Search Bar

Monday, May 12, 2014

Mas Matindi Ang Kabataan Ngayon

Akala ko ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan ngunit tila mali yata ang kasabihang ito sapagkat mas marami yata ang mga tambay at pasaway sa magulang. Akala mo kung umasta ay nakakatulong sa buhay. Akala mo ay matino at may plano sa buhay ngunit kabaliktaran.

Tambay sa umaga, tambay sa gabi. Hawak ang gitara, pakanta-kanta at halos walang ginawa kundi ang kasama ang barkada. Akala mo mga mayaman, subalit hindi nila naiisip na tumatakbo ang oras, araw at buwan at halos taon na ang lumipas ay ganyan pa rin ang asal nila sa buhay. Napakasarap ng buhay nila samantalang ang kanilang mga magulang ay halos hindi magkamayaw sa paghahanap-buhay. Mahirap na nga, pahirap pa sila ng lubusan. Wala na ngang trabaho, ang lakas pa ng loob mag-bisyo, manligaw at kung ano-anong ginagawa sa buhay.

Minsan hindi ko maisip, kung sino talaga ang may kasalanan - ang magulang o ang anak na pinabayaan ng magulang. Hindi naman dahilan ang kahirapan para anak ay disiplinahin at turuan ng magagandang asal at, imulat sila sa tamang landas upang matuto silang maging responsable na tulad ng inaasahan.

May ilan na nagbabago subalit ang karamihan ay mga manhid lang. Kainis lang minsan,  paki-usapan mong wag mag-iingay kung gabi na, lalo na sa oras ng pamamahinga, patuloy lang sila. Imbes na tumigil at magsi-uwi na, magdamag andyan pa sila. Kailangan mo pang magalit para lang tumahimik sila. Hindi nila ramdam kung nakakabulahaw na sila.

Marami sa mga kabataan ngayon, mas maagang nakakapag-asawa. Ang hindi ko lang mawari ay kung alam ba ng mga magulang nila ang ginagawa nila kasama ang mga barkada. May mga kadalagahan, kahit gabi na nasa kalsada, nakikipagharutan sa mga kalalakihan kabataan. Ito ba ang epekto ng mga soap opera na malayang ipinakikita kung ano ang dapat at hindi dapat na ikinikilos ng isang bata. Bagkus na ipakita kung ano ang tama at nararapat, sila pa ang nagpapauso ng mga bagay na hindi dapat ginagawa ng mga kabataan.

Gabi na, nariyan pa sila - mga kabataang babae at lalaki. Pares-pares na kung umasta ay mag-syota. Siguro nga dahil magka-akbay pa at sweet sa isa't-isa. Akala mo kung may mga ipalalamon na. Kapag nabuntis o nakabuntis, hindi na alam kung saan pupunta. Akala nila ay ganun-ganun lang ang buhay. Hindi pa nga nakatapos ng pag-aaral, walang pa ngang naaabot sa buhay at naitulong sa pamilya kung umasta akala mo sila ang bida.

Nasaan na ang mga turo ng mga sinauna? Nasaan na ang magagandang asal na ituro sa kanila ng paaralan at ng kanilang mga magulang? Nasaan na ang "Pag-asa ng bayan" na ating inaasahan? Kung tayo na naturuan ng tama at namulat sa kahirapan at nadisiplina ng lubusan ay nagsikap na mag-aral, makapagtapos at makatulong sa magulang, bakit silang mga kabataan ngayon ay kabaliktaran? Pagkatapos may ganang pang sisihin ang kanilang mga magulang kung bakit sila nagkaganyan.  O marahil, mali ang pag-unawa nila sa kahulugan ng kalayaan.


No comments: