Search Bar

Showing posts with label Trabaho. Show all posts
Showing posts with label Trabaho. Show all posts

Tuesday, April 1, 2014

Nakaraos Din Sa Pag-aaral

Hindi maikukubli ng isang magulang ang pakiramdam na sa kabila ng lahat ng sakripisyo at paghihirap pag-asa ang katapat.

Lalaki ang aming anak at wala pang kapatid. Bata pa lang ay sinanay na namin siya na maging masipag sa pag-aaral sapagkat ito lang ang mabisang sandata sa kamangmangan at kahirapan. Bata pa lang ay natuto na siyang humawak ng kompyuter kaya naman mas madali na lang sa kanya ang mga bagay na kailangan niya sa kanyang pag-aaral. Sadyang napaka-laking tulong sa isang bata ang magkaroon ng kaalaman sa mga makabagong teknolohiya gaya ng kompyuter at iba pa. Higit pa, mainam sa isang bata ang gabayan ng maigi sa kanyang paglaki at pag-aaral.

Mula kinder hanggang grade 6 hindi kami nahirapan sa paggabay sa kanyang pag-aaral. Madalas may nakukuha siyang karangalan sa kanyang mga grado. Noong High School naman, hindi na siya dumaan ng 4th year gawa ng naipasa niya ang ALS o Advance Learning System na pagsusulit na kanya lang sinubukan kung kakayanin niya. Kaya naman maaga siyang nag-kolehiyo.

Dalawang taon lang muna ang pinakuha namin sa kanya at siya na ang bahala kung ano ang kanyang balak matapos ang dalawang taon. Ito'y sa kadahilaan na mahirap ang magpa-aral at marami na ang nagsipagtapos na walang trabaho. Computer engineering ang kursong gusto namin para sa kanya ngunit minabuti namin na ipakuha muna sa kanya ang preparatory na Computer Technician sa isang simpleng paaralan lamang. Tiwala naman kami sa kanyang kakayahan sapagkat mayroon na siyang nalalaman pagdating sa ganitong larangan. Saka na lamang niya tatapusin o kukunin ang kursong inhenyero kung sakaling interasado pa rin siya. 

Sa murang edad na 17, hindi pa naman siya matatanggap sa trabaho ngayon mayo hanggang oktubre dahil nitong Oktubre pa lang siya magiging 18. Tama lang upang makapag-pahinga siya ng kaunti mula sa kanyang tuloy-tuloy na pag-aaral. CISCO at TESDA Certified na siya. Nakapag-OJT na rin siya sa Makati bilang requirements sa kanilang pagtatapos. Tama lang para makapag-isip din siya kung ano ang plano niya sa buhay.

Sa ganitong paraan namin hinuhubog ang aming anak - disiplinado at walang bisyo. Hindi tambay na tulad na iba at bagkus tumutulong sa aming hanap-buhay at gawain sa bahay. Marunong magluto at maglaba. Kahit lalaki ang anak namin, iba yung nauunawaan niya ang kahalagahan ng pagiging responsable at tamang pakikipagtipan sapagkat marami na kaming nakitang mga kasabayan niya ang maagang nagsipag-asawa, walang trabaho at larong DOTA lang ang kaligayahan. Bagamat ilan sa mga kabataan ngayon ay mahilig na sa mga "puppy love", mahigpit namin ipinagbawal sa kanya ang bagay na ito sapagkat alam namin ito ang maaring sumira sa kanyang mga ambisyon sa buhay. Ayaw namin na isang araw maging iresponsable siyang anak at asawa sa mga darating na panahon. Ayaw namin maranasan niya ang hirap na naranasan naming mag-asawa noong kami ay tulad niya. Higit sa lahat ayaw naming mapasubo siya sa maagang pag-aasawa at maudlot ang kanyang mga pangarap. 

Darating ang panahon na susuungin niya ang sarili niyang buhay. Kaya naman ang lahat ng aming ginagawa'y daan para sa kanyang paghahanda. At nitong buwan, sa petsa 29, ang kanyang pagtatapos sa kanyang kurso ay aming matutunghayan. Kaya naman, masaya kami bilang mga magulang.

Thursday, January 10, 2013

Trabaho Ang Kailangan Para Guminhawa

Sa isang pamilya, sadyang napakahirap ng buhay kung maraming kakain ngunit iisa lang ang kumakayod. Ganito ba talaga ang buhay nating mga Pilipino. O sadyang kulang lang ng dagdag kaalaman ang ilang miyembro ng pamilya sa konseptong "Sama-sama, kayang-kaya" upang guminhawa. Sabi nga, "Two heads are better than one." Anupa kung marami, hindi ba?

Ngunit tila nakasanayan na ng ilang miyembro ng pamilya ang umasa na lamang kay ama na nagsasakripisyo na magnahap-buhay upang mapalamon ang mga anak na bukod sa wala ng alam ay tamad pa. Kaya naman, si ina, mangingibambayan na lamang para makatulong kay ama at matugunan ang pangangailangan ng iba.

Hindi ba't dapat, kapag nasa tamang edad na ang mga anak at kaya na nilang magbanat ng buto eh dapat,  nagta-trabaho na? Pero bakit marami pa rin ang tambay sa bahay o kaya sa kalsada? 

Oo, mahirap maghanap ng trabaho. Ito ang karaniwang sinasambit ng ilan, ngunit makakakita ka ba ng trabaho kung nasa bahay ka lang. O kaya naman ay ayaw mo talagang magtrabaho. Ang trabaho hindi lalapit kung hindi mo sasadyain. Ang trabaho hindi makikita kapag hindi mo hinahanap.

Maaring kaya may tamad na anak ay dahil na rin sa impluwensiya ng mga magulang na tatamad-tamad. Ang ama, pakuya-kuyakoy sa bahay, umiinom, naninigarilyo ay talagang pamamarisan ng mga anak. Ang ina naman, walang alam pilit na mangungutang kahit walang ipambabayad. Ang mga anak naman, palaboy at lumalaking walang pangarap. Eh sino ba ang hindi maghihirap!

Kaya sa panahon ngayon, kailangan ang bawat miyembro ng pamilya ay sama-sama, nagkakaisa at nagtutulungan para umahon sa buhay. Dapat kumilos at maghanap ng trabaho para makatulong upang matugunan ang mga pangangailangan. Bisyo ay iwasan at budgeting ay pag-aralan. Hindi mahirap ang buhay kung lahat ay kumikita. Ngunit laging pakatatandaan, dapat tayong kumita sa tamang paraan.

Kung ganito sana ang lahat eh sino ba ang maghihirap?

Wednesday, April 11, 2012

Hintay Ka Lang Dyan

Nitong nakaraang araw, sinamahan ko ang pamangkin ko na kunin ang biniling sala set na sofa sa Market Market - sa Taguig. Dahil matagal pa siya sa loob, naghintay ako sa smoking area para malibang dahil nakaka-inip maghintay sa parking area.

Maraming tao ang labas-pasok sa mall. Masaya ang mga mukha ng mga nakikita kong palabas at papasok ng mall. Pinagmamasdan ko lahat pati ang paligid na makikita sa di kalayuan kung saan kabila lang ng mall ang C5 highway. Naisip ko ang buhay talaga, makabuluhan. Sa kabila ng kahirapan, dagsa pa rin ang mga tao sa mall upang maglibang.

Ngunit meron akong napansin. Isang binatang may dalang plastik na may lamang ilang damit. Katamtaman ang tangkad, naka-jacket na itim at naka-tsinelas na parang may hinihintay din. Magkatabi kami sa isang lugar na malapit sa bakal na nakaharang sa tabing daanan. Pinagmamasdan ko lang siya dahil parang balisa siya sa kaniyang ikinikilos.

Maya-maya, bigla siyang nagtanong sa akin kung may iba pang labasan sa mall na aming kinatatayuan. Sagot ko naman, "marami". Parang lalo siyang nag-alala. Dahil gusto kong makatulong, nagsimula akong makipag-usap sa kanya at magtanong. Tinanong ko kung may hinihintay siyang kasama. Oo daw, isang matandang babae na itinuring na niyang "mama". Nasa loob daw kasama ang isang kamag-anak at kumain lang sandali sa loob. Tanong ko, "bakit hindi ka isinama sa loob para hindi ka na naghintay?" Mahirap na daw baka, pag nakita ng kamag-anak na may kasama yung matanda na lalaki eh hindi magbigay ng pera para pamasahe nung babae. Saka alangan daw ang ayos niya kaya nung una, nagpatay-mali lang silang dalawa na hindi sila magkakilala para hindi magtanong ang kamag-anak.

Habang naghihintay, nag-uusap na kaming dalawa dahil wala pa rin ang pamangkin ko. Medyo nagdududa pa ako sa kanya dahil baka mga manloloko sila, lalo na siya dahil sa itsura niya. Pero sa tono ng kaniyang pananalita, tulad ko rin siyang isang probinsiyano. Ang kaibahan, mabagal siyang magtagalog at medyo nahihirapan pang bigkasin ang bawat salita niyang binibitiwan na parang nagbabasa ng ABCD. Minsan nga, napuna ko pa siyang nag-bisaya. Kaya dahil doon, napatanong ako kung taga-saan siya.

Kababayan ko nga, taga-mindanao - sa Davao siya at ako naman sa Surigao. Matagal din kaming nag-uusap hanggang nagsimula na siyang mag-share ng kaniyang naging buhay dito sa Manila mula ng umalis siya sa kanilang bayan.

Lima daw silang pumunta dito sa Manila kasama ang isang recruiter na nagsabing magbibigay sa kanila ng trabaho. Nagbigay sila ng P30,000 kada isa para sa inaasam na trabaho. Bukod dun, kanila pa ang pamasahe papunta ng Manila. Wika niya, nagbenta pa nga daw siya ng kalabaw para lang mabuo ang halagang iyon. Ngunit ang akala nilang magandang trabaho sa Manila ay nauwi sa wala. Pagdating ng Manila iniwan na sila ng recruiter at tangay pati mga dokumento nila kaya siya ay wala man lang hawak na papeles para maipakita kung sakaling may manita sa kaniya. Naka-uwi na daw ang apat niyang kasama dahil may pamasahe pa ang mga iyon. Siya, minalas kaya hindi naka-uwi kaagad. Na-holdap naman daw siya ng isang babaeng lumapit sa kanya sa Pasay, tinutukan siya ng kutsilyo at tinangay ang kaniyang bag at pera. kaya hindi siya nakasakay pauwi sa Davao.

Sa DSWD siya pansamantalang tumira. Bata pa nga siya ngunit parang mature lang tingnan. Isang pastor ang tumulong sa kaniya sa DSWD. 

Wala na daw siyang mga magulang at dalawa lang silang magkapatid. Bata pa ang kaniyang kapatid na nasa mga kamag-anak. High school graduate lang siya at hindi sanay sa buhay sa siyudad. Walang maayos na trabaho at sa bukid lang naninirahan. Pero sabi nya, mas maganda pa raw sa Davao dahil hindi lahat ng taga siyudad ay masama. Disiplinado daw ang mga tao doon hindi tulad dito sa manila, maraming malokong tao. Doon hindi basta-basta gumagawa ng kalokohan ang mga tao dahil tiyak may paglalagyan sila. Gusto na raw niyang umuwi para doon na lang magtrabaho at hinihintay lang niya ang sinasabing pamasaheng ibibigay ng matanda sa kanya para makauwi.

Habang naghihintay, sabi niya kapag hindi pa lumabas yung kasama niya uuwi na lang siyang mag-isa. Doon na lang sila magkikita ng kasama niya. Nagtanong siya kung saan ang sakayan patungong Quiapo. Sabi ko, "walang sakayan patungong Quiapo dito, sakay ka muna patungong Guadalupe bago sakay ka ng patungong Pasay o kaya Crossing. Sa Legarda pa raw siya uuwi, at nilalakad lang daw niya ang Quiapo patungong legarda. Pinakita pa niya ang perang bigay sa kanya ng kasama niya - P500. Sabi ko pabaryahan mo na yan at para hindi ka mawalan ng pera kung sakaling malaglag ang iba. Saka wag kang basta lumapit sa ibang tao na hindi mo tiyak kung manloloko o hindi. Mahirap na baka mapag-tripan ka na naman uli.

Naputol na ang aming usapan dahil lumabas na ang aking pamangkin. Iniwan ko na siya at sinabihan kong mag-ingat siya. Hintayin mo lang ang diyan ang kasama mo.
Enhanced by Zemanta