Image Source: www.workingtraveler.com |
Halos karamihan sa ating mga kababayan ay nangangarap na mangibang bansa upang magtrabaho at umasenso. Marami ang pinalad at marami naman ang nabigo.
Meron yumaman dahil sa pag-abroad dahil malaki ang kanilang kinikita sa ibang bansa. Nakapagpatayo ng magandang bahay, nagkaroon ng malaking lupain, magandang negosyo at napag-aral ang mga anak sa maganda at kalidad na paaralan. Nabibili nila ang gusto nila sa buhay at kung ano-ano pa. Sa madaling salita naging maunlad sila sa pamamagitan ng pangingibang bansa.
Meron namang bigo, lugmok at walang naipundar sa buhay. kahit na anong pagsisikap at pagpapagal ay hindi pa rin magawang umasenso. Sadya nga bang malupit ang panahon at pagkakataon para sa kanila? Kumita man sila ay hindi pa rin maipaayos ang kanilang tahanan, walang naipundar para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Gipit pa rin kahit ilang beses pa itong pabalik-balik sa ibang bansa.
Marahil may iba't ibang paraan ang bawat tao sa pagpunta sa ibang bansa. At ang sikreto ng kanilang pag-unlad ay sadyang nakalaan para sa kanila ayon sa individual na pamamaraan. Mayroon lang talagang tao na marunong sa buhay at hindi puro luho ng katawan ang iniisip. Sila itong mga nakaranas ng matinding kahirapan sa buhay kung kaya matindi ang kanilang pagsisikap sa buhay. Ang lahat na meron sila ay pinahahalagan nila at ang salaping kanilang kinikita ay inilalaan sa tamang paglalagyan.
Yung mga biguan sa ibang bansa ay umuuwi na lamang at nagtitiyaga sa kaunting kinikita sa ating bansa. Sabagay, mainam din kaysa mapalayo sa pamilya na kalimitan ang nangyayari kapag nasa ibang bansa si lalaki o si babae, nasisira ang kanilang pamilya. Nagkakaroon ng Third Party, na uso sa panahon ngayon. Napapariwara ang mga anak. Nangyayari din ito sa mga taong mga umunlad sa ibang bansa ngunit hindi na nila alintana ang mga nangyayari sa kanilang pamilya.
Mahirap ba talaga ang mabuhay sa ating bansa? Siguro kung tatamad-tamad ka. Hindi dahilan ang kakulangan sa pinag-aralan upang hindi ka makapag-trabaho o mabuhay sa bansang Pilipinas. Yamang ang ating mga ninuno ay nabuhay sa mga panahon hindi pa mahalaga ang edukasyon. Sa pamamagitan ng pagsasaka napakain nila ang kanilang mga anak at apo. Sa bukid halimbawa, kumilos ka lang sa kahit anong paraan na mabuhay ka, kakain ka. Nariyan ang mga paraan upang mabuhay. Ang paghahayupan, sakahan, pagtatanim ng mga prutas ay isang halimbawa ng puwedeng gawin ng isang pinoy. Pagyamanin natin ang lupang meron tayo sa bukid at tiyak hindi tayo magugutom. Tiyak ko na walang isang Pilipino ang yumaman na mula sa mahirap na angkan. Alam ko na ang karamihan sa ating mga Pilipino ay may mga lupang sakahan na dapat pagyamanin, na sa panahon ngayon ay lubos na kapaki-pakinabang.
Sa lungsod, na halos hindi na pansin ang pagsasaka, maaari ka pa ring mabuhay. Diskarte lamang ang puhunan. Isip ang dapat na gamitin upang makipagsabayan sa mga may pinag-aralan. Hindi porke wala kang pinag-aralan ay hindi ka aasenso, samantalang merong may mga pinag-aralan na wala namang magandang trabaho dahil umaasa na lamang sa yaman na meron ang kanilang mga magulang. Marami sa mga kababayan natin ang mababa ang pinag-aralan na naging maganda ang buhay.
Hindi ko sinasabing huwag tayong mangibang bansa upang kumita at umunlad. Batid ko lang ang malaking problema sa pangingibang bansa lalo na kung may diskriminasyon. At sa lumalaking bilang ng mga DH na mga Pinoy, malaki na rin ang bilang ng mga nahahalay, minamaltrato, at namamatay sa mga maling paratang. Kaya sana naman, yaong mga pamilya na nandito sa pinas na umaasa sa kanila, gamitin dapat sa tama ang perang ipinapadala ng mga kababayan natin.
Matinding sakripisyo ang ginawa nila para sa kanilang pamilya at sa ating pamahalaan kung kaya't dapat pahalagahan ang bawat salaping pinadadala nila. Ilaan ang salapi sa tamang paraan, sa pagnenegosyo upang lumago at hindi na kailangan umalis pa patungo sa ibang bansa. Sa ganang akin, kung may trabaho ka rito, subukan mo na rin magnegosyo para doble ang kita mo, lalago yan depende sa interes mo at tiyak ko hindi mo na kailangan mag-abroad.
1 comment:
Totoo po,, ako man po ay 3 years na rin sa pagbabarko, opo sadyang mabilis ang kitaan doon. Dati po ako umuupa lamang ng bahay kasama ang ang pong asawa at ang 3 naming anak.Pangarap ko talaga ang magbarko noon pa man ngunit wala akong ntapos kundi 3rd year lang.Pero ako ay isang skilled Chef na, ung tipo po n di na kailangan pa mag aral ng culinary. Pero nangarap ako para sa pamilya, nag aral ako sa ALS dahil hindi ako makakaalis ng bansa kung hindi ako nkapagtapos ng secondary manlang,nkagraduate ako at nag apply agad pabarko, mabilis ako natanggap dahil nga sa expirience ko, pero pagdating sa final interview, para bang medyo nahiya ako dahil nga sa 2014 lng ako nkagraduate eh ilan na ang anak ko,pero sinabi ko ang totoo, iniisip ko nlng na para sa pamilya ang lahat ng ginagawa ko. Unang balik ko after 10 months sa barko, nkapagpatayo na kmi ni misis sa lupa nya na minana sa tatay nya ng simpleng bahay, 3 weeks palang umalis na ako ulit dahil nga kapos nanaman ang pera ko para bunuin ang bakasyon ko na 3 months.Tama ang sabi nila sa 2nd contract talagang mabigat na ang maleta kapag hinihila na papaalis. Lagi akong lasing bago umalis, dahil nga ayoko na masyadong nararamdaman ang lungkot na iiwanan ko ang pamilya ko. Sa loob ng 3 contract ko, bawat baba ko nakakuha ako ng promotion. Pero di parin sapat. May nag offer sa akin na trabaho sa isang hotel and resort, nagamit ko ang experience ko lalo na yung title ko n nkuha sa pagbabarko ko, binigyan nila ako ng position as executive. Dun ako mas lumawak, napasok ko na ang paggagawa ng mga data base para sa pagcocosting. Ang owner ay hindi tumitingin sa natapos ng tao, bagkos pinagbasehan nila ang skills ko sa actual cooking, at nagustuhan nila lahat ng ginawa ko. Sa 1 year ko na pagiging executive chef sa edad ko na 33 years old, maraming nagsasabi na ang bata ko pa. Naging professional ako sa lahat ng bagay, sa pagguide sa mga tao ko etc. Hanggang sa napag isip isip ko nrin unti unti na,, kaya pala dumiskarte dito sa Pinas, may maliit kami na tindahan, nag oonline business ang misis ko, halos higit pa ang kita kaysa nasa ibang bansa ako. dahil doon, kapag bakasyon ang ofw, tigil din ang income, bago ka umalis may utang ka nanaman. Mas pinili ko ngayon ang magstay na lamang din dito sa Pinas, dahil narin sa sinabi ng isang matandang seaman na kusinero sa akin na para daw money maker nlng ang tingin sa kanya ng mga anak nya. Kaya mga kababayan, kung may tiwala tayo sa ating mga sarili, hindi solusyon ang ibang bansa para sa pag asenso,ngunit yan ay depende parin sa inyo. Mabuhay tayo ng simple at may dangal at may respeto sa kapwa.
Post a Comment