Search Bar

Tuesday, April 15, 2014

Masakit Para Sa Isang Ina

May mga pagkakataon sa buhay na hindi mo sadyang inaasahan. Isang sitwasyon na madalas nangyayari sa mga kababaihan - sa isang ina. Madalas, sila pa ang bumubuhay sa kanilang asawa. Madalas sila ang nagdadala ng pamilya. Lahat ginagawa para lang maitaguyod ang kanilang kabuhayan, ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak at matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Madalas sila pa ang labis na nagsasakripisyo sa loob ng kanilang tahanan.

Ang ina, sa loob ng ilang buwan ng pagdadalang tao, nagagawa pa rin niyang gampanan ang ilang gawaing bahay. Nagagawa pa rin niyang asikasuhin ang kaniyang asawa at mga anak. Nagagawa pa rin niyang magluto o maglaba. Kahit mahirap man kumilos, naroroon pa rin ang hangarin na gampanan ang kaniyang tungkulin bilang isang asawa, bilang isang maybahay. Kahit na masama ang pakiramdam, babangon pa rin para lang gumawa at maipadama niya ang tunay na pagmamahal niya sa pamilya. Siguro ang hindi na lang nila gaanong nagagawa ay ang magpaganda para sa sarili nila. 

Kasabay ng pagsasakripisyo, kasama na ang pagtitipid sa lahat ng bagay para lang mapagkasya ang budget na binibigay ng asawa. Minsan masaya na sila na nakikitang kumakain ang mga anak nila habang sila ay tinitiis ang gutom. Na nakakapasok ang mga bata sa eskwelahan. At higit sa lahat masaya na sila kapag nararamdaman nilang minamahal sila. 

Ngunit hindi talaga maiiwasan na sila ay masaktan - pisikal man o emotional. Madalas sila pa ang iniiwan. Madalas sila pa ang pinagdadamutan. Madalas sila pa ang pinagkakaitan. Malas siguro na  makatagpo sila ng lalaking akala nila'y magpapatingkad ng kulay sa kanilang buhay. Akala nila ay nakatagpo na sila ng masipag at mapag-mahal na asawa. Akala nila ay nakita na nila ang tunay na magdadala sa kanila sa isang magandang buhay. Subalit hindi....

Malas bang maituturing na makapag-asawa ka ng isang lalaking walang kuwenta? O sadyang pinili mo ang iyong kapalaran sa piling ng isang lalaking akala mo'y iyon na? Pagkatapos kang pagsawaan, pakinabangan at basta ka nalang iiwan.

Masakit, yung iniwan ka na dala pa ang mga bata. Na kahit malayo ka na sa kanila, patuloy mo pa rin silang inaala. Na handa ka pa rin tugunan ang pangangailangan ng mga bata. Na nandiyan ka pa rin at umaasang isang araw babalikan ka nila o ng mga anak mo. Subalit, patuloy ka na lang na umaasa sa wala.

Tama bang kunin sa iyo ang karapatan bilang isang ina ng iyong mga anak? Tama bang hayaan mo na lang na kunin nila sa iyo ang iyong mga anak? Ano ang gagawin mo kung pati mga bata ayaw na rin sa yo?

Ang pahayag kong ito ay para sa isang ina na matapos magsakripisyo, iwan at dalhin ang mga anak nagawa pa rin niyang umasa na babalik sa kanya ang mga bata. Ang mga bata ay nasa poder ng ama at ilang kapatid nito. 

Ngayon patay na ang ama, nais ng mga kapatid ng yumao na dalhin ang mga bata ng walang pahintulot ng ina ng mga bata na siyang may tunay na karapatan. Matapos mag-file ng reklamo sa barangay upang makaharap niya ang side ng lalaki, sa oras din iyon, mismong mga bata ang nagsabing hindi sila sasama sa kanilang ina. 

Kaya naman, hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya sa tagpong iyon. Naisip niya na baka nilason na ng mga ito ang isip ng kaniyang mga anak. Inisip niya na siniraan siya ng mga in-laws niya para makuha ang loob ng mga anak niya. 

Habang ikinikuwnto niya ang pangyayari sa aming pag-uusap sa cell phone, ramdan ko ang kaniyang kalungkutan at sakit na naramdaman. Parang hindi niya na alam kung ano ang gagawin niya. Hindi niya matanggap ang nangyari. Iniisip niya kung kailangan pa niyang pumunta sa DSWD para ayusin ang isyu. Subalit, sa mismong bibig na ng mga bata galing ang salita kaya ramdam ko na labis siyang nasaktan at pakiramdam niya wala na siyang magagawa.


No comments: