ating gobyerno ngayon na ipatupad ang tinatawag nilang K-12. Tama ba ang layuning ito na ayon sa kanila ay mapabuti ang sistema ng edukasyon at employment rate sa bansa? Hindi ba't lalo lamang nilang pinatatagal ang paghihirap ng kabataan natin? 

Sa katotohanan, maraming mga bata ngayon ang tinatamad ng pumasok sa eskwela kung hindi nga lang talaga kailangan. Marami ang nagka-cutting classes ngunit pumapasa pa rin sa eskwela. Marami ang pilit na pumapasok dahil diploma ang kailangan upang makapasok sila ng trabaho. Maraming ang nagtatpos ng kolehiyo ngunit hirap pa ring makahanap ng trabaho. Bakit? Sapagkat marami ang nakatapos ngunit walang tamang karanasan sa trabahong gusto nilang pasukan. Ibig sabihin, hindi angkop ang mga natututunan ng mga estudyante para sa trabahong gusto nila puntahan.

Noong araw, marami ang nakatapos ng high school na kumuha ng vocational courses ang ngayon ay gumanda ang buhay. Bakit? Sapagkat alam ng estudyante ko ano ang kailangan nila para makapasok ng trabaho. Mula doon nagsimulang mabuo sa isipan ng tao ang kahalagahan ng tamang kakayahan at dagdag na karunungan para lalo pa nilang mapabuti ang kanilang trabaho. Talagang pumatok ang vocational courses noon dahil sa dami ng demand. Maging ngayon ganun pa rin naman ang demand sa mga technical na kurso. Samakatuwid, hindi kailangan maging mahaba ang pag-aaral bagkus mas maiksi ngunit pulidong pag-aaral ang sagot upang makakuha ng trabaho. Ang talino at galing ng isang tao ay nakukuha kasabay ng kaniyang actual na pagta-trabaho. At kung gusto niyang itaas ang kaniyang antas, saka lamang siya kumukuha ng dagdag pang pag-aaral o kurso.

Para sa akin, hindi ang K-12 ang sagot para maibsan ang problema sa mga unemployment rate sa ating bansa. Kung nauunawaan lamang ng gobyerno ang problema ng mga magulang marahil mag-iisip sila ng magandang solusyon para mabigyan ng trabaho ang bawat pilipino. 

Ilaan ang elementarya sa pagtuturo sa mga kabataan ng personal development, tamang batas, alituntunin, kultura at mga bagay na makakatulong upang mapabuti ang kanilang mga sarili sa murang edad. Ituro ang tamang disiplina para sa tamang pagkilos sa lansangan at lipunang kanilang kinabibilangan tulad ng ginagawa sa Japan kung saan actual na itinuturo sa mga kabataan ang tamang pagtawid sa daan, pagbasa sa mga nakasulat sa karatula at ang mga alitintunin sa kalsada at mga gusali o lugar na kanilang pinupuntahan. 

Sa high school, kung maaari nga lang gawin ng vocational upang malaman ng mga estudyante kung saan at anong kurso sila nababagay. Nang sa gayon, maaari na silang makapag-trabaho gamit ang mga simple at angkop na kakayahan sa larangan ng trabaho. Dito, maaaring mag-isip at makapili kung kailangan pa nilang magpatuloy ng kolehiyo upang maitaas ang antas ng kanilang pinag-aralan.

Sa kolehiyo, pag-aralan nilang mabuti ang bawat kursong kinukuha ng mga estudyante. Ipatupad nila ang tamang bilang ng estudyante sa bawat kurso (magkaroon ng quota). Kung ano ang nakikitang demand sa trabaho yun ang kursong dapat nilang bigyan ng pansin na makabubuti sa mga estudyante upang makakuha ng magandang trabaho sa loob at labas ng bansa. Sa dami kasi ng kurso at dami ng kumukuha ng kursong akala nila ay maganda, ngunit pagkatapos iilan lang ang nakakapasa. Wala ring saysay ang 4 na taong ginugol nila sa pag-aaral dahil nauuwi lang din sila sa mababang uri ng trabahong hindi akma sa kanilang kursong natapos. May mga nagtapos ng kolehiyo ngunit naging kundoktor lamang ng bus. Maraming mga accounting ngunit sa warehouse lang din ang bagsak. 

Ano pa ang saysay ng pagkahaba-habang pag-aaral kung ang trabaho mapapasukan eh pang high school level lang naman.
Enhanced by Zemanta

Wednesday, January 11, 2012

Death Penalty

Embarkation Card
Ang litratong makikita ninyo ay isang papel na ibinibigay kasama ng ticket kung ikaw ay aalis ng bansa.

Mapapansin natin sa litrato ang "WARNING" kung saan nakalagay kung anong batas nasasaklaw ang mahuhuling gumagawa ng droga o mahuhuling may dalang droga patungo o palabas ng bansa. Parang isang panloloko lang ang warning na ito dahil wala namang death penalty sa ngayon.

Nang basahin ko ang batas na ito - RA 7659, kalakip ng iba pang kasong kamatayan ang kasong tungkol sa droga. Sa Section 13 hanggang 18 mababasa ninyo kung ano ang mga sitwasyong mangyayari kung ikaw ay mapatunayang nagtutulak o gumagawa ng droga sa bansa. Halos reclusion perpetua lang ang katapat ng kriminal.

Ang sentensiya ay kung gaano rin kabigat ang iyong ginawa o batay sa ebidensiya. At ang nakakatakot, kung ikaw ay nakasuhan dahil may naglagay ng droga sa iyong bag o anumang gamit, paano mo patutunayan na ikaw ay walang sala?

Kaya naman pala marami ang nakakalusot dahil sa klase ng batas natin samantalang sa ibang bansa talagang umiiral ang bitay. Kaya ganun na lang ang lakas ng loob ng mga taong gumagawa at nagdadala ng droga sa atin. At kung madadala ng pera at impluwensiya, tiyak laya na ang nagkasala.

Kaya marami ang naglalakas-loob na gumawa at magbenta ng droga dito sa atin, kasi mahina ang ating batas. Na-abolish kasing muli ang bitay noong June 24, 2006 sa panahon ni Gloria Arroyo. Dahil dito, noong April 15, 2006, ang 1230 na inmates na nasa death row ay nauwi na lamang sa habam-buhay na pagkabilanggo. Dahil wala ng bitay, patuloy ang paglala ng krimen sa ating bansa.

Kung sabagay, kanya-kanya kasi ng interes ang ating mga naging pangulo. Maging ang mga mambabatas ay ganun din. Ang taong bayan ay sunod lang naman sa kung ano ang gusto ng nakakarami.
Enhanced by Zemanta

Sunday, January 8, 2012

Bitay Din Dapat Ang Katapat

“While Filipinos arrested in China are being executed, we allow Chinese nationals involved in illegal drugs to go scot-free. This is totally unfair and this also contributes to the demoralization of some of our anti-illegal drugs personnel,” Evardone said.

Image: Credit goes to rightful owner

Well, ito na siguro ang oras para patunayan ng ating bansa kung anong batas meron tayo laban sa mga sindikato ng droga. Kalampagin natin ang pangulo sa balitang ito sa pamamagitan ng mga blogs para magising at aksiyunan ang katarantaduhang ginagawa ng mga nahuling intsik. Dapat talagang i-hold ang mga nahuling intsik o sinuman na gumagawa ng droga dito sa ating bansa. Imbistigahan din mabuti kung ano ang kinalaman ng may-ari ng compound.

Hindi maaaring palagpasin itong balitang ito. Kung sakaling deportation lang ang mangyayari sa mga nahuli, wala talaga ang batas natin. Kalokohan na sabihin nilang nakatakas ang mga ito. Dito natin malalaman na mahina talaga ang batas natin laban sa mga dayuhang lumalabag sa ating batas. Ano pa ba ang aasahan nating kridibilidad sa mga opisyales at mga mambabatas.

Isipin natin ang sinasabing "4 truckloads of evidence from the shabu laboratory", ayon sa PDEA. Paano ba yan?

Sana magkaroon ng matinong aksiyon ang ating gobyerno sa mga nahuhuling gumagawa ng droga. Bigyan sila ng leksiyon! Kung maaari, ibalik na ang bitay.
Enhanced by Zemanta

Saturday, January 7, 2012

Papatok Kaya Ito

Credit goes to Image Owner
Dati ay WOW Philippines. Ngayon, "More fun in the Philippines". Ito na ngayon ang bagong slogan ng ating Depatment of Tourism sa bansa. Bagama't sinasabing kinopya lang umano ito sa 1951 na slogan ng Switzerland na "It's fun in Switzerland", magiging patok umano ito dahil talagang naman kasiya-siya ang bansang pinas.

Naging usap-usapan na ito sa Tweeter dahil maraming mga artista ang sumusuporta dito. Ngunit, maraming naku-kornihan sa katagang ito. Mas mainam pa daw yung dating slogan.

Maraming ring nagsasabi na kahit gaano pa man daw kaganda ang slogan kung hindi naman naaalis ang mga pangit na ugali ng ilang empleyado ng airport at immigraton officer, wala rin. Dagdagan pa ang panghihingi ng mga porter, lalo na yung mga nagku-kunwaring mga porter tiyak sablay pa rin. Minsan nga, noong nagsundo kami sa NAIA, napansin ko ang tatlong taong nakapula na gaya ng mga porter, pilit silang tumutulong tapos manghihingi. Ang matindi, sinisilip pa nila kung magkano ang dudukuting pera ng kanilang tinulungan at humuhirit pa ng dagdag. Pagkabigay ng pera, itutulak na nila ang cart palayo sa hindi nakikita ng mga balik-bayan. Sayang nga lang at hindi ko dala ang aking camera para nai-post ko dito ang mga mukha ng mga mokong.

Nariyan pa yung kahirapan sa paghahatid at pagsundo sa NAIA. Alam kong ramdam din ng ibang pasahero ang problema sa airport. Kaya naman isa sa mga worse ang airport natin. Pero sa Terminal II, medyo ok naman. 

Idagdag na rin natin ang pangit na serbisyo ng ilang mga airport taxi. Kung makakahirit, humihingi pa sila ng additional. Kung medyo inosente naman ang pasahero, tatagain pa nila sa charge at minsan ililigaw pa para kunwari nahirapan sila sa paghahanap ng lugar. Andyan pa yung taxi na nga eh may chaperon pa yung driver na kung saan eh magdududa ka. 

Paano mo buburahin sa isipan ng mga dayuhan, ng magandang slogan ang nangyaring hostage drama sa Quirino Grandstand na ikinagalit ng mga chinese sa Hongkong kung hindi aayusin ang siguridad ng mga turista at sugpuin ang mga rebeldeng sumisira sa ating pangkapayapaang programa. Nariyan pa ang mga kidnap-for-ransom.

Idagdag mo pa ang ilang mga pangit na daanan at madilim na pook na hindi makabubuti sa atin at sa mga turista.

Mga magnanakaw at holdaper na naglipana sa mga lansangan at kahit sa mga LRT, MRT at maging sa mga fastfood.

Siguro naman, pinag-aralan na nila ito ng maigi. Nawa'y hindi na maulit ang hostage drama na malimit mangyari dito sa atin. Sana'y hindi lang masasarap na pagkain at magagandang tanawin kundi ayusin na rin nila ang mga lugar na maging safe at malinis hindi lang sa paningin ng bawat turista at ng masa. Sa Baclaran pa lang, madi-dismaya ka na. Hindi yung tatakpan lang ng kung anu-ano ang mga lugar na may squatter area para magmukhang maayos.
Enhanced by Zemanta

Friday, January 6, 2012

Illegal na Ukay-Ukay

Image credit goes to Yahoo
Pagmasdan ang litratong ito. Mga damit na nahuling "illegal" na Ukay-ukay na mula sa Hongkong. Kung totoong ito ay gagawing donasyon para sa biktima ng Sendong, malaking tulong ito sa kanila. Ngunit, batid ko maraming mga magsasamantala sa ganitong klaseng donasyon. Maaring pipilian muna ito at yung mga magagandang klase ay ibi-benta.

Sana maging tapat ang mga naghahatid ng donasyon. Baka ilang sako na lang ang makarating.

Sana magpatuloy ang ganitong performance ng Bureau of Customs. Parusahan ang mga smugglers. Sana hindi rin ito pa-pogi points.

Wednesday, January 4, 2012

2012 - Panibagong Simula ng Dagdag na Problema

Sa taong 2012, anu-ano kaya ang mga pagbabagong magaganap sa ating bansa matapos ang 2011? Meron pa nga bang natitirang pag-asa sa lahing Pilipino para umunlad sa sariling bayan gayong nagiging magulo na ang ilang bansang pinagsisilbihan ng ating mga kababayan?

Ngunit bago ang lahat, pansinin muna natin ang dagliang pagpapa-uwi sa ating mga kababayang nasa bansang Syria kung saan mahirap na raw ang kalagayan doon ayon sa isang pinay na naka-uwi sa ating bansa. 

Pansinin din natin ang mga pagtaas sa langis at LPG na bumulaga sa atin pagkapasok lamang ng bagong taon. Baka nga sundan pa ng pagtaas ng singil sa kuryente.

Nariyan din ang sinasabing mungkahing tuluyan ng tanggalin ang mga paputok (Firecrackers) tuwing pasko at bagong taon dahilan umano sa dami ng mga aksidente ayon sa DOH na sinang-ayunan naman ng DENR at ilang mga mambabatas. Ngunit sa campo ng pangulo, medyo sinasabi nila na pag-isipan daw mabuti dahil marami ang maapektuhan.

Samantala, banta naman ng mga NPA ang mga paglusob para lamang ipaalam na mali ang sinasabing katiwasayan sa ilang mga pook na sinasabing "Insurgency free" umano ayon sa mga military. Parang nakakatakot kapag laging ganito ang banta. Wala talagang katahimikan. Malabo pa rin ang kapayapaan...

Nariyan ang planong  "Skybridge" para mabawasan umano ang matinding traffic sa EDSA. Ang "Skybridge" ay planong pagdugtunging ang Makati at Quezon City. Tapos, idagdag pa natin ang mungkahing gawing tollway ang EDSA tulad ng Singapore. Eh dito pa lang, tiyak sangkatutak na batikos na naman.

Isunod mo pa ang mga kasong nilulutas ng kasalukuyang administrasyon laban sa dating pangulo at ilang mga opisyales na itinalaga ng dating administrasyon. Pero hanggang ngayon, wala pang magandang balita tungkol sa "Maguindanao Massacre". Ano na ang nangyari sa "Hacienda Luisita"? 

Higit sa lahat, sa dami ng mga problema minsan hindi natin napupuna ang mga problemang idinudulot mismo ng mga ilang empleyado, opisyales, mambabatas at kinatawan ng ating gobyerno na sumisira sa mukha ng ating bansa dahil sa pagiging gahaman, makasarili at walang pagmamahal sa bayang kanilang pinagsisilbihan. Magaling sa salita ngunit kulang sa gawa, di-tulad ng ilang na hindi madada pero makikita mo ang gawa. 

Asahan nyo, kahit ang 43 milyon na donation para sa biktima ng Sendong, tiyak kaunti lang ang aabot sa mismong mga biktima. Kaya sa mga nagbabahagi ng mga donation wag naman pag-intiresan ang mga donation, makonsensiya naman kayo lalo na yung mga galamay. Mainam na yung may paalala, dahil yung iba wala talagang konsensiya pati donation lalo na pag imported binabatan at ipinapalit eh, mga local goods.

Kaya abangan na lang ang mga susunod na kabanata. Nagmamasid lang po!

Saturday, January 16, 2010

Nakakainis Ang Meralco

You know guys, para sa mga kapwa ko Filipino, minsan hindi mo maiwasan mainis sa serbisyo ng Meralco! Alam nyo kung bakit?

Nitong mga nakalipas na ilang araw, mga tatlong araw, wala kaming kuryente dahil pumutok ang linya ng Meralco sa aming lugar kung saan halos buong block walang kuryente. Dahilan umano ito ng mga illegal koneksiyon.

We have done our part, nakipag-cooperate na kami, samakatuwid, alam na nila kung sino ang mga illegal. Matagal na namin itong ipinaalam sa kanila kung kaya't alam na nila ang sitwasyon noon pa man, pero, parang merong ilan sa mga nagtatrabaho sa Meralco, na naka-assign sa lugar namin ang gumagawa rin ng illegal na transaksiyon kumbaga, pabor din sa mga illegal users. Duda ko lang! Pero, meron talaga! Pera-pera na rin kasi eh!!!

Ang nangyayari, napuputol ang linya dahil overloading daw, itinatawag, ikinakabit nila at pagkaraan ng ilang araw putol na naman. Paulit-ulit lang kaya minsan mapapagod ka ng tumawag. Hindi talaga nila ginagawa kung ano ang dapat. Ang mga residente naman nagkakabarangayan na, nagkaayos, nagkapirmahan pero ganun pa rin. Di ba nakakapagod?

Samantalang ang tanging solusyon, base sa pagkaalam ko ay ang karagdagang transformer para matugunan ang tamang demand ng kuryente sa amin. Pero, giit ng contractor, kaya pa naman daw nung transformer kaya hindi kailangan magdagdag. Sabagay, gastos nga naman, pero handa namang mag-bond yung mga ilang residente na gustong magka-ilaw.

One time, naibulalas ko sa call center agent na mahirap magpin-point kung sino ang mga illegal dahil buhay ang nakasalalay diyan. Dapat sila na ang gumawa ng paraan at ipatupad ang ultimanum sa mga illegal users.

Kaya ito, ilang araw kong hindi nabisita ang blog ko. Ngayon, parang tinatamad tuloy akong mag post sa blog dahil parang nahatak ang atensiyon ko sa naging problema namin sa kuryente at kailangang makipagtalakayan sa kapwa residente at ilang barangay leaders namin. Nakakawalang gana talaga dahil pati negosyo ko apektado. Tsk!Tsk!

Saturday, November 28, 2009

Mga Batang Mag-aaral Ngayon

Hindi ko malaman kung paano ko ihahambing ang uri ng edukasyon ngayon at noon. Ngunit, ang tanging nasa isip ko ay kung paano magsipag-aral ang mga kabataan ngayon.

Dati, kahit na lampara lang ang gamit ay talagang puspusan ang pagsisikap ng mga bata na mag-aral at matuto. Hindi alintana kung anong oras na sapagkat hindi pa rin naman gaanong ginagamit ang orasan noon. Tanging ang sinag ng araw o ang liwanag ng buwan lamang ang laging batayan ng orasan.

Sa pagyaon ng panahon, unti-unti ng umunlad ang bayan at nagkaroon na ng malaking pagbabago sa kabihasnan. Siyempre isa na rito ang pagbabago sa pag-uugali ng isang tao. Unti-unti na rin nabubura sa isip ng tao ang wastong kaugalian at pamantayan sa buhay. Hindi na rin nagiging mabuti ang pagpapalaki ng ilan sa kanilang mga anak kung kaya't ilan sa mga kabataan ay hindi na taglay ang mga ugaling natutunan natin sa ating mga magulang.

Ngayon, halos kumpleto na sa lahat ng imbensiyon at lahat halos high tech na pero meron pa rin mga bata na tamad mag-aral. Kaya mangmang. Maging ang ABCD ay hindi pa mabasa ng maayos. Pati pag-unawa sa mga salita ay hirap pa rin. Ano na kaya ang mangyayari?

Edukasyon lamang ang makapagwawasto ng lahat. Lakip na rito ang patnubay ng mga magulang na dapat ay laging ginagabayan ang kani-kanilang mga anak sa bawat araw. Hindi naman sa bawat oras dahil alam naman natin na sa ngayon, mahirap na ang buhay kaya't kailangan na ang mga magulang ay nagtatrabaho na. Masyado ng mahal ang mga bilihin kaya kailangan na dalawa na ang kumakayod. Mas marami na rin ang luho ng bawat tao kaya mas kailangang kumita.

Ang sakripisyo. Ang matindi, pati ang pag-aaral ng mga kabataan ngayon ay masyado na ring magastos. Sa bawat araw may mga bayarin at ilang mga proyekto na kailangan ay bilhin at gawin. Uniporme, sapatos, at mga gamit sa pag-aaral ay ilan lamang sa kailangang tugunan ng mga magulang. Halos, lahat ng pagtitipid ay ginagawa ng ilan upang maipagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Halos magtiis at magkanda-utang utang para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga bata.

Kaso ang masaklap, sadyang may mga kabataang walang pagpapahalaga sa edukasyon, binabaliwala lang. Ayaw magsikap upang makatapos ng pag-aaral. Hindi mo kakikitaan ng interes sa pagbabasa at hasain ang kanilang mga talino at kakayahan. Maging sa paggawa ng mga proyekto nila sa paaralan, bagkus na sila mismo ang gagawa, mga magulang naman ang pinagagawa. Anong klaseng estudyante yan! Ito namang mga guro hindi naman nila nililiwanag kung paano gagawin ng mga estudyante ang kanilang mga proyekto!

Sadya nga yatang may mga guro din na pabaya sa kanilang pagtuturo. Basta ang mahalaga sumasahod sila. Walang inisyatibo. Walang pakialam. Dahil dito marami din mga mag-aaral na nakatapos na mangmang pa rin.