Ano ba dapat ang tunay na layunin ng edukasyon? Pagkatapos, saan ba ang huling hantungan ng ilang taong pag-aaral?
Batid natin na sadyang napakahalaga ng edukasyon sa bawat tao. Alam natin na tanging edukasyon lamang ang sagot upang matuto, madisiplina at mabuhay ang tao. At laging sinasabi na edukasyon ang lunas sa kamang-mangan. Edukasyon rin ang sagot sa kahirapan. Patunay na marami sa atin ang gumanda ang buhay dahil sa taglay na mataas na antas ng pinag-aralan. Marami ang naging matagumpay at yumaman. Marami ang naging tanyag at dalubhasa sa larangan ng iba't-ibang sining at imbensiyun.
Ngunit hanggang saan magtatapos ang edukasyon? Hanggang kailan magsasakripisyo ang mga magulang upang mapatapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak? Alam natin ang kahirapan dito sa ating bansa. Isa na rito ang kawalan ng magandang trabaho, ang mababang sahod at ilan pang paghihirap na bumabalot sa bawat pangarap ng tao na umunlad at guminhawa.
Hindi tayo tutol na pagandahin ang mga programang pang-edukasyon. Ngunit hindi naman yata maganda na dagdagan pa ng ilang taong paghihirap ang bawat mag-aaral na pumapasok para lamang makatapos at makapag-trabaho. Ito ang isinusulong ng ating gobyerno ngayon na ipatupad ang tinatawag nilang K-12. Tama ba ang layuning ito na ayon sa kanila ay mapabuti ang sistema ng edukasyon at employment rate sa bansa? Hindi ba't lalo lamang nilang pinatatagal ang paghihirap ng kabataan natin?
Sa katotohanan, maraming mga bata ngayon ang tinatamad ng pumasok sa eskwela kung hindi nga lang talaga kailangan. Marami ang nagka-cutting classes ngunit pumapasa pa rin sa eskwela. Marami ang pilit na pumapasok dahil diploma ang kailangan upang makapasok sila ng trabaho. Maraming ang nagtatpos ng kolehiyo ngunit hirap pa ring makahanap ng trabaho. Bakit? Sapagkat marami ang nakatapos ngunit walang tamang karanasan sa trabahong gusto nilang pasukan. Ibig sabihin, hindi angkop ang mga natututunan ng mga estudyante para sa trabahong gusto nila puntahan.
Noong araw, marami ang nakatapos ng high school na kumuha ng vocational courses ang ngayon ay gumanda ang buhay. Bakit? Sapagkat alam ng estudyante ko ano ang kailangan nila para makapasok ng trabaho. Mula doon nagsimulang mabuo sa isipan ng tao ang kahalagahan ng tamang kakayahan at dagdag na karunungan para lalo pa nilang mapabuti ang kanilang trabaho. Talagang pumatok ang vocational courses noon dahil sa dami ng demand. Maging ngayon ganun pa rin naman ang demand sa mga technical na kurso. Samakatuwid, hindi kailangan maging mahaba ang pag-aaral bagkus mas maiksi ngunit pulidong pag-aaral ang sagot upang makakuha ng trabaho. Ang talino at galing ng isang tao ay nakukuha kasabay ng kaniyang actual na pagta-trabaho. At kung gusto niyang itaas ang kaniyang antas, saka lamang siya kumukuha ng dagdag pang pag-aaral o kurso.
Para sa akin, hindi ang K-12 ang sagot para maibsan ang problema sa mga unemployment rate sa ating bansa. Kung nauunawaan lamang ng gobyerno ang problema ng mga magulang marahil mag-iisip sila ng magandang solusyon para mabigyan ng trabaho ang bawat pilipino.
Ilaan ang elementarya sa pagtuturo sa mga kabataan ng personal development, tamang batas, alituntunin, kultura at mga bagay na makakatulong upang mapabuti ang kanilang mga sarili sa murang edad. Ituro ang tamang disiplina para sa tamang pagkilos sa lansangan at lipunang kanilang kinabibilangan tulad ng ginagawa sa Japan kung saan actual na itinuturo sa mga kabataan ang tamang pagtawid sa daan, pagbasa sa mga nakasulat sa karatula at ang mga alitintunin sa kalsada at mga gusali o lugar na kanilang pinupuntahan.
Sa high school, kung maaari nga lang gawin ng vocational upang malaman ng mga estudyante kung saan at anong kurso sila nababagay. Nang sa gayon, maaari na silang makapag-trabaho gamit ang mga simple at angkop na kakayahan sa larangan ng trabaho. Dito, maaaring mag-isip at makapili kung kailangan pa nilang magpatuloy ng kolehiyo upang maitaas ang antas ng kanilang pinag-aralan.
Sa kolehiyo, pag-aralan nilang mabuti ang bawat kursong kinukuha ng mga estudyante. Ipatupad nila ang tamang bilang ng estudyante sa bawat kurso (magkaroon ng quota). Kung ano ang nakikitang demand sa trabaho yun ang kursong dapat nilang bigyan ng pansin na makabubuti sa mga estudyante upang makakuha ng magandang trabaho sa loob at labas ng bansa. Sa dami kasi ng kurso at dami ng kumukuha ng kursong akala nila ay maganda, ngunit pagkatapos iilan lang ang nakakapasa. Wala ring saysay ang 4 na taong ginugol nila sa pag-aaral dahil nauuwi lang din sila sa mababang uri ng trabahong hindi akma sa kanilang kursong natapos. May mga nagtapos ng kolehiyo ngunit naging kundoktor lamang ng bus. Maraming mga accounting ngunit sa warehouse lang din ang bagsak.
Ano pa ang saysay ng pagkahaba-habang pag-aaral kung ang trabaho mapapasukan eh pang high school level lang naman.
No comments:
Post a Comment