Search Bar

Showing posts with label Tagalog Articles. Show all posts
Showing posts with label Tagalog Articles. Show all posts

Monday, August 15, 2011

Pagyamanin Ang Ating Wika

Paano ba natin pinahahalagahan ang ating wika? Kung tayo ay nandito sa sarili nating bayan kailangan bang mag-usap tayo sa banyagang wika? 

Marahil mahirap unawain kung bakit marami sa atin mga kababayan ang mahilig mag-ingles lalo na yung mga nai-interview ng mga media. Halos karamihan kung sumagot ay ingles ang ginagamit. 

Meron naman, kapag tinanong sa wikang tagalog, ingles ang ibinabanat. Kapag ingles ang tanong, tagalog naman ang sagot. Minsan, kapag nakakapanood ako ng mga interview sa telebisyon, parang nakakainis. Hindi nyo ba napapansin na kapag nabibitin sila sa pagsagot ng ingles nag-iisip pa sila kung ano ang sasabihin. Bakit hindi na lang magtagalog para deretso ang sagot dahil ramdam mo pa ang nais nilang iparating. Lalo na kung balita, mahalagang mas naiintindihan ng mga nanunuod kung ano ang kanilang sinasabi. Kaya mas tinatangkilik ng mga manunuod ang mga istasyon ng TV na tagalog ang wikang ginagamit. 

Kailangan turuan natin ang ating mga anak na managalog ng maayos o gamitin ang sarili nating wika o katutubong wika ng sa gayon mas lalo nilang mahalin ang bansang kanilang kinabibilangan. Kung meron mang mga bata na mahilig magmura ay dahilan ng kakulangan sa kaalaman sa wastong pananalita. 

Mas magandang pakinggan kung tayo ay nagsasalita ng sarili nating wika. Matamis pakinggan ang wikang Pilipino. Naalala ko tuloy noon mga panahon na sumasali pa ako sa mga balagtasan, aliw na aliw akong magsalita ng tagalog dahil sa ganda ng bigkas, bagsak at tonada na binibitiwan sa larangan ng balagtasan. Bawat bitiw ng salita ay nakakabighani at hindi nakakasawang pakinggan. Kumbaga, naglalaman ng mga wasto at matatamis na pangungusap.

Sabi nila, ang buwan na ito ay buwan ng wika. Parang pasko, kapag sumasapit dun lang natin inaalala. Ngunit tama ba na tuwing Agosto lang natin pinahahalagahan ang ating wika.

Sabi nila, kailangan natin sanayin ang mga kabataan sa salitang ingles dahil ito ang mga kailangan ngayon sa trabaho. Kailangan fluent ka sa ingles para ikaw ay may dating at mas katanggap-tanggap ka sa kumpanyang inaaplayan mo. Oo, alam naman natin yan dahil sa panahon ngayon dapat mas lamang ka sa iba. Kung hindi ka nga naman marunong bumasa at umunawa ng ingles, tiyak matatambay ka ng matagal lalo na kung ang trabahong hanap mo ay nangangailangan ng mataas na pinag-aralan.

Pero, obserbahan nyo ang takbo ng ating bansa. Sa wikang Pilipino pa nga lang hirap na ang ibang magkaintindihan. Ilan sa ating mga kabataan ang hindi alam ang tunay na kahulugan ng ibang salita natin. Sa dami ba naman ng katutubong wika natin eh paaano nga tayo magkakaisa at magkakaunawaan. Kaya sa wikang pilipino dapat panatilihin natin ating ugnayan dahil ito ang ating pambansang wika. Hindi Ingles

Nararapat lang gamitin ang ingles o ibang pang banyagang salita kung ang kausap mo ay isang banyaga. 

Silipin mo ang mundo ng World Wide Web o ang internet, bihira mong makita ang ating wika na kasama sa ibang bansa na kinikilala ng mga dayuhan. Maging sa translation walang tayo sa listahan. Dahilan kaya tayo napag-iiwanan. Kaya naman, pakiramdam ko, wala na tayong pag-asa na makipag-sabayan sa ibang mga kalapit nating asyano. Mabuti pa ang Thailand, Indonesia, Malaysia at ibang karatig bansa natin ay kasama.

Ang mahirap, baka tuluyan ng mabura sa isipan ng mga susunod pang henerasyon ang ating sariling wika. Nariyan na kasi ang mga salitang jejemon dahil sa text messaging. At ang kabataan ngayon marami ng pinapausong salitang hindi angkop na maipamana sa mga susunod na henerasyon. Pag nagkataon, marami sa ating ang magiging dayuhan sa sariling bayan. Ano pa ang maaari nating ipagmalaki sa ibang bansa. Minsan, hirap na ang ilan sa ating na magsalita ng atin wika dahil sa pilit nating pinahahalagahan ang mga wikang banyaga.

Isipin na lang natin. Kapag ang mga dayuhan ay nandito sa atin, pilit nating ginagamit ang kanilang lengguwahe na halos hirap silang maintindihan tayo. Samantalang sila, kung tayo ang nasa kanilang bansa, hindi nila ginagawa iyon. Bagkus tayo pa rin ang pilit na gumagamit ng kanilang lengguwahe upang maintindihan nila tayo. 

Sana naman, matutunan nating pahalagahan ang ating sariling wika. Ipagmalaki natin ito upang lubusan tayong kilalanin ng mga dayuhan at malaman nila na mahalaga sa ating ang ating wika. Kaya naman, sa SONA ni Pangulong Aquino, tagalog ang kaniyang ginamit, kaya mas nauunawaan ng masa ang kaniyang talumpati. Mas makabuluhan at abot ang tunay na damdamin ng masa.
Enhanced by Zemanta

Saturday, January 23, 2010

Sa Pinas.. Sa South Korea...

Ilang araw na rin akong walang ganang magblog simula nung laging walang kuryente sa amin. Sobrang nakakatamad pala kapag nawalan ka ng gana. But then, medyo naingganyo ako ngayon dahil may nabasa akong isang magandang kuwento kahapon tungkol sa order ng South Korean's Health Ministry.

Isang programa ng South Korean's Health Ministry sa ngayon, tuwing ikatlong-Miyerkules, 7:30 pm, bawat buwan, ay pinapatay nila ang mga ilaw sa opisina para umuwi ng maaga ang mga staff para "gumawa ng bata". Bakit?

Ito ang sagot:

1. Low birthrate.
2. There are fears that the population will begin shrinking within a decade.
3. 1 Child are burdened with supporting the elderly.
4. South Koreans may lose out global economic competition due to lack of manpower.

Kung dito sa Pinas, insignificant ang populasyon dahil pabigat na sa gobyerno. Sa S. Korea sadyang binigyan nila ng pansin ang kahalagahan ng populasyon for economic point of view.

Sa atin, kahit hindi na magpatay ng ilaw eh talagang dumarami ang populasyon natin. Ang nakakalungkot lang isipin, hindi alam ng gobyerno kung paano gamitin ang populasyon para tayo ay lubusang umunlad.

Tama nga naman ang S. Korea, kung mababa ang birthrate maaring mahirapan ang isang bata na suportahan ang kaniyang magulang at papaano pa sila makakikilos kung kulang sila ng manpower. Ibig sabihin hindi problema ang populasyon. Ang problema ay kung paano i-distribute ang mga resources.

Sana ganito ang pananaw ng Pinas.... gaya ng pananaw ng South Korean.

Saturday, January 16, 2010

Nakakainis Ang Meralco

You know guys, para sa mga kapwa ko Filipino, minsan hindi mo maiwasan mainis sa serbisyo ng Meralco! Alam nyo kung bakit?

Nitong mga nakalipas na ilang araw, mga tatlong araw, wala kaming kuryente dahil pumutok ang linya ng Meralco sa aming lugar kung saan halos buong block walang kuryente. Dahilan umano ito ng mga illegal koneksiyon.

We have done our part, nakipag-cooperate na kami, samakatuwid, alam na nila kung sino ang mga illegal. Matagal na namin itong ipinaalam sa kanila kung kaya't alam na nila ang sitwasyon noon pa man, pero, parang merong ilan sa mga nagtatrabaho sa Meralco, na naka-assign sa lugar namin ang gumagawa rin ng illegal na transaksiyon kumbaga, pabor din sa mga illegal users. Duda ko lang! Pero, meron talaga! Pera-pera na rin kasi eh!!!

Ang nangyayari, napuputol ang linya dahil overloading daw, itinatawag, ikinakabit nila at pagkaraan ng ilang araw putol na naman. Paulit-ulit lang kaya minsan mapapagod ka ng tumawag. Hindi talaga nila ginagawa kung ano ang dapat. Ang mga residente naman nagkakabarangayan na, nagkaayos, nagkapirmahan pero ganun pa rin. Di ba nakakapagod?

Samantalang ang tanging solusyon, base sa pagkaalam ko ay ang karagdagang transformer para matugunan ang tamang demand ng kuryente sa amin. Pero, giit ng contractor, kaya pa naman daw nung transformer kaya hindi kailangan magdagdag. Sabagay, gastos nga naman, pero handa namang mag-bond yung mga ilang residente na gustong magka-ilaw.

One time, naibulalas ko sa call center agent na mahirap magpin-point kung sino ang mga illegal dahil buhay ang nakasalalay diyan. Dapat sila na ang gumawa ng paraan at ipatupad ang ultimanum sa mga illegal users.

Kaya ito, ilang araw kong hindi nabisita ang blog ko. Ngayon, parang tinatamad tuloy akong mag post sa blog dahil parang nahatak ang atensiyon ko sa naging problema namin sa kuryente at kailangang makipagtalakayan sa kapwa residente at ilang barangay leaders namin. Nakakawalang gana talaga dahil pati negosyo ko apektado. Tsk!Tsk!

Tuesday, January 5, 2010

Galing Mo Efren!

 
               

Hanga ako sa dalawang ito!

Si Angel Locsin, kahit na sa tv ko lang nakikita, pakiwari ko ay mabait at simple lang. Marahil, kung anuman ang nababasa ko tungkol sa kanya ay bahagi lamang ng publisidad. Nasa showbiz kasi kaya hind maiwasan. Marahil isa nga siyang mabait na tao dahil sa mga kawang-gawa na ipinakikita niya sa tao. Isa rin marahil ay marunong siyang lumingon sa kanyang pinanggalingan. Ang tao kasi kung minsan hindi maiwasan madaling makalimot sa pinagmulan.

Si Efren naman, nalaman ko lang sa internet ang kanyang nominasyon at maikling kuwento tungkol sa kanyang buhay. Kaya agad kung sinuportahan ang kanyang pagiging nominado. Bumoto. Siyempre, basta pinoy suportahan natin!

Pero sa lahat ng gusto ko ay 'yung umibig ang isang tao! Para bang naalimpungatan ako nang mabasa kong niligawan ni Efren si Angel. Ano? Ilan lang ang mga ganitong tagpo sa totoong buhay. Bihira kumbaga.

Naalala ko tuloy ang lumang tipan sa panliligaw, una munang sinusuyo ang mga magulang bago ang anak. Siyempre, bihira na yata ngayon sa mga lalaki ang ganito. Pero mas epektibo ito para sa akin. Unang kinausap ni Efren ang ama ni Angel at iyon ay isang senyales ng tunay na intensiyon. Sino man yan, ama, ina o kapatid na lalaki, dapat magpakilala ka sa kanila kung manliligaw ka. Hindi hadlang ang katayuan sa buhay basta tama at malinis ang iyong hangarin. Pag-ibig mo ipaglaban mo kahit ika'y mabigo upang masukat mo kung hanggang saan ang kaya mo. E, yung iba dyan sa kanto lang ang kayang puntahan at mga liblib na pook! Hindi kayang humarap sa mga partido ng kanilang napupusuan.

Kaya Efren ituloy mo lang ang pag-ibig mo....

Monday, January 4, 2010

Gamit ng Palara (Cigarette Foil)

Marahil ang ilan sa inyo ay hindi pa alam na maaring gamitin ang palara na karaniwang makikita sa mga pakete ng sigarilryo na pambalot ng mga sirang eagle fuse. Para saan?

Minsan, hindi maiiwasang mag-overload ang ilang mga power supply na gamit ay 'yung karaniwang lamang sa mga residential houses. Dahil walang pambili hindi agad napapalitan. Bihira kasi ang gumagamit ng mga circuit breakers dahil may kamahalan. Pero kung tutuusin mas safe ang circuit breakers dahil nagti-trip off ito kapag may short circuit at overloading.

Paano ba ito ginagamit? Kapag nag-overload ang inyong plangka, tingnan ang bawat fuse kung alin ang may sira. Tingnan mo na rin kung alin sa mga gamit mo ang dahilan ng overloading. Safety first! I-off muna 'yung switch para makasigurong ligtas ka. Tapos, tanggalin ang sirang fuse gamit ng plies palabas ng plangka. Gumupit ng palara ng sigarilyo at balutin ito ng naaayon sa sukat nito at tamang kapal lamang upang lumapat ng husto sa slot. Ibalik at muling i-on ang plangka. May ilaw na?

Ngunit isang paalala, ito'y pansamantala lamang ang paggamit. Kung may pambili ka na palitan agad ng bago ang sirang fuse.

Monday, December 28, 2009

Ayokong May Umaalis

Bago ang pasko, malungkot kami dahil iilan lang kami sa bahay. Ngunit nang dumating ang panganay naming kapatid, kasama ang kaniyang asawa, bilas at biyenan, medyo nagkaroon ng saya sa aming bahay. Mga ilang araw ding kaming masaya lalo na sa pagsapit ng pasko.

Masaya sila sa pamamasyal sa loob ng ilang araw na pagbisita nila dito sa Manila. Kung saan-saan sila nakarating. Sa tingin ko enjoy naman silang lahat sa bawat araw.

Nagkasundo na rin ang pinsan ko at ang nanay ko sa kanilang tampuhan ilang buwan na ang nakalipas.

Napadalaw din ang pinsan ko sa bahay kasama ang kaniyang pamilya. Nagkakuwentuhan ng kaunti at siyempre meron kaunting inuman.

Masaya kapag meron bisita sa ganitong araw ng pasko. Ngunit, nakakalungkot din pala kapag umaalis na sila. Siyempre kailangan na nilang umuwi sa kanilang sariling tahanan at doon na magdiwang ng bagong taon. Ang saya ay napalitan ng lungkot. Matagal na naman kaming hindi magkikita. Taon na naman marahil.

At isa sa nakakalungkot ay ang hindi mo makita ang ina mo na halos kapiling mo sa araw-araw. Sumama kasi ang nanay ko sa kapatid ko patungong Laoag upang magbakasyon pansamantala na maaaring hanggang bagong taon na siya roon. Medyo nabawasan kami dito sa bahay. Nakakalungkot din pala. Parang ayoko ng ganito, nakakalungkot.

Bakit nga ba ganito ang dulot ng pasko at bagong taon?

Sunday, December 27, 2009

Pacquiao-Mayweather Bout

Mukhang hindi uusad ang labang ito sapagkat maraming haka-haka ang kampo ni Mayweather Jr maging ang ilang boksingerong itatapat kay Pacquiao. Ano ba ang kinatatakot nila?

Dahilan umano ay ang tungkol sa Steroids. Mga bintang na sa ganang akin ay hindi naman mahalaga. Si Pacquiao, kung height ang pag-uusapan ay malayo para sa mga katunggali nito. Kung katawan naman, hindi naman siguro napakalaking tao ni Pacquiao para katakutan nila.

Kung talagang positive siya sa steroids, sana noon pa ay nakitaan na siya. Sa dami ng mga laban niya na pawang mga magagaling pa ang kalaban, ni minsan yata ay hindi naging isyu ang Steroids sa kanya. Bakit ngayon lang?

Malamang, isang taktika lamang ito ng kalaban. Ikaw ba papayag ka na kuhanan ng sample ng dugo hanggang sa papalapit mong laban? Ang urine test ganun din. Eh kung ganito ang batayan, maaari ngang matalo si Pacquiao! Ang tanong, maging si Mayweather ba ay ganun din? Eh kung sa timbang lang ay dinaya na niya si Marquez ano pa kaya si Pacquiao na itinuturing na matinding kalaban.

Sana wag padala si Pacquiao sa demand ng mga kalaban niya. Bakit sila lang ba ang marunong? Baka pang-uuto lang ang kaya nila. Bakit kasi puro speculation ang mga iyon (kampo ni Mayweather), hindi na lang lumaban ng patas.

Manny Pacquiao: The Greatest Boxer Of All Time (Volume 1)Medyo nakakainis yung isyu tungkol sa binabalak na laban ni Manny Pacquiao at Mayweather Jr.

Bilang suporta kay Pacquiao, bilang isang Pilipino nais kong malaman ng bawat kababayan natin ang ganitong trato nila sa ating Pambansang Kamao. Dahil magaling, kung ano-ano ang kanilang sinasabi. Dahil puro malalakas at magagaling ang tinalo niya, ganun na kaagad ang tingin nila sa Pambansang Kamao natin. Naka-Steroids daw!
Enhanced by Zemanta

Tuesday, December 22, 2009

Opinyon Ko Lang Ito!

Tungkol Lang Kay Atty. Philip Sigfrid Fortun, kung saan nalaman ko na siya ang humahawak sa kaso ni Andal Ampatuan. Sensya na medyo naintriga lang ako. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit nga merong mga abogado na bulag.

Ibig kung sabihin, alam na nila na ang magiging kliyente nila ay pinararatangan, bagaman hindi ko sadyang alam ang pangyayari base sa actual na pangyayari pero sa pananaw ko ay talagang guilty, dahil merong testigo.

Hindi lang isa, kundi marami! Tapos, sasabihin niya na para bang alam niya na walang sapat na ebidensiya! Kung sabagay, sabi pa nga ng isang abogado na inalokan din umano upang maging tagapagtanggol nila, pero hindi niya tinanggap, maaring malaking halaga ang alok upang tanggapin ang kaso. At maaaring malaking halaga nga ang dahilan ng pagtanggap niya (Atty. Fortun) sa kaso.

Pera-pera na nga lang ba ang kaso ngayon?

Saka, sa dami ng mga nagsasabi na si Andal Jr. at ilang angkan nito ang dawit, dapat pa bang ipagtanggol ang mga ito. Nga naman, ang batas ay para sa lahat! Kaso, multiple counts na nga e bakit papayagan pang mag-piyansa. Piyansa!

Kung sakali bang nakalabas yan ng pansamantala, nakakatiyak kaya ang kinauukulan na hindi tatakas yan? Na hindi niya balikan ang mga testigo? Na hindi niya mamanipulahin ang sitwasyon?

Ano na naman kaya ang maging dahilan ng ating gobyerno? ng mga kinauukulan?

Dito, makikita mo na malaya nga ang tao. Malayang gawin ang gusto nila sa anumang paraan. Malayang gumawa ng masama o krimen, tapos, malayang makapagpiyansa. Hindi ba kalokohan yan! Eh maimpluwensiya kasi. Paano yung hindi? Sorry...... ka dyan...

Ang kalayaan ay para lang yata sa may pera!

Tsk! Tsk! Tsk! Hanggang kelan ba ganito ang Pilipinas?

Kung talagang wala silang kasalanan, harapin nila ang kaso laban sa kanila ng maayos.

Tapos, sa mga abogado, sana magkaroon naman kayo ng tamang pananaw sa buhay hindi lang dahil malaking biyaya ang inaalok eh tatanggapin nyo agad. Dapat maging defender kayo ng batas sa tamang paraan.

Naalala ko tuloy yung kuwento ng Prof. ko na Abogado rin tungkol sa Ama at anak na parehong abogado.

Ang tatay may isang kasong hinahawakan, pero matagal ng hindi nalulutas. Naging abogado na lang ang anak ay hindi pa rin nalulutas ang kaso.

Minsan, sinabi ng anak, na nagmamagaling, "Tay, ako na ang lulutas sa kaso para makita mong mas magaling ako sa iyo." Parang na-challenge ang ama, ngunit ipinaalam niya sa anak niya kung gaano siya kagaling (ang ama) na abogado. Sinabi niya sa anak, na kaya hindi pa nalulutas ang kaso hanggang sa makatapos siya (ang anak), dahil dun niya kinukuha ang perang pinangtutustos sa kanyang (sa anak) pag-aaral. Lol. Mas magaling nga ang tatay!

Sana hindi maging ganito ang sitwasyon ng kaso.

Nakikidalamhati ako sa mga biktima. Hustisya para sa kanila!

Thursday, December 17, 2009

At last, Umaksiyon Na Rin Si Chief Justice

Akala ko mananatili na lang sa pananahimik and Supreme Court. Salamat at kahit paano ay may natitira pang taong nangangalaga sa mukha ng hustisya ng bayan. kahit bulag, lagyan mo man ng piring ay magagawa pa rin nilang timbangin ang kasalanan. Naalala ko tuloy kung bakit nakapiring ang rebulto na may hawak ng timbagan bilang simbulo ng hustisya.


That RTC judge don't deserve his position. Mahirap isipin di ba? Hindi lang pala siya ang natatakot, marami pa. Sabi pa nga ng ilang senador ay dapat mag-resign na lang siya. Dapat siguro lumantad na yung mga takot na judge tapos file a resignation. Hindi pwede iasa sa kanila ang kapakanan ng mamamayan dahil walang paninindigan. Isipin nyo, from being a lawyer hanggang maging judge, matagal na panahon mo rin inalagaan ang pangalan mo then dahil sa fear nawala lahat! Sayang ang dignidad.

Bagaman, ako'y natatakot din. Ano pa kaya sila!

Pero, siguro dahil sa profession na yan, hindi mo pwedeng isantabi ang interest ng bayan. Imagine 57 peoples died at such instance or whatever. Hindi simpleng krimen ang masaker, marami ang involve. Kung pumasok ka para sa ganyang trabaho, hindi basta-basta yan. Ika nga perform your duty and didikit yourself.
Enhanced by Zemanta

Wednesday, December 16, 2009

RTC Judge, Takot Humawak ng Kaso?

Kahapon, napanood ko ang balita sa ABS-CBN, tungkol sa Maguindanao Massacre. Medyo nakakatuwa kasi pati ang paghawak sa kaso eh nira-raffle na rin pala na parang lotto. Suwerte ng nakakuha! Ang problema, nung ipinaalam na kung sino ang nakakuha o sa madaling salita, ang hahawak ng kaso, sa panayam ay tinanggihan diumano ang kaso. Ano 'yun!

What if, kung lahat ng mga huwis ganyan ang attitude? Ano mangyayari sa hustisya natin? San tayo mapupunta niyan? Nag-abogado ka pa kung takot ka din lang naman. Sana inalam mo muna kung dapat ka bang mag-abogado kasi kung ganyan ang attitude natin, better get out of it!


Sana, i-review ng IBP ang ganitong attitude ng mga Lawyers at Judges. Ang tanong, paano yung mga biktima. Kawawa naman tayo.

In fact, hustisya ang pinag-uusapan sa kaso. Ano pa ang silbi ng batas kung hindi naman kayang ipagtanggol ang naaapi o mga nabiktima o kung walang hustisya. Hindi lang isang tao, marami. Massacre.

Sayang!

Monday, December 14, 2009

Alamin Ang Inyong Karapatan

Tayong mga Pilipino, karamihan sa atin ay hindi gaanong alam ang mga batas. Kung sabagay, kaya may nagkakasala ay dahil merong batas. Ang batas ang tanging batayan o sukatan kung gaano katindi ang iyong kasalanan o krimeng nagawa.

Kaya't nararapat lang na malaman natin ang batas. Kailangan natin himay-himayin ang mga ito, hindi sa ilang sandali lang kundi sa habang buhay. Hindi rin naman kailangan na maging bihasa ka sa batas kundi upang maipagtanggol mo ang iyong sarili. Mahirap ang maging ignorante. Mahirap ang pagdusahan ang kasalanang hindi mo naman ginawa. Sa pamamagitan nito, matutulungan nating disiplinahin ang ating mga sarili. Minsan nakakatakot ang batas, pero, kapag alam mo ang mga ito ay kayang mong harapin ang bawat reklamo laban sa iyo o ang magreklamo.

Hindi tayo ipinanganak na api. kasama na natin ang ating kalayaan. Huwag nating hayaan na apihin tayo o sampo ng ating mga mahal sa buhay. Tandaan, sinuman ang umapi sa iyo ay lumalabag sa karapatang pantao. Ikaw man ay isang ama o anak, responsibilidad mo na ipagtanggol ang iyong pamilya.

I'm not a lawyer, pero inaaalam ko ang mga karapatan ko dahil hindi tanging mga abogado o ang gobyerno at mga law enforcer lamang ang dapat makaalam ng batas. Tingnan nyo marami ang human rights violation. Pinagsasamantalahan ang kahinaan ng mga mahihina at mahihirap.

Masarap magbasa ng mga aklat tungkol sa batas. Kahit 30 minutos lamang kada araw malaking bagay na ito. Unawain mo at tandaan ang mga ito, tiyak masasabi mo sa iyong sarili na mabuti na ito kasya wala ka talagang alam. Marahil namamangha tayo kapag ang isang tao, lalo na ang mga mambabatas ay nagsasalita ng mga bagay tungkol sa ordinansa o tinatalakay ang ibat-ibang issue tungkol sa mga anomalya ng gobyerno. Animo'y napakagaling nila sa batas kaya sa tuwing sila ay bababa sa lupa, tinitingala ng iba. Parang sila nga lang ang nakakaalam ng lahat ng galaw ng tao.

Bakit di mo simulan, sa Constitution ng Pilipinas, Labor Code of the Philippines, Family code at iba pa. Marami diyang mga lathalain tungkol sa batas. Hindi mo kailangan kabisaduhin ngunit dapat familiar ka sa mga ito. Unti-unti, hanggang sa ating pagtanda ay dala natin ang ating karapatan. Maging ang ating mga anak ay dapat nating turuan upang lubos nilang maintindihan ang mga batas at kanilang karapatan.
Enhanced by Zemanta

Friday, December 4, 2009

Financial Support For Parent

Ang isang nakakatakot na stage ng parenthood ay 'yung tatanda ka at wala ng susuporta sa pangangailangan mo. Obviously, ang pagtanda ay kasama sa bahagi ng ating buhay. Ngunit, ang magutom ang isang magulang sa kanyang katandaan ay hindi dapat maging bahagi ng buhay ng ating mga magulang.

Ano ba ang kaibahan ng pagakakaroon ng isa, dalawa o sampong anak? Ang isa, kung hindi mapagmahal sa magulang, kawawa naman ang magulang niya. Ang dalawa, maaaring isa sa dalawa ang magmamahal sa magulang nila o maaring wala. Ang sampo, maaaring isa sa sampo o higit pa ang magmamahal at susuporta sa kanya sa kaniyang (magulang) pagtanda. Sa sampo hindi maaaring wala magmamahal sa kanya.

As i try to imagine, 'pag matanda na ang isang magulang, limitado na ang kaniyang kakayahan para buhayin ang sarili niya. Paano kung nagkasakit pa siya at o kaya ay inabandona siya ng kanyang mga anak? Dito pumapasok ang takot, lalo na ang oras na magutom siya. Ibig kong sabihin, kung wala siyang trabaho? Sino ang lalapitan niya?

Nakakatakot isipin na ni isa sa mga anak mo ay hindi makaalala sa iyo. Hindi ka susuportahan sa lahat ng pangangailangan mo na kung saan lahat ng sakripisyo nang sila ay iyong palakihin ay ginawa mo. Anong tawag sa mga ganoong anak?

Nakakaawa tingnan na ang iyong magulang ay halos payat na dahil walang makain o pambiling pagkain. Kahit pagkain na lang siguro. Iyun bang kahit matanda na siya ay kailangan pa niyang kumayod para sa sarili niya. Iyun bang kailangan pa niyang magmakaawa sa mga anak niya.

Di ba isa sa responsibilidad ng anak ang buhayin ang magulang, isang prankang pananalita, buhayin. Walang kapalit kundi sukli sa lahat ng kabutihan nila, sa lahat ng pagtitiis at sakrispisyo nila. Araw at gabi, buwan at taon na lumipas, ang lahat ng iyon hanggang sa tayo'y lumaki, ay pasan nila. Pagkatapos, ganun na lang!

Bilang anak, stop counting. Masakit para sa mga magulang na marinig na pasaway at palamunin sila. Maghunos dili ka anak! Alam mo ba ang sinasabi mo? Mag-isip ka?

Minsan lang magkaroon ng isang magulang. Minsan lang tayo magmahal ng magulang. Minsan din lang ang huling pagsisisi.

Ang matanda, bigyan mo ng pambiling pagkain ay masaya na. Bigyan mo ng limangpong piso ay nagagalak na parang isang bata. Kahit hindi malaking halaga basta ang mahalaga ay maalala mo sila. Damit at gamot ay kailangan din nila. Hindi nila hangad na maging palamunin. Ayaw nilang maging alagain. Ang sa kanila ay alalahanin sila maging ng kanilang mga anak.

Thursday, December 3, 2009

Pag-Edit ng Kanta

Wala akong hilig sa pag-edit ng mga kanta. Wayback in high school, hindi ko nga hilig ang subject na Music. Una, sintonado ang boses ko. Ikalawa, nakakaboring ang magbasa ng mga nota. Ikatlo, wala sa bokabularyo ko ang maging singer. Pero, mahilig ako sa mga magagandang awitin.

Pero, sa ngayon, bilang karagdagang kaalaman, napilitan akong pag-aralan ang music editing. Sa dami ng mga mahihilig sa sayaw ngayon at sa pag-unlad ng sining sa pagsasayaw ay naging bahagi na ang musika sa larangang ito. Lalo pang umigting ang kahalagahan ng mga kanta nang mauso ang hip-hop dancing at iba't ibang sayaw na may kasamang eksibisyon. Dahil dito nauso na rin ang music mixing o sa madaling salita ay editing.

Sa editing, maraming kang puedeng gawin sa isang kanta. Kung ano ang gusto mo ang siyang masusunod. Ngunit, hindi dapat na basta-basta mo na lang pagsasamahin ang bawat kanta upang makagawa ng kakaibang kumbinasyon. Dapat, alam mo rin kung bagay at maganda sa pandinig ng tao o angkop sa mga gagawin pagsasayaw. Ang tiempo at ang tamang bagsak ng kanta ang dapat na bigyang pansin.

Marami ng mga magagandang remix ngayon na maririnig saan man lugar ka pumunta o kahit sa radyo at telebisyon. Minsan, mapapaindak ka.

Sa editing ng kanta, dapat meron kang tinatawag na editor isang klase ng software o program na kumpleto sa mga effects at iba pang kailangan sa pag-edit. Kailangan mong pag-aralan ang mga pangunahing hakbang sa pag-edit ng kanta. Sa una, medyo nakakabagot pero sa oras na makagawa ka ng isang kumpleto remix ng mga kanta, unti-unti mo na itong magugustuhan at talaga namang malilibang ka.

Paano ba? Maraming kang dapat ihanda. Dapat meron ka ng lahat ng kanta. Dapat meron ka rin mga effects. Tungkol sa mga effects, pwede kang gumawa gamit ang mic patungo sa computer. O kaya naman ay kumuha ka sa iba't ibang kanta na mayroon mga effects. Cut, paste at save lang ang gagawin mo. So, kung ok na saka mo ngayon pagdu-dugtungin ang mga ito. May trial and error din kaya dapat mahaba ang oras mo sa ganito editing. Higit sa lahat wag mong kalimutan ang music editing software. Kailangan mo rin ang headset at mic.

Ang isang kanta, dati-rati ay mahirap baguhin pero ngayon sadyang madali na ang lahat. Maaari mo itong pabilisin, pabagalin, gawin robot at kung anu-ano pa. Maaari mo rin pagsabayin ang dalawang kanta. Maaari mo rin lagyan ng effects bawat dugtungan ng kanta. Anything you can imagine of.

Sa ngayon naragdagan na naman ang aking kaalaman. At hindi ako titigil liban kong hindi ko na kaya.

Subukan nyo Music Morpher Softwares like AV Music Morpher Gold

Wednesday, December 2, 2009

Karapatang Pantao (Human Rights)

Bilang isang tao, isang mamamayan, paano ko nga ba mapapangalagaan ang aking mga karapatan? Ano ba ang kailangan gawin ng isang tao para ipagtanggol ang kaniyang sarili?

Lahat ba ng bansa ay napapangalagaan ang karapatan ng taong kanyang nasasakupan o ang mamamayan sa madaling salita? Tanong, bakit dito sa bansang Pilipinas marami ang naabuso? Gaya na lamang ng mga walang laban at mahihirap na tao. Ng mga walang alam sa batas at yaong mga mangmang. Sadyang ang mga nasa kapangyarihan at mga kilalang tao lamang, mga maimpluwensiya ang nakikita kong may 100% proteksiyon ng batas. Kapag nasa gobyerno, halos karamihan ay ginagamit ang batas para pagtakpan ang kanilang mga kasinungalingan at kasamaan. Garapalan kumbaga! Parang kay hirap para sa gobyerno ang lutasin ang mga kasong lumalabag sa karapatan pantao. Lalo na kung kilala at kaibigan ng mga pulitiko. Nakakaloko!

Isang halimbawa ang Maguindanao Massacre, nasan na ang hustisya ng mga napatay? Multiple counts ang ipinataw sa may sala. Parang dala pa rin nila ang immunity na tinatawag ng ilang mga pulitiko. Maging sa kulungan? Dapat talaga ibalik ang hatol na kamatayan. Para mabigyan muli ng tamang hustisya ang mga biktima.

Pero, bakit kung ang may sala ay isa lamang ultimo, halos hindi nadidinig ang hinaing lalo na yung mga inosente at napagbintangan lamang. Dito sumasagi sa isip ko ang pangungusap ng Pangulong Magsaysay, na sa aking pag-unawa, "kung sino ang wala, dapat siya yung meron". Siguro, kung sino ang mahirap dapat tinutulungan. Kung sino ang inaaapi, dapat siyang pinagtatanggol. Sana, nabuhay na lang ako sa panahon ni Pangulong Magsaysay, para naramdaman ko kung gaano katotoo ang mga kuwento tungkol sa kaniyang kabutihan. Upang makita ko at matunghayan ang mga pangyayari sa panahong iyun. Alam kong naging mabuti siyang pangulo ng Pilipinas, dahil sa mga nababasa ko at maganda ang kumento sa kaniya ng mga tao. Maging ang mga magulang ko alam nila ang pagiging mabuting pangulo ni Pangulong Ramon Magsaysay. Hindi niya pinahihintulutang gamitin ang kaniyang pangalan sa maling gawain. May paninindigan at isang salita.

Sayang at nawala na ang tagapagtanggol ng bayan. Meron pa kayang magiging tulad niya? Parang hindi ko ramdam dahil sa dami ng mga naaapi ngayon. Kung sino pa ang nasa gobyerno, siya pa ang abusado. kailan pa kaya magkakaroon ng isang tulad niya, matapang at marunong lumingon sa pinanggalingan.

Paano na kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, na ang mga nasa gobyerno ay bingi, pero sa kalansin ng pera, lalo na kung milyon, lumalakas ang pandinig at pakiramdam.

Sana naman hindi dahil sa pera mauuwi sa wala ang hustisya ng mga biktima - biktima sa lahat ng bagay. Dapat, hindi bingi ang batas at bulag ang namamahala. Ang mga nakasampang kaso hindi inuupuan kundi tinatayuan, at dini-desisyunan upang malutas at mabawasan ang nakabinbing problema sa Karapatang Pantao.

