Nitong nakaraang araw, sinamahan ko ang pamangkin ko na kunin ang biniling sala set na sofa sa Market Market - sa Taguig. Dahil matagal pa siya sa loob, naghintay ako sa smoking area para malibang dahil nakaka-inip maghintay sa parking area.
Maraming tao ang labas-pasok sa mall. Masaya ang mga mukha ng mga nakikita kong palabas at papasok ng mall. Pinagmamasdan ko lahat pati ang paligid na makikita sa di kalayuan kung saan kabila lang ng mall ang C5 highway. Naisip ko ang buhay talaga, makabuluhan. Sa kabila ng kahirapan, dagsa pa rin ang mga tao sa mall upang maglibang.
Ngunit meron akong napansin. Isang binatang may dalang plastik na may lamang ilang damit. Katamtaman ang tangkad, naka-jacket na itim at naka-tsinelas na parang may hinihintay din. Magkatabi kami sa isang lugar na malapit sa bakal na nakaharang sa tabing daanan. Pinagmamasdan ko lang siya dahil parang balisa siya sa kaniyang ikinikilos.
Maya-maya, bigla siyang nagtanong sa akin kung may iba pang labasan sa mall na aming kinatatayuan. Sagot ko naman, "marami". Parang lalo siyang nag-alala. Dahil gusto kong makatulong, nagsimula akong makipag-usap sa kanya at magtanong. Tinanong ko kung may hinihintay siyang kasama. Oo daw, isang matandang babae na itinuring na niyang "mama". Nasa loob daw kasama ang isang kamag-anak at kumain lang sandali sa loob. Tanong ko, "bakit hindi ka isinama sa loob para hindi ka na naghintay?" Mahirap na daw baka, pag nakita ng kamag-anak na may kasama yung matanda na lalaki eh hindi magbigay ng pera para pamasahe nung babae. Saka alangan daw ang ayos niya kaya nung una, nagpatay-mali lang silang dalawa na hindi sila magkakilala para hindi magtanong ang kamag-anak.
Habang naghihintay, nag-uusap na kaming dalawa dahil wala pa rin ang pamangkin ko. Medyo nagdududa pa ako sa kanya dahil baka mga manloloko sila, lalo na siya dahil sa itsura niya. Pero sa tono ng kaniyang pananalita, tulad ko rin siyang isang probinsiyano. Ang kaibahan, mabagal siyang magtagalog at medyo nahihirapan pang bigkasin ang bawat salita niyang binibitiwan na parang nagbabasa ng ABCD. Minsan nga, napuna ko pa siyang nag-bisaya. Kaya dahil doon, napatanong ako kung taga-saan siya.
Kababayan ko nga, taga-mindanao - sa Davao siya at ako naman sa Surigao. Matagal din kaming nag-uusap hanggang nagsimula na siyang mag-share ng kaniyang naging buhay dito sa Manila mula ng umalis siya sa kanilang bayan.
Lima daw silang pumunta dito sa Manila kasama ang isang recruiter na nagsabing magbibigay sa kanila ng trabaho. Nagbigay sila ng P30,000 kada isa para sa inaasam na trabaho. Bukod dun, kanila pa ang pamasahe papunta ng Manila. Wika niya, nagbenta pa nga daw siya ng kalabaw para lang mabuo ang halagang iyon. Ngunit ang akala nilang magandang trabaho sa Manila ay nauwi sa wala. Pagdating ng Manila iniwan na sila ng recruiter at tangay pati mga dokumento nila kaya siya ay wala man lang hawak na papeles para maipakita kung sakaling may manita sa kaniya. Naka-uwi na daw ang apat niyang kasama dahil may pamasahe pa ang mga iyon. Siya, minalas kaya hindi naka-uwi kaagad. Na-holdap naman daw siya ng isang babaeng lumapit sa kanya sa Pasay, tinutukan siya ng kutsilyo at tinangay ang kaniyang bag at pera. kaya hindi siya nakasakay pauwi sa Davao.
Sa DSWD siya pansamantalang tumira. Bata pa nga siya ngunit parang mature lang tingnan. Isang pastor ang tumulong sa kaniya sa DSWD.
Wala na daw siyang mga magulang at dalawa lang silang magkapatid. Bata pa ang kaniyang kapatid na nasa mga kamag-anak. High school graduate lang siya at hindi sanay sa buhay sa siyudad. Walang maayos na trabaho at sa bukid lang naninirahan. Pero sabi nya, mas maganda pa raw sa Davao dahil hindi lahat ng taga siyudad ay masama. Disiplinado daw ang mga tao doon hindi tulad dito sa manila, maraming malokong tao. Doon hindi basta-basta gumagawa ng kalokohan ang mga tao dahil tiyak may paglalagyan sila. Gusto na raw niyang umuwi para doon na lang magtrabaho at hinihintay lang niya ang sinasabing pamasaheng ibibigay ng matanda sa kanya para makauwi.
Habang naghihintay, sabi niya kapag hindi pa lumabas yung kasama niya uuwi na lang siyang mag-isa. Doon na lang sila magkikita ng kasama niya. Nagtanong siya kung saan ang sakayan patungong Quiapo. Sabi ko, "walang sakayan patungong Quiapo dito, sakay ka muna patungong Guadalupe bago sakay ka ng patungong Pasay o kaya Crossing. Sa Legarda pa raw siya uuwi, at nilalakad lang daw niya ang Quiapo patungong legarda. Pinakita pa niya ang perang bigay sa kanya ng kasama niya - P500. Sabi ko pabaryahan mo na yan at para hindi ka mawalan ng pera kung sakaling malaglag ang iba. Saka wag kang basta lumapit sa ibang tao na hindi mo tiyak kung manloloko o hindi. Mahirap na baka mapag-tripan ka na naman uli.
Naputol na ang aming usapan dahil lumabas na ang aking pamangkin. Iniwan ko na siya at sinabihan kong mag-ingat siya. Hintayin mo lang ang diyan ang kasama mo.
No comments:
Post a Comment