Search Bar

Showing posts with label Pera at Pagkain. Show all posts
Showing posts with label Pera at Pagkain. Show all posts

Sunday, February 19, 2012

Pera Talaga Ang Kailangan Ngayon

Habang nagpo-photocopy ako ng mga papel ng isang customer, medyo nakipag-kuwentuhan pa ng ilang sandali. Hindi maiwasang mabanggit ang pera, isang matinding pangangailangang gamot sa kahirapan. Nasabi niyang kailangan talagang kumita para makaraos sa pang-araw-araw. Nariyan yung hirap daw sila sa pagkain dahil sa tuwing may pera siya naman pagkakasakit ng kaniyang asawa. Minsan hindi niya maisip kung bakit nangyayari sa kanila ito. Nandiyan yung papasok daw ang anak niya na talbos ng kamote lang ang ulam at kung minsan pritong itlog lang. Kung minsan talagang wala pa. 

Kaya daw siya nagpa-xerox ng mga application form sa Meralco dahil magpapakabit siya ng isa pang kuwentador ng kuryente para dun sa mga kapit-bahay niyang gustong magkaroon din ng kuryente. Kumbaga, sa kaniya sila kakabit at sa kaniya na rin magbabayad. Ngunit hindi ba mas mahirap yun? Paano kung hindi siya bayaran ng mga iyon, e di nalugi pa siya? No comment na lang ako. Pinakikinggan ko lang ang sentimento niya.

Kumikilos daw siya para sa nag-iisang anak nilang babae na kasalukuyang magtatapos pa lang ng high school. May sakit na ang kaniyang asawa kaya hindi na makapagtrabaho. Nabanggit pa niya ang mga pagkakataong lumipas na sana ay nag-abroad na lang siya. Pero, sabi ko swertehan din ang pangingibang-bansa. Kung gagastos ka rin lang ng malaki, bakit hindi ka na lang mag-negosyo, tugon ko sa kanya.

Naalala ko tuloy ang impeachment trial ni Justice Corona kung saan hindi lang piso ang pinag-uusapan kundi milyones. Pilit na hinahalungkat ang mga perang nakatago at kung saan galing. 

Sa panahon ngayon, anong magagawa mo kung wala kang pera? Sabi ko sa kausap ko, kung simpleng buhay lang naman ang pangarap mo, tama na siguro ang maka-kain ng tatlong beses isang araw, matugunan ang mga pangangailangan sa pang-araw-araw at kahit paano ay may nakatabing pera para pang-emergency.

Buti pa silang nasa gobyerno, malaki ang kinikita....

Monday, November 28, 2011

Ang Buhay Talaga Ng Tao

Sa hirap talaga ng buhay, iba't-ibang kuwento ang maririnig mo. Para bang "Maalaala Mo Kaya", iba't- iba ang  kulay ng buhay. Kaya  naman hindi mo alam kung paano nabubuhay ang bawat isa sa atin. Meron masagana nga pero wala namang saya ang buhay. Meron masagana, pinagpapala pero meron pa ring kulang sa buhay. May mahirap pero masaya sa kanilang buhay. Meron mahirap na patuloy pa rin sa paghihirap. Meron namang nabubuhay na kahit walang trabaho si lalaki o si babae, parang ayos naman ang buhay. Ni hindi nga sila namo-mroblema kung ano ang kanilang magiging buhay. Pero meron namang kahit alam nilang galing sa masama ang kanilang pera, parang hindi na nila ramdam ang konsensiya. Nakakapagtaka ano?

Nasaranasan nyo na bang sa kakarampot na budget, ay hindi nyo malaman kung paano gagawa ng paraan sa tuwing kinakapos. Sa nga ba makakarating ang P500 pesos natin ngayon samantalang ang mga bilihin ay pabago-bago ng presyo, hindi bumababa bagkus patuloy pa sa pagtaas. Ultimo baon nga ng isang estudyante, kahit sa elementarya ay hindi na sapat sa bata ang P50 pesos. Tapos, idagdag mo pa ang pambili ng pagkain para sa pamilya - bigas, ulam at ano pa.

Meron isang may-bahay, gasino lang ang binibigay ng kaniyang asawa - allowance lang para sa pagkain nila. Ang lalaki na ang bahala sa ilaw, tubig at iba pang gastusin. Kumbaga, kung ano ang ibinigay sa asawa, yun na ang dapat niyang gastusin. E paano kung kapos ang budget na yun?

Yan ngayon ang problema ng babae, hindi malaman kung saan hahagilap ng mauutangan. Araw-araw laging problema niya ang pera. Lagi siyang kinakapos sa budget. Ayos lang sana kung sanay ang pamilya niya sa simpleng pagkain lang, walang problema. Paano kung hindi? Lalo sa tuwing may bisita siya, lalo siyang kinakapos dahil hindi naman kasama sa budget ang mga iyon. Ang matindi, nagpautang siya sa pag-aakalang maibabalik kaagad, ngunit hindi kaagad siya nabayaran. Hindi naman alam ng lalaki na ganun ang nangyayari at ayaw din ipaalam ng babae, dahil pagmumulan lang nila ng away.

Sa araw-araw, laging ganun ang tema niya. Minsan, talagang maaawa ka dahil sa kung saan-saan nakakarating para lumapit. Kaya, naisip ko ibang klase ang tiyaga ng babaeng iyon. Grabe!

Parang mahirap mabuhay na laging dala ang problema. Sa ganang akin lang, kung ano ang budget mo, dapat pagkasyahin at huwag maging maluho. Sa panahon ngayon, ang hirap ng walang malapitan. Bibihira na sa mga tao at kaibigan ngayon ang nagpapahiram ng pera lalo na't wala ka namang pambabayad. Mahirap magmakaawa para mabuhay.

Sana, laging meron ang tao. Sana lahat ay may biyaya. Sana lahat ay may trabaho, maganda man o hindi basta malinis na trabaho. Sana meron pa ring taong handa tumulong at dumamay. At higit sa lahat, sana sa mga may utang, bayaran naman nila ang pinagkautangan nila dahil yun din ang inaasahan nila.

Sana laging maayos ang takbo ng isip ng tao at hindi maging pasaway para maging maunlad ang ating bansa. Tulad ngayon na parating na ang kapaskuhan, sana kahit paano may handa ang lahat ng Pilipino. Alam kong masaya na ang isang tao na makakain ng paboritong niyang pagkain na kasama ang kaniyang pamilya at mga ilang mahal sa buhay.
Enhanced by Zemanta