Pages

Wednesday, May 22, 2013

Isang Libong Piso Para Sa Bayan - Sa Hukbong Sandatahan

Links to this post
Naantig naman ako sa mga naging reaksiyon ng ilan nating mga kababayan tungkol sa mungkahi ng isa na mag-ambag ang bawat pinoy o OFW ng 1,000 piso para sa pagpapa-unlad ng hukbong sandatahan ng ating bansa. Nasabi niya na dapat makabili ang ating bansa ng mga makabago at de kalidad na mga armas, barkong pandigma at iba pang modernong kagamitan pandigmaan upang masupil na ang pang-aapi sa ating bayan ng mga bansang China, Taiwan At Malaysia na ang tingin sa atin ay walang kakayahang palakasin ang kagamitang pandigma. Ito ay bunsod ng pagkakaroon nating ng panibagong warship "BRP Ramon Alcaraz" nitong July na galing sa Amerika.


Ang nasabing suhestiyon ay umani ng maraming komento sa hanay ng mga taong makabayan. Mga taong hindi na matiis ang mga pang-aapi ng ilang bansang gustong kamkamin ang mga lupa at minang nasasakupan ng ating bansa. Marami ang handang makilahok sa adhikaing ito at sa kasalukuyan ay binuo ang isang page sa Facebook na tinawag na "Pinasulong". Layunin nito na buuhin ang isang grupo na kikilos at makikipag-ugnayan sa gobyerno sa pagbili ng mga makabagong kagamitan pandigma para ipakita ang pagkakaisa ng ilang kababayan at ipagtanggol ang ating bansa sa mga pang-aapi nararanasan natin.

Marami ang interesado at naging mainit ang usapin na pakiwari ko ay nag-aalab ang kanilang mga damdamin para ipagtanggol ang ating bayan, maging ako tila nadadala rin kaya ni-like ko ang kanilang page. Ngunit sa nasabing mga komentaryo, meron isang walang ginawa kundi mang-asar at yung iba naman ay negatibo sa kanilang mga komento.

Kung sabagay, kung ito ay magiging totoo, tiyak isang dagok o paghamon ito sa ating mga lider na mga kurakot at walang ginawa kundi lustayin ang pondo ng bayan o gamitin ito sa kanilang mga personal na buhay. Dito makikita nating muli kung may pagkakaisa pa ba ang ating mga kababayan mula sa Luzon, Visayas at Mindanao maging ang mga OFW na nagsakripisyo para sa kanilang pamilya at bayan.

Saturday, May 18, 2013

Nancy Binay Bilang Bagong Senador?

Links to this post
source: facebook
Bago ang eleksiyon narinig ko sa balitang hinahamon ni Risa Hontiveros si Nancy Binay ng isang debate. Ngunit, hindi ito pinaunlakan ng huli. Dahil dito nagsimula ang iba't-ibang haka-haka tungkol sa kakayahan ng anak ng ating Bise Presidente na si Jejomar Binay. Bakit nga ba ayaw niya ng debate?

Nadagdagan pa ang matinding issue nang magbitiw ng patutsada si Vice Ganda laban kay Nancy Binay. "Senador agad", isang katagang bitiniwan na isang panglalait. Bukod sa kulay at kakulangan ng karanasan sa pulitika. Iba't-ibang pahaging ang ibinato sa kanya. Nanatiling kampante si Nancy Binay sa kaniyang hangaring tumakbo bilang senador ng bayan na suportado naman ng kaniyang ama.

Ang panlalait marahil ang nagbigay sa kanya ng lakas at determinasyon gaya ng nangyari sa kaniyang ama noon bilang kandidato sa pagka-bise Presidente. Ang panlalait ang natulak sa kanya na magpakumbaba at nagsilbing daan para ang tao ay maki-simpatiya sa kanya. Kaya naman, galit  at inggit ang naramdaman ngayon ng mga taong ang tingin sa sarili ay matalino at higit pa sa kanya. Hindi lang marahil ang mga tao kundi pati ang mga makakasama niya sa senado sa pananaw ng iba pawang magagaling at intelihente at sanay sa debate. Ngunit tunghayan na lang natin ang susunod pang kabanata sa buhay ni Nancy Binay bilang isang senador ng bayan.

Ano nga ba ang mga kwalipikasyon bilang isang kandidato? Ang kwalipikasyon ay nakasulat sa ating Konstitusyon. Hindi sinabi doon na kailangan abogado o may mataas na pinag-aralan. Bagkus, sinabi doon na marunong bumasa at sumulat. Kailanman, yan na ang naging basehan ng ibang tumatakbong kandidato. Subalit, nariyan pa rin ang COMELEC para mangasiwa sa patakaran tuwing eleksiyon.

Sinasabing dalawampung (20) taon siyang nagsilbi bilang personal assistant sa kaniyang mga magulang - inang dating mayor at amang bise-presidente. Ang kaniyang karanasan sa trabaho ay tila isang OJT lang umano. 

Kung totoo man ang sinabi ng isang artikulo sa Times magazine na STUPID daw ang mga taong bumoto sa kanya kung saan higit 11 milyon ang bumoto - huwag na sanang patulan. Masakit man pakinggan pero sadyang ganyan ang katotohanan sapagkat ang boto ay nabibili na rin noon pa. 

Maraming ayaw at hindi bumoto sa kanya at isa na ako roon. Ngunit ano pa ba ang magagawa natin kung talagang isa siya sa nanalo. Kung pagmamasdan mo lamang ang listahan ng mga kandidato, iilan lang sa kanila ang mga bagong kandidato at halos ang karamihan ay mga datihan na. Samakatuwid, halos wala kang pagpipilian. Siguro, yung ibang botante, kaysa naman ang mga datihan ang isulat nila (na wala naman daw nagawa sa bayan) mas pinili na nilang bigyan ng pagkakataon ang mga baguhan kung saan ilan sa kanila ay dala ang apelyido ng kanilang  ama gaya ni Grace Poe, Angara, Pimentel, Binay, Enrile, at Ejercito. 

Sabi pa nga ng iba kung si Senator Lapid na isang artista ay tumakbo at nanalo ano pa kaya silang kulang pa sa karanasan sa pulitika. Sana lang gampanan niya ang kaniyangg tungkulin ng buong katapatan at pabor sa masa - hindi sa pansariling interes at proteksiyon sa kanilang mga negosyo.

Iwasan na sana ang sisihan bagkus, hayaan natin siyang magsilbi ng kaniyang termino. Kung sakali man hindi maganda ang kaniyang panunungkulan, na gaya rin ng mga datihan nasa atin na ang pagpapasya sa mga darating na eleksiyon. Tanggapin at harapin natin ang bukas ng may buong pag-asa.

Tuesday, May 14, 2013

Tanda ng Pagboto

Links to this post
Kahapon, tanghali na kami pumunta para bumoto dahil maraming tao at mahaba ang pila. Sa aming lugar pandalawahang sasakyan lang ang daanan at sa tabi nito ang isang paaralan na tinawag na Diosdado Macapagal High School dito sa Taguig. Maraming sasakyang nakaparada sa tabing daan at sa dami ng taong  palabas at papasok, halos di na makadaan ang mga sasakyan ng mga residente.

Sa daan, makikita mo ang mga nakasabit na mga posters ng iba't-ibang kandidato ng mga senador, congressman, mayor, vice-mayor at mga konsehal. Sa di kalayuan ng paaralan may ilan pa ring namimigay ng mga leaflets ng mga kandidato at namimigay ng sample ballots. Abala ang mga tao sa paghahanap ng kanilang mga cluster o ng kani-kanilang kwarto kung saan sila nakatalaga para bumoto. Ang iba ay walang pangalan (tanda ng kakulangan sa paghahanda) kahit nakarehistro sila ilang taon na ang nakalipas. 

Sa kwarto, makikita mo ang mga silyang naka-ayos para sa mga botante. Makikita mo ang mga watchers at poll assistants. Bawat kwarto ay may nakalaang PCOS machine ngunit ang iba ay hindi gumana (gaya sa kwartong pinasukan ng asawa ko) sa hindi maipaliwanag na dahilan. Samantalang bago pa man ito iniligay doon ay tiyak maayos itong nasuri at nai-deliver. Sadyang may ibang kadahilanan ang ganitong sitwasyon na maaaring pagmumulan ng dayaan.

Hindi magkamayaw sa tao. Akyat-baba sa mga hagdanan ang mga tapos na at mga bo-boto pa lang.

Gayunpaman, natapos din kami sa pagboto. Ilang oras lang ang inabot ko sa pagboto ngunit ang asawa ko ay matagal dahil halos ayaw pa siyang payagang bumoto dahil bata pa raw siya sa kaniyang litrato. Talaga nman, may mga assistant pa rin na hindi alam ang ginagawa kahit tama naman ang pangalan at identification na ipinakita.

Sana hindi mauwi sa dayaan ang eleksiyong ito ngunit maaga pa lang ay tila ramdam mo na ang dayaan nagaganap sa iba't-ibang presinto. Ang dayaan ay hindi mawawala hanggat may mga taong pera lang ang katapat. Sabagay, para sa akin, amg mahalaga hindi ko ibinenta ang boto namin at masaya kaming maiboto ang mga kandidatong ayon sa gusto namin -na responsable at may nagawang mabuti sa kaniyang panunungkulan. Isang kagalakan ang bumoto at gampanan ang bahagi natin sa ating lipunan.