Umaga pa lang ramdam ko ang katahimikan sa paligid hindi lang dahil linggo ngayon at araw ng palaspas. Maagang nagsimba ang mga tao bilang pag-alala sa mahal na araw ng pagpapakasakit ng anak ng Diyos. Pero, ako gusto ko talagang mapanood ang laban nina Pacquiao at Bradley Jr. kaya hindi ako nagsimba. Sabagay matagal na rin kaming hindi nakapagsimba ng pamilya ko. Kung kelan linggo, saka naman ginaganap ang mga ganitong laban lalo pa't Pacquiao.
Kahapon, inisip ko na sana manalo ang tinaguriang "Pambansang Kamao" ng Pilipinas. Inisip ko na sana muli siyang makabangon sa matinding pagkatalo niya kay Juan Manuel Marquez na isa sa pinaka-mahirap niyang kalaban. Si Marquez, na masuwerteng nagpabagsak kay Pacquiao noong 2012 sa ika-apat na laban, sa ika-anim na round ang nagbigay ng sakit sa damdamin at pride ng mga pinoy na humahanga ng labis kay Pacquiao. Pansamatalang nayanig ang puwersiya ng bayan sa panahong iyon at isa-isang nawalan ng tiwala kay Pacquiao ang ilan sa mga tagahanga dahil umano sa kaniyang pag-anib sa isang bagong relihiyon, dahil umano hindi na niya suot ang kaniyang rosaryo at dahil hindi na niya ginagawa ang dating estilo na kung saan napapatumba niya ang mga naging kalaban niya.
Sa kaniyang pagbangon sa matinding pagkalugmok, tinalo niya si Brandon Rios na labis din ang panlalait sa kaniya. At sa huli, inamin din nito na matindi talaga si Pacquiao kaya naman sa isang article na nabasa ko siguro din siya na mananalo si Manny sa muling pagtutuos nila ni Bradley. Si Marquez, ayaw na raw niyang makalaban si Pacquiao kaya nais niyang manalo si Bradley para sila pa rin ang maglalaban at makabawi siya sa pagkatalo niya kay Bradley. Si Mayweather Jr naman, na isa rin sa ayaw makipaglaban kay Pacquiao ay tinuruan pa umano si Bradley kung paano talunin si Pacquiao.
At ngayon nga, dahil libre kong napanood sa live streaming ang laban nila sa ikalawang pagkakataon umasa ako na mananaig si Pacquiao. Masigabo ang panimula ng ring announcer na sinabayan naman ng hiyawan ng mga tao sa mismong lugar. Tila tahimik naman ang dalawang boksingero dahil siguro iniisip na nila kung paano simulan at tapusin ang laban. Iniisip nila kung ano ang magiging kahihinatnan ng kanilang career kung sakaling isa sa kanila ang matalo.
Kaya naman nang magsimula na ang laban nagpasiklaban agad ang bawat panig. Sa loob ng 12 rounds, naging agresibo pa rin si Pacquiao dahil siya ang challenger sa laban na ito at marahil naisip niyang kailangan niyang talunin si Bradley dahil sa binitiwan nitong salita na pababagsakin siya nito (Bradley). Sa labang ito, tila napansin ko na hindi nangyari ang sinabi ni Bradley dahil sadyang nahirapan siyang bugbugin ng labis si Pacquiao dahil halos tumama talaga ang bawat bitiw ni Pacquiao sa kanya.
Napansin ko na parang ginagamit ni Bradley ang estilo ni Mayweather, na ginagamit ang laki ng katawan, pinaglalaruan si Pacquiao at mapang-asar. Ngunit hindi natinag si Pacquiao dahil kung magkagayon, maaari siyang matalo nito at lalong humina ang kaniyang popularidad na maaaring magtulak sa kaniyang pagre-retiro. Makailang beses niyang tinamaan si Pacquiao ng mabibigat na suntok ngunit mas maraming ibinabalik ang huli. Isa na rito ang magkakasunod na suntok (8 sunod) na tumama sa mukha ni Bradley. Sa isang sulok, kapansin-pansin din ang naging reaksiyon ng nanay ni Pacquiao habang nanonood ng laban hawak ang rosaryo at isang librito.
Natapos ang laban sa loob ng 12 round at naging unanimous ang desisyon ng mga hurado pabor kay Pacquiao. At sa huli, aminado si Bradley na matindi talaga si Pacquiao sapagkat hindi niya ito napagbagsak na gaya ng inaakala niya at hindi daw ito umuurong sa kahit-sinong kalaban. Muling nasungkit ni Manny Pacquiao ang belt kay Bradley kung saan sinabi ni Bradley (bago ang laban) na hindi na ito makukuha pa ni Manny.
Kalat sa Facebook ang kasiyahan ng mga fans ni Manny dito sa Pilipinas lalo na yung mga nanood sa big screen ng libre tulad dito sa Taguig, Marikina at iba't ibang lugar ng ating bansa bilang pagbibigay ng aliw sa mga tao. Ilang oras din naging tahimik ang paligid. Sa tuwing may laban si Manny Pacquiao talagang malaki ang epekto nito sa ating mga manonood, at ating bansa. Tiyak, magiging usap-usapan na naman ito sa loob ng ating bansa.
No comments:
Post a Comment