Monday, November 30, 2009

Nuclear Weapons?

Gravity Bomb "Fat Man" Which killed 120,000 Civilians in Japan

Ano nga ba itong Nuclear Weapons? I assume, hindi ko gaanong alam ito. Parang ayaw kong malaman. Bakit pa?

Ngunit, kahit paano kailangan ng tao malaman ang tunay na kahulugan ng Nuclear Weapons. Kapag sinabing weapons, eh ibig sabihin sandata! Kung Nuclear, sa ganang akin, ay isang pinakamabangis na sandata. Giyera. Kaguluhan. At malamang, katapusan ng iilang nilalang. Nakakatakot!

Ang ilang mga bansa na gaya ng Amerika, Russia, China, Korea maging ang mga ilang Europeans ay meron mga Nuclear. Ang mga bansa naman na walang Nuclear ngunit kayang gumawa nito ay ang Brazil, Iran, Africa at ilan pa. Eh! paano ang mga bansang tulad ng Pilipinas at iba pa na hindi kayang gumawa nito. Paano na?

Isa lang ang ibig sabihin, sila ang mga mahihinang bansa na sunod sunuran lamang sa mga malalakas na bansa. kawawa naman pala ang mga bansang ito! Hindi na nga makaahon sa hirap hindi pa madepensahan ang sarili nito sa panahon ng giyera. Kung mangyari man na sa 2012 ay magkaroon ng hindi inaasahang giyera, ito'y ayon sa propesiya, kawawa ang mga nasa labas ng lungga. Walang mataguan. Hindi katulad ng mga bansang meron Nuclear, meron na rin silang tinatawag na taguan sa oras na maganap ang Nuclear war.

Taguan o Underground tunnel. Ito yung mga magiging pansamantalang tirahan ng mga taong gustong maligtas sa giyera. Pero ang mga taguang ito ay hindi pangkaraniwan, sapagkat talagang malalawak ang mga ito at maaaring mabuhay ang tao. Naroon na ang tinatawag na imbakan ng pagkain - mga de lata, tubig at kung ano pa na kailangan upang maka-survive. Siyempre, hindi mawawala ang gas mask.

Matindi na ang labanan ngayon, palakasan na ng armas at paramihan ng iba't ibang inbensiyon. Ang mga malalakas na bansa, gaya ng Amerika, ay naghahanap na ng malilipatan sa kalawakan, sa ibang planeta. Weird? Yung iba naman ay tirahan sa ilalim ng lupa. Siguro meron na rin nag-iisip manirahan sa ilalim ng tubig.

Ang mga ito ay nabasa ko lang din at ako ay naalarma. Hindi natin alam na meron na palang mga bansang naghahanda sa panahon ng giyera na darating. Hindi lang pinapaalam sa madla baka magkaroon ng matinding commotion. Panoorin nyo ang movie na 2012, tapos sabayan nyo ng basa ng mga artikulong tungkol sa katapusan ng mundo. Sigurado ko ilang sa atin mag-iisip na ng kaligtasan. Mangangamba na!

Kaya't para sa akin, panahon na para maghanda at magkaroon ng sariling sandata. Mag-isip at maging handa. Higit sa lahat pagtibayin ang ating mga pananamplataya. Magmasid. Stop, Look and Listen! Parating na ang Tren.

Saturday, November 28, 2009

Mga Batang Mag-aaral Ngayon

Hindi ko malaman kung paano ko ihahambing ang uri ng edukasyon ngayon at noon. Ngunit, ang tanging nasa isip ko ay kung paano magsipag-aral ang mga kabataan ngayon.

Dati, kahit na lampara lang ang gamit ay talagang puspusan ang pagsisikap ng mga bata na mag-aral at matuto. Hindi alintana kung anong oras na sapagkat hindi pa rin naman gaanong ginagamit ang orasan noon. Tanging ang sinag ng araw o ang liwanag ng buwan lamang ang laging batayan ng orasan.

Sa pagyaon ng panahon, unti-unti ng umunlad ang bayan at nagkaroon na ng malaking pagbabago sa kabihasnan. Siyempre isa na rito ang pagbabago sa pag-uugali ng isang tao. Unti-unti na rin nabubura sa isip ng tao ang wastong kaugalian at pamantayan sa buhay. Hindi na rin nagiging mabuti ang pagpapalaki ng ilan sa kanilang mga anak kung kaya't ilan sa mga kabataan ay hindi na taglay ang mga ugaling natutunan natin sa ating mga magulang.

Ngayon, halos kumpleto na sa lahat ng imbensiyon at lahat halos high tech na pero meron pa rin mga bata na tamad mag-aral. Kaya mangmang. Maging ang ABCD ay hindi pa mabasa ng maayos. Pati pag-unawa sa mga salita ay hirap pa rin. Ano na kaya ang mangyayari?

Edukasyon lamang ang makapagwawasto ng lahat. Lakip na rito ang patnubay ng mga magulang na dapat ay laging ginagabayan ang kani-kanilang mga anak sa bawat araw. Hindi naman sa bawat oras dahil alam naman natin na sa ngayon, mahirap na ang buhay kaya't kailangan na ang mga magulang ay nagtatrabaho na. Masyado ng mahal ang mga bilihin kaya kailangan na dalawa na ang kumakayod. Mas marami na rin ang luho ng bawat tao kaya mas kailangang kumita.

Ang sakripisyo. Ang matindi, pati ang pag-aaral ng mga kabataan ngayon ay masyado na ring magastos. Sa bawat araw may mga bayarin at ilang mga proyekto na kailangan ay bilhin at gawin. Uniporme, sapatos, at mga gamit sa pag-aaral ay ilan lamang sa kailangang tugunan ng mga magulang. Halos, lahat ng pagtitipid ay ginagawa ng ilan upang maipagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Halos magtiis at magkanda-utang utang para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga bata.

Kaso ang masaklap, sadyang may mga kabataang walang pagpapahalaga sa edukasyon, binabaliwala lang. Ayaw magsikap upang makatapos ng pag-aaral. Hindi mo kakikitaan ng interes sa pagbabasa at hasain ang kanilang mga talino at kakayahan. Maging sa paggawa ng mga proyekto nila sa paaralan, bagkus na sila mismo ang gagawa, mga magulang naman ang pinagagawa. Anong klaseng estudyante yan! Ito namang mga guro hindi naman nila nililiwanag kung paano gagawin ng mga estudyante ang kanilang mga proyekto!

Sadya nga yatang may mga guro din na pabaya sa kanilang pagtuturo. Basta ang mahalaga sumasahod sila. Walang inisyatibo. Walang pakialam. Dahil dito marami din mga mag-aaral na nakatapos na mangmang pa rin.

Thursday, November 26, 2009

Walang Trabaho?

Ano nga ba ang maaari nating gawin kung wala tayong trabaho? Kung walang magawa sa buhay? Kung walang libangan?

Sa ngayon, kung wala ka talagang trabaho o anumang libangan sa buhay meron ibang alternatibo sa mga ganitong pagkakataon na maaari kang kumita. Meron ka bang sariling computer at internet? Kung meron, bakit hindi mo subukan ang mga pay per click sites.

Sumali at kumita. Maaari kang sumali sa mga ito basta ikaw ay nasa tamang gulang (18 above). Tapos mag-register ka alinman sa mga nakikita mong maganda at tunay. Tunay dahil meron dyan hindi totoo at gaya gaya lang. Piliin mo yung tumatanggap ng ALERT PAY, isang uri ng internet payment processor na kung saan maaari mong ideposito ang iyong kita.

Subukan mo dahil wala namang mawawala! Mainam ng masayang ang oras mo sa mga ganitong bagay at least kikita ka naman kumpara sa mga bagay na hindi naman makakatulong sa iyo. Habang ginagawa mo ang mga ito maaari kang mag friendster, facebook at mag-surf ng mga interesting na bagay. Sa pamamagitan nito ay maaaring kang mag-isip ng mga bagay na mabuti, ng trabaho, ng responsibilidad at upang mahasa ang iyong talino sa paggamit ng computer.

Blogging. Ito'y isang paraan na mailathala ang iyong mga saloobin, kuwento at iba't -ibang paglalahad ng mga bagay-bagay na maaaring makatulong sa iba. Ipahiwatig ang iyong opinyon angkop sa bawat usapin at makibahagi sa ibang manunulat. Maaari ka ring kumita dito sa simpleng kaparaanan. Alamin mo lang kung paano mo mahahatak ang atensiyon ng mga mambabasa.

Kung sa ganitong paraan ay wala kang interest, marami pa diyan! Ngunit kahit anupaman ang naiisip mo at kung hindi ka kikilos eh wala ka ngang puedeng gawin kundi ang matulog at maghintay ng biyaya na hindi mo alam kung kailan darating. Sapagkat, ang katotohanan, yaong nagsisikap at nagtatanim ang umaani at kumakain.

Ilan sa mga maaaring mong salihan ay ang mga sumusunod:



Trekpay

Wednesday, November 25, 2009

Speaking of Nakawan (Robbery)

Masyado ng kumon ang nakawan kahit saang banda ka manirahan. Sadyang kasama na sa pang-araw araw na buhay ang ganitong insidente. Kung sa mga pay parking meron na rin, ano pa kaya sa bawat paligid lamang! Ano pa ba ang puedeng gawin para masugpo ang ganitong gawain. Yung iba nga lantaran ng hinoholdap ang mga bombay pati na ang mga kapwa ka-barangay lamang.

Meron nga dito sa amin, talamak na ang pagnananakaw at panghoholdap. Kahit anong bagay na puedeng ibenta para maibili ng pagkain ay ninanakaw. Kaya't mahirap magtiwala sa mga ganitong kapit-bahay. hindi mo alam na sa tuwing lalabas ka ng bahay may mga matang nakamasid. Kaya't hindi mo puedeng iwan ang iyong tahanan ng walang tao dahil kahit tanghaling tapat talagang nagnanakaw sila. Ano nga ba ang isang tulad ko na mahirap lamang, may pamilya at natatakot na baka pati pamilya ko ay saktan. Ok lang siguro kung ako'y hindi tagarito at walang pamilya. Maging mga karaniwang pulis at dating sundalo dito ay tahimik lamang. Tulad ko, maaring ang iniisip nila wag lang pakialaman ang pamilya.

Gutom. Marahil isa sa mga dahilan ng pagnanakaw ay ang kawalan ng maayos na trabaho. Natural, kung walang maayos na trabaho eh wala pambibili ng pagkain o pambayad ng ilaw, tubig at kung ano-ano pa! Samantala meron namang tao na ayaw talaga magtrabaho.

Katamaran. Meron din talagang taong hindi sanay magtrabaho. Yun' bang tipong ang trabahong gusto ay PALamunin. Kumain, matulog at maghintay ng susunod na biyaya.

Edukasyon. Isa sa mga pangunahing problema ay kakulangan at kawalan ng maayos na edukasyon kung kaya't ang mga kabataan ngayon ay halos walang nalalaman. In fact, marami ang mga tambay at mga kabataang nasa mga kanto tuwing umaga't hapon. Ang mga kabataang ito, ay lumalaking walang tamang alituntunin sa buhay. Napapariwara.

Kawalan ng tamang disiplina. Isang pananagutan ng mga magulang kasama na ako, na palakihin ang mga bata sa tamang kaugalian. Turuan sila sa murang edad, ng tamang disiplina at ng mga salita ng Diyos. Itanim sa mga utak nila ang kahalagahan ng edukasyon para sa kanilang magandang kinabukasan. Sanayin silang kumilos at magtrabaho. Maging mahigpit pero dapat sa tamang paraan.

Gobyerno. Maging ang gobyerno ay kinakikitaan ng hindi magandang halimbawa kung kaya't ang mga tao ay nadadala ng sitwasyon. Marami ang mga tiwaling opisyal sa gobyerno at walang alam kundi samantalahin ang kahinaan ng ibang tao at lustayin ang pera ng bayan kung kaya't walang mga programang naipapatupad na magbibigay ng trabaho sa bayan.