Alam nyo bang dito sa Pinas mahirap kumita ng Pera lalo na kung tatamad-tamad ka at walang diskarte sa buhay? Ang minimum wage ngayon ay di gaanong kalakihan kaya karamihan ay talagang nangangarap mag-abroad. Ito lang buwan ng abril, marami na naman ang nagtapos ng high school at kolehiyo pero asahan mo marami na naman ang bakante at walang trabaho. Tiyak isyu na naman ang kakulangan sa trabaho sa mga darating na panahon. Ganun naman talaga dahil sa kakulangan ng programa ng gobyerno. Ang bagsak, kahit mababang uri ng trabaho at malayo sa kurso mo susunggaban na lang ang trabaho kaysa maunahan ng iba.
Sa negosyo nga, kahit maliliit na negosyante, patayan na rin pagdating sa presyuhan ng serbisyo o produkto. Sabi epekto daw yan ng supply and demand. Kaya naman, kahit anong klaseng negosyo ang nagsusulputan para lang kumita ng pera. Pero kung gusto mong kumita ng todo o sobra sa minimum wage apply ka sa gobyerno dahil ang raket dyan kabi-kabila, sarap pa ng buhay. Kunwari busy pero naglalaro pala ng mga games sa FB.
Kung high school grad ka lang, makukuba ka sa kata-trabaho. Mahirap maka-ipon lalo na't may umaasa pa sa iyo. Yung ngang mag nasa abroad, yung iba nagre-reklamo na dahil yung mga pinadadalhan nila sobra rin kung umasa. Kung maka-ipon naman katakot-takot na pagtitipid muna bago makatikim ng ginhawa. Ang masama, pag-uwi "one day millionaire" tapos back to zero na naman. Ang matindi ilang araw lang ang pera pinaghirapan mo ng ilang taon.
Speaking of pera, madaling maubos pag hawak mo na. Halimbawa na lang kahapon, gumastos ako ng walong libo sa pagpapa-ayos ng sasakyan ng kapatid ko na dalawang taon na hindi nagagamit. Palyado na ang battery nito kaya bumili kami ng bago sa halagang P4,600. Dapat P5,200 pero dahil kapalit ang lumang baterya naka-bawas ako ng P600. Tapos, pina-check ko ang power steering dahil nauubusan ng langis dahilan na maingay ang manibela kapag kinakabig na maaaring ikasira ng assembly nito. Binaklas ang sira at pina-ayos ko sa gumagawa nito na may alam sa hydraulic sa halagang P1,600. Isipin mo halos wala pang kalahating metro ang haba ng hose, tatlong connector tapos labor lang ganun na ang presyo dahil package na daw. Bukod dun may ibang parts pa ang kailangan palitan nasa P500 din lahat ang inabot. Nang matapos, ang pagkumpuni, ang charge sa akin ng mekaniko ay P800 (plus 100 na tip) kaya P900 lahat. Siya lang ang pumatol sa akin dahil yung unang pinuntahan ko di daw kaya dahil marami tatanggalin kaya ang nag-tip ako bilang pasalamat na lang. Mahirap din naman talaga yung ginawa nung mekaniko dahil mag-isa lang siyang bumanat at napansin ko na bihasa siya sa paggawa.
Hindi pa tapos ang problema sa sasakyan dahil yung kuryente naman ang ipaa-ayos ko dahil hindi nagana ang engine fan. Tapos, susunod ang rehistro naman nito ngayon darating na Hunyo. Kaya, siguro kulang-kulang sampung libo pa ang kailangan. Sunod ang aircon naman dahil hindi na rin gaanong malamig ang buga lalo na ngayon na mainit na. Grabe! Mukhang aabot yata ng mahigit biente mil ang gagastusin sa sasakyan bago lubusan magamit ito. Mainam pa ang mag-motor na lang. Ganito nga talaga ang buhay lalo na kung higit pa dito ang luho natin.
1 comment:
Marami namang opurtunidad eh...
Hindi kulang ang programa ng gobyerno, hindi nga lang maganda ang manegement and dissemination ng information.
Post a Comment