Habang nagpo-photocopy ako ng mga papel ng isang customer, medyo nakipag-kuwentuhan pa ng ilang sandali. Hindi maiwasang mabanggit ang pera, isang matinding pangangailangang gamot sa kahirapan. Nasabi niyang kailangan talagang kumita para makaraos sa pang-araw-araw. Nariyan yung hirap daw sila sa pagkain dahil sa tuwing may pera siya naman pagkakasakit ng kaniyang asawa. Minsan hindi niya maisip kung bakit nangyayari sa kanila ito. Nandiyan yung papasok daw ang anak niya na talbos ng kamote lang ang ulam at kung minsan pritong itlog lang. Kung minsan talagang wala pa.
Kaya daw siya nagpa-xerox ng mga application form sa Meralco dahil magpapakabit siya ng isa pang kuwentador ng kuryente para dun sa mga kapit-bahay niyang gustong magkaroon din ng kuryente. Kumbaga, sa kaniya sila kakabit at sa kaniya na rin magbabayad. Ngunit hindi ba mas mahirap yun? Paano kung hindi siya bayaran ng mga iyon, e di nalugi pa siya? No comment na lang ako. Pinakikinggan ko lang ang sentimento niya.
Kumikilos daw siya para sa nag-iisang anak nilang babae na kasalukuyang magtatapos pa lang ng high school. May sakit na ang kaniyang asawa kaya hindi na makapagtrabaho. Nabanggit pa niya ang mga pagkakataong lumipas na sana ay nag-abroad na lang siya. Pero, sabi ko swertehan din ang pangingibang-bansa. Kung gagastos ka rin lang ng malaki, bakit hindi ka na lang mag-negosyo, tugon ko sa kanya.
Naalala ko tuloy ang impeachment trial ni Justice Corona kung saan hindi lang piso ang pinag-uusapan kundi milyones. Pilit na hinahalungkat ang mga perang nakatago at kung saan galing.
Sa panahon ngayon, anong magagawa mo kung wala kang pera? Sabi ko sa kausap ko, kung simpleng buhay lang naman ang pangarap mo, tama na siguro ang maka-kain ng tatlong beses isang araw, matugunan ang mga pangangailangan sa pang-araw-araw at kahit paano ay may nakatabing pera para pang-emergency.
Buti pa silang nasa gobyerno, malaki ang kinikita....
2 comments:
sa panahon ngayon hindi na pwdeng wala kang pera
Tama ka. At hindi puwedeng isang tao lang ang dapat kumayod o magtrabaho lalo na sa mag-asawa liban kung maganda ang trabaho ng isa.
Post a Comment