Nitong nakalipas na tatlong araw, naganap ang isang pangyayaring nagdulot ng matinding problema sa isa sa aming kapit-bahay. Hindi inaasahang magsaksakan ang magkapatid na lalaki dahil lamang sa usapin tungkol sa pension ng kanilang ina. Ang debate ay nauwi sa matinding away na naging sanhi ng kamatayan ng pilay na kapatid. Namatay ang pilay dahil sa mabagal na pag responde ng kapamilya nito.
Samantala, ang isang kapatid na siyang sumaksak sa biktima ay agad namang namataan na paalis na sana noong nangyari ang krimen upang tumakas. Mabuti na lang at may ilang kapit-bahay ang nakakita at maging ang pulis na kapit-bahay namin ay tumulong na rin. Agad na pinusasan ng pulis ang may sala at agad namang nai-report sa pulisya.
Magulo dito sa amin noong nangyari ang krimen. As usual, hindi pa rin mawala ang mga usyusiro na siyang dahilan ng mabagal na pagresponde dahil nagkalat sila sa daanan. Hindi rin agad makapasok ang sasakyan dahil sa kitid ng mga daanan dagdagan pa ng mga nakaparadang sasakyan sa tabi.
Siguro kung agad na naitakbo ang pilay, maaari pa itong mabuhay. Ngunit sadyang binawian na siya ng buhay upang makapagpahinga na rin sa mga sakripisyong ginagawa niya sa kanilang ina. Isa siya sa laging nag-aalaga sa kanilang ina. Lagi siyang nasa tabi ng kanilang ina. Mabuting tao ang pagkakilala ko sa kanya dahil hindi rin naman gaanong umiinom ito ng alak.
Samantalang yung isang kapatid, sumusulpot lang sa kanila kung gusto at may kailangan. Magulo siya dahil minsan ko ng naringgan na nagwawala. Walang maayos na trabaho kaya ganun. Pasulpot-sulpot lang siya sa kanilang bahay.
Nagpasalamat pa nga ang kapatid na babae dahil wala na daw manggugulo sa kanila. Pero, dahil sa nangyari hindi maikakaila na malaki ang kanilang problema dahil namatayan siya ng isang kapatid na pinaglalamayan ngayon at ang isa nama'y nakakulong ngayon.
Kaya naman, dapat talaga ang tao matutong magbanat ng buto lalo na kung may sarili ng pamilya. Hindi na dapat umasa o makisalo pa sa pension ng magulang lalo pa't ito na lang ang kaniyang tanging inaasahan upang makakain. Dapat sana'y ang mga anak naman ang magsakripisyo para sa mga magulang bilang pagtanaw ng pasasalamat. Sadya nga bang marami sa ating mga kababayan ang ayaw magtrabaho at palagi na lang umaasa sa pamilya?
No comments:
Post a Comment