Nitong umaga, naglilibot sa bawat kalye ang mga tauhan ng barangay kasama ang ilang miyembro ng mga kagawad. Ipinaaalam nila sa mga residente ang ilang ordinansang ipinatutupad nila para sa kaayusan ng barangay.
Ayon sa kanila, bawal na ang sugal, sabong, mga asong gala, at mga nakaparadang sasakyan sa kalsada. Bawal din ang mag-inum sa kalsada at mag-videoke. Tapos, may curfew na rin sa mga kabataan. Dagdag pa, ipinatutupad na rin ang tapat-mo linis-mo para sa kalinisan.
Napakagandang pakinggan ang ganitong mga ordinansa lalo na kung mahigpit na naipapatupad. Saka, lalo na kung maisasaayos talaga ang kapaligiran. Subalit, ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga tao ukol rito? Samantalang, yung mga tao sa paligid na nakarinig sa oras na iyon ay tila wala lang sa kanila.
Bilang isang residente, malaking tulong ito para mapaganda at maisa-ayos ang paligid. Magkaroon ng disiplina ang mga tao simula sa kanilang tahanan hanggang sa labas ng bahay. Maging responsable at disiplinado gaya ng mga taong nakatira sa isang pribadong lugar.
Bawal Ang Sugal, Sabong At Inuman
Una sa lahat, maganda na masupil ang mga ganitong uri ng gawain ng ilang mga residente rito sa amin. Ang sugal tulad ng tong-its, ay isa sa gawain hindi lang ng mga kalalakihan kundi kasali na rin ang mga kababaihan. Madalas, dito nagkakaroon ng away.
Tapos, madalas may mga babae naman nagiging adik na kaya hindi na naasikaso ang pamilya at ang kanilang tahanan. Madalas, sa pabarya-barya, di alam na malaki na rin ang natatalo hanggang sa wala ng pambili ng pagkain para sa mga anak.
Ang sabong bagamat gawain na ng mga kalalakihan, hindi nakakatulong sa pamilya. Malaki ang pustahan sa ganitong larangan ng sugal. May mga padre de pamilya na mas inuuna pa ang pumusta sa sabong kaysa sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. Wala na ngang trabaho nagagawa pang magsugal. Kahit puhunan sa kanilang negosyo nagagalaw na hanggat wala na rin kapital para sa mga paninda.
Ang inuman, madalas pinagmumulan ng away o gulo. Lalo na nag mga ngayon, hindi lang mga matatanda ang umiinom, kadalasan mga kabataan na rin at ilang menor de edad. Kapag lasing na, nandiyan na yung trip-trip nila at naghahamon na kung minsan at madalas tuwing may dadaan gustong pang kursunadahin. Minsan, sila sila din ang nag-aaway. Minsan sila din ay napapag-tripan dahil hindi na maganda ang lumalabas sa bibig nila.
Bawal Ang Mga Asong Gala
Ito ang isa sa mga sakit sa ulo namin minsan sa aming daanan. Sa tuwing lalabas kami ng kalye, nandiyan ang kabi-kabilang tae ng aso. Minsan, kahit alam na ng may-ari na aso nila ang tumae wala lang silang paki-alam. Hindi man lang bugawin. Natural, dahil tapat mo, ikaw na lang ang maglilinis. Abisuhan mo man, sila pa ang galit at tila nagmamalaki. Kaya, minsan wala kang choice kundi abugin, batuhin o hatawin ang mga asong gala.
Kapag ang aso nila ay nakakagat, wala din silang paki-alam. Kahit sa gastusin para sa anti-rabies para dun sa nakagat, hindi sila nag-aatubili na makipagtulungan. Yun bang nag-alaga sila pero pinagagala din naman! Ano pa ang saysay at nag-alaga sila ng aso ngunit hindi naman sila responsableng may-ari?
Bawal Ang Videoke
Hindi masama ang kaunting kasiyahan sapagkat lahat naman ng tao ay ginagawa ito. Bilang isang kapit-bahay, naiintindihan natin kung ano ang kanilang ipinagdidiriwang subalit ang masama ay yung halos magdamag na nga ay umaabot pa hanggang madaling araw. Hindi naman tama na pati kapit-bahay ay napupuyat pa dahil sa tindi ng ingay na dulot nito. Bukod sa malakas na wala pa sa tuno.
Tandaan natin na hindi lang tayo ang tao sa mundo. Ang ilan ay kailangan ng sapat na pahinga dahil pagod sa trabaho. May trabaho pa kinabukasan at kailangang kumayod para sa pamilya. Ang ilan ay may sakit at kailangan ang katahimikan sa paligid. Ang ilan ay may mga maliliit na bata na hindi nakakatulog ng mahimbing dahil sa tindi ng ingay nito. Yung iba walang paki-alam kapag nagsimula na, kahit oras na para magpahinga ay sige pa sila.
Ang kaunting kantahan ay hindi masama basta ilagay lang sa tama. Siguro tama na yung hanggang 10 o 12 ng gabi. Tapos pahinga na. Hindi ba lahat ay masaya?
Bawal Ang Nakaparadang Sasakyan Sa Kalye
Malaking tulong ang ordinansang ito hindi lang sa barangay kundi sa mga residente rin. Hindi masama kung saglit lang ang pag-parada ng sasakyan sa daanan. Ang masama yung ginawa mo na itong paradahan na tila pag-aaari mo na. Tapos kapag may pumaradang iba ay magagalit ka. Ano ba talaga ang tama kapag may sasakyan ