Search Bar

Monday, May 19, 2014

Programang "My Puhunan" Nakaka-bighaning Panoorin

Kagabi, pinanood naming mag-asawa ang programang ito ng ABS-CBN na nagpapakita ng iba't-ibang karanasan at simulain ng ilang mga piling negosyante. Ipinakikita nila kung paano sila nagsimula, nangarap at umasenso. 

Ibig sabihin, hindi hadlang ang kahirapan. Hindi hadlang ang kawalan ng mataas na pinag-aralan. Ang mahalaga ay kung paano tayo mangarap at isagawa ang isang planong mag-negosyo. Kahit sa halagang 500 daan maaari na pala tayong magsimulang mag-negosyo. 

Dahil dito, alam kong hindi ako nagkamali sa naging desisyon ko na subukan ang mag-negosyo gamit ang kaalamang natutunan ko mula sa isang kaibigan. Bagaman, mahirap at isang pakiki-pagsapalaran ang larangan ng negosyo, kailangan natin itong subukan upang malaman kung ito ba ay para sa atin o hindi. Sapagkat, may mga taong sadyang hindi para dito at nakatuon lamang sa pagiging isang empleyado. Mayroon namang pinalad na umasenso sa pagne-negosyo at tunay na naging milyonaryo. Isa pa, kailan ka magsisimulang mag-negosyo? Kung matanda ka na?

Ang kagandahan lang kasi sa negosyo, hawak mo ang oras mo at ikaw mismo ang amo. Siyempre, sa simula ikaw din mismo ang empleyado subalit sa kalaunan, maari ka ng kumuha ng katulong para matutukan mo ng tama ang pagma-manage nito. Natulungan mo na ang sarili mo nakatulong ka pa sa iba. Dito mo paiiralin ang pagiging maparaan mo sa pamamagitan ng pagtuklas ng iba't-ibang produkto at konsepto. Pagtuklas ng mga serbisyong kailangan ng mga tao.

Sadyang napakahalaga na dapat alam mo ang ginagawa mo at mahal mo ito. Dapat determinado ka at malakas ang loob mo lalo na sa mga oras na matumal at mahina ang bentahan. Dapat handa ka rin matuto at isakripisyo ang oras mo. Higit sa lahat alam mo kung paano ang kumpetisyon sa paligid mo. Kaya naman, lalo pa akong na-engganyo na ipagpatuloy ang pagne-negosyo nang mapanood ko ang iba't-ibang segment ng "My Puhunan" na hatid ni Karen Davila.

No comments: