Paano ba natin pinahahalagahan ang ating wika? Kung tayo ay nandito sa sarili nating bayan kailangan bang mag-usap tayo sa banyagang wika?
Marahil mahirap unawain kung bakit marami sa atin mga kababayan ang mahilig mag-ingles lalo na yung mga nai-interview ng mga media. Halos karamihan kung sumagot ay ingles ang ginagamit.
Meron naman, kapag tinanong sa wikang tagalog, ingles ang ibinabanat. Kapag ingles ang tanong, tagalog naman ang sagot. Minsan, kapag nakakapanood ako ng mga interview sa telebisyon, parang nakakainis. Hindi nyo ba napapansin na kapag nabibitin sila sa pagsagot ng ingles nag-iisip pa sila kung ano ang sasabihin. Bakit hindi na lang magtagalog para deretso ang sagot dahil ramdam mo pa ang nais nilang iparating. Lalo na kung balita, mahalagang mas naiintindihan ng mga nanunuod kung ano ang kanilang sinasabi. Kaya mas tinatangkilik ng mga manunuod ang mga istasyon ng TV na tagalog ang wikang ginagamit.
Kailangan turuan natin ang ating mga anak na managalog ng maayos o gamitin ang sarili nating wika o katutubong wika ng sa gayon mas lalo nilang mahalin ang bansang kanilang kinabibilangan. Kung meron mang mga bata na mahilig magmura ay dahilan ng kakulangan sa kaalaman sa wastong pananalita.
Mas magandang pakinggan kung tayo ay nagsasalita ng sarili nating wika. Matamis pakinggan ang wikang Pilipino. Naalala ko tuloy noon mga panahon na sumasali pa ako sa mga balagtasan, aliw na aliw akong magsalita ng tagalog dahil sa ganda ng bigkas, bagsak at tonada na binibitiwan sa larangan ng balagtasan. Bawat bitiw ng salita ay nakakabighani at hindi nakakasawang pakinggan. Kumbaga, naglalaman ng mga wasto at matatamis na pangungusap.
Sabi nila, ang buwan na ito ay buwan ng wika. Parang pasko, kapag sumasapit dun lang natin inaalala. Ngunit tama ba na tuwing Agosto lang natin pinahahalagahan ang ating wika.
Sabi nila, kailangan natin sanayin ang mga kabataan sa salitang ingles dahil ito ang mga kailangan ngayon sa trabaho. Kailangan fluent ka sa ingles para ikaw ay may dating at mas katanggap-tanggap ka sa kumpanyang inaaplayan mo. Oo, alam naman natin yan dahil sa panahon ngayon dapat mas lamang ka sa iba. Kung hindi ka nga naman marunong bumasa at umunawa ng ingles, tiyak matatambay ka ng matagal lalo na kung ang trabahong hanap mo ay nangangailangan ng mataas na pinag-aralan.
Pero, obserbahan nyo ang takbo ng ating bansa. Sa wikang Pilipino pa nga lang hirap na ang ibang magkaintindihan. Ilan sa ating mga kabataan ang hindi alam ang tunay na kahulugan ng ibang salita natin. Sa dami ba naman ng katutubong wika natin eh paaano nga tayo magkakaisa at magkakaunawaan. Kaya sa wikang pilipino dapat panatilihin natin ating ugnayan dahil ito ang ating pambansang wika. Hindi Ingles.
Nararapat lang gamitin ang ingles o ibang pang banyagang salita kung ang kausap mo ay isang banyaga.
Silipin mo ang mundo ng World Wide Web o ang internet, bihira mong makita ang ating wika na kasama sa ibang bansa na kinikilala ng mga dayuhan. Maging sa translation walang tayo sa listahan. Dahilan kaya tayo napag-iiwanan. Kaya naman, pakiramdam ko, wala na tayong pag-asa na makipag-sabayan sa ibang mga kalapit nating asyano. Mabuti pa ang Thailand, Indonesia, Malaysia at ibang karatig bansa natin ay kasama.
Ang mahirap, baka tuluyan ng mabura sa isipan ng mga susunod pang henerasyon ang ating sariling wika. Nariyan na kasi ang mga salitang jejemon dahil sa text messaging. At ang kabataan ngayon marami ng pinapausong salitang hindi angkop na maipamana sa mga susunod na henerasyon. Pag nagkataon, marami sa ating ang magiging dayuhan sa sariling bayan. Ano pa ang maaari nating ipagmalaki sa ibang bansa. Minsan, hirap na ang ilan sa ating na magsalita ng atin wika dahil sa pilit nating pinahahalagahan ang mga wikang banyaga.
Isipin na lang natin. Kapag ang mga dayuhan ay nandito sa atin, pilit nating ginagamit ang kanilang lengguwahe na halos hirap silang maintindihan tayo. Samantalang sila, kung tayo ang nasa kanilang bansa, hindi nila ginagawa iyon. Bagkus tayo pa rin ang pilit na gumagamit ng kanilang lengguwahe upang maintindihan nila tayo.
Sana naman, matutunan nating pahalagahan ang ating sariling wika. Ipagmalaki natin ito upang lubusan tayong kilalanin ng mga dayuhan at malaman nila na mahalaga sa ating ang ating wika. Kaya naman, sa SONA ni Pangulong Aquino, tagalog ang kaniyang ginamit, kaya mas nauunawaan ng masa ang kaniyang talumpati. Mas makabuluhan at abot ang tunay na damdamin ng masa.
No comments:
Post a Comment