Search Bar

Showing posts with label Walang Trabaho sa Pinas. Show all posts
Showing posts with label Walang Trabaho sa Pinas. Show all posts

Sunday, July 24, 2011

Kailangan Pa Bang Mangibang Bansa Upang Gumanda Ang Buhay?

Image Source: www.workingtraveler.com

Halos karamihan sa ating mga kababayan ay nangangarap na mangibang bansa upang magtrabaho at umasenso. Marami ang pinalad at marami naman ang nabigo. 

Meron yumaman dahil sa pag-abroad dahil malaki ang kanilang kinikita sa ibang bansa. Nakapagpatayo ng magandang bahay, nagkaroon ng malaking lupain, magandang negosyo at napag-aral ang mga anak sa maganda at kalidad na paaralan. Nabibili nila ang gusto nila sa buhay at kung ano-ano pa. Sa madaling salita naging maunlad sila sa pamamagitan ng pangingibang bansa.

Meron namang bigo, lugmok at walang naipundar sa buhay. kahit na anong pagsisikap at pagpapagal ay hindi pa rin magawang umasenso. Sadya nga bang malupit ang panahon at pagkakataon para sa kanila? Kumita man sila ay hindi pa rin maipaayos ang kanilang tahanan, walang naipundar para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Gipit pa rin kahit ilang beses pa itong pabalik-balik sa ibang bansa. 

Marahil may iba't ibang paraan ang bawat tao sa pagpunta sa ibang bansa. At ang sikreto ng kanilang pag-unlad ay sadyang nakalaan para sa kanila ayon sa individual na pamamaraan. Mayroon lang talagang tao na marunong sa buhay at hindi puro luho ng katawan ang iniisip. Sila itong mga nakaranas ng matinding kahirapan sa buhay kung kaya matindi ang kanilang pagsisikap sa buhay. Ang lahat na meron sila ay pinahahalagan nila at ang salaping kanilang kinikita ay inilalaan sa tamang paglalagyan.

Yung mga biguan sa ibang bansa ay umuuwi na lamang at nagtitiyaga sa kaunting kinikita sa ating bansa. Sabagay, mainam din kaysa mapalayo sa pamilya na kalimitan ang nangyayari kapag nasa ibang bansa si lalaki o si babae, nasisira ang kanilang pamilya. Nagkakaroon ng Third Party, na uso sa panahon ngayon. Napapariwara ang mga anak. Nangyayari din ito sa mga taong mga umunlad sa ibang bansa ngunit hindi na nila alintana ang mga nangyayari sa kanilang pamilya.

Mahirap ba talaga ang mabuhay sa ating bansa? Siguro kung tatamad-tamad ka. Hindi dahilan ang kakulangan sa pinag-aralan upang hindi ka makapag-trabaho o mabuhay sa bansang Pilipinas. Yamang ang ating mga ninuno ay nabuhay sa mga panahon hindi pa mahalaga ang edukasyon. Sa pamamagitan ng pagsasaka napakain nila ang kanilang mga anak at apo. Sa bukid halimbawa, kumilos ka lang sa kahit anong paraan na mabuhay ka, kakain ka. Nariyan ang mga paraan upang mabuhay. Ang paghahayupan, sakahan, pagtatanim ng mga prutas ay isang halimbawa ng puwedeng gawin ng isang pinoy. Pagyamanin natin ang lupang meron tayo sa bukid at tiyak hindi tayo magugutom. Tiyak ko na walang isang Pilipino ang yumaman na mula sa mahirap na angkan. Alam ko na ang karamihan sa ating mga Pilipino ay may mga lupang sakahan na dapat pagyamanin, na sa panahon ngayon ay lubos na kapaki-pakinabang.

Sa lungsod, na halos hindi na pansin ang pagsasaka, maaari ka pa ring mabuhay. Diskarte lamang ang puhunan. Isip ang dapat na gamitin upang makipagsabayan sa mga may pinag-aralan. Hindi porke wala kang pinag-aralan ay hindi ka aasenso, samantalang merong may mga pinag-aralan na wala namang magandang trabaho dahil umaasa na lamang sa yaman na meron ang kanilang mga magulang. Marami sa mga kababayan natin ang mababa ang pinag-aralan na naging maganda ang buhay. 

Hindi ko sinasabing huwag tayong mangibang bansa upang kumita at umunlad. Batid ko lang ang malaking problema sa pangingibang bansa lalo na kung may diskriminasyon. At sa lumalaking bilang ng mga DH na mga Pinoy, malaki na rin ang bilang ng mga nahahalay, minamaltrato, at namamatay sa mga maling paratang. Kaya sana naman, yaong mga pamilya na nandito sa pinas na umaasa sa kanila, gamitin dapat sa tama ang perang ipinapadala ng mga kababayan natin. 

Matinding sakripisyo ang ginawa nila para sa kanilang pamilya at sa ating pamahalaan kung kaya't dapat pahalagahan ang bawat salaping pinadadala nila. Ilaan ang salapi sa tamang paraan, sa pagnenegosyo upang lumago at hindi na kailangan umalis pa patungo sa ibang bansa. Sa ganang akin, kung may trabaho ka rito, subukan mo na rin magnegosyo para doble ang kita mo, lalago yan depende sa interes mo at tiyak ko hindi mo na kailangan mag-abroad.

Thursday, June 2, 2011

Pati Ba Naman Fast Food!

Grabe na rin ang mga magnanakaw ngayon hindi lang bahay na kung tanghaling tapat iwan mo, pagbalik mo nabawasan na gamit mo. Mahirap ng magsalita pero sa mga nakikita ko sa aking paligid talagang talamak na ang nakawan mapa-gabi o tanghali. Kaya mag-ingat tayo sa panahon ngayon, matitinik na ang mga magnanakaw dahil pati fast food sinusulong na rin ng mga kawatan. Malalakas na talaga ang loob. Lantaran! Ang nakakapagtaka, pano nila nagagawang kunin ang mga bagay na kahit may nakakakita ay parang wala lang. Malamang may hypnotism na nangyayari kaya hindi makaimik ang mga nakakakita.

Yung napanood ko sa Youtube, ang tindi! Paa ang ginamit niya sa paghila ng bag na ang laman pala ay isang laptop computer. Walang kamalay-malay yung may-ari na kausap ang mga kasama habang kumakain, hinihila na pala ang bag niya na nasa lapag ng sahig. Pagkatapos, nailipat ang laptop sa bag na dala nung magnanakaw ng hindi pa rin namamalayan ng may-ari. Ilang sigundo ay agad na umalis ang magnanakaw tangay ang laptop. Yun namang look out sa labas dali-dali na rin sumunod dun sa kasama niya.

Ito ang ilang bagong modus ng mga kawatan ngayon. Kaya yung mga kumakain sa fast food, bantayang maigi ang inyong mga kagamitan. At kung duda kayo sa isang taong nasa paligid niyo, tumawag na kaagad ng atensiyon sa may kapangyarihan o sa  management. 

Sa hirap ng buhay, kaya marami na ang nai-engganyo sa mga ganitong gawain. Kaya dapat palawigin ng pamahalaan ang proyekto sa trabaho dito sa ating bansa.

Friday, April 22, 2011

OFW in Afghanistan


Ang larawang ito ay nagpapahihiwatig ng interes ng mga Filipino na mangibang bansa. Sa nakalipas na tatlong buwan kung saan naging paksa ng karamihan, maging ng mga manggagawa sa Afghanistan ang tungkol sa pagbabawal ng pamahalaan sa ating mga kababayan ang magtrabaho sa bansang ito.

Kamakailang lamang, dumating ang kapitbahay namin galing Afghanistan. Kaya pala nawala siya ng matagal dahil nagpunta pala ng Afghanistan. kanina lamang nagka-usap kami tungkol sa kanyang naging karanasan doon. Malungkot daw. Na home-sick siya. Hindi sila basta makalabas ng basta-basta sa paligid liban sa loob ng base ng amerikanong sundalo. Delikado raw ang lumabas ng base kung saan sila nagta-trabaho. Mainit at malungkot ngunit tiniis niya para sa kanyang pamilya. Naroon pa rin ang takot. Ngunit nais pa rin niyang bumalik dahil sa hirap ng buhay dito sa atin.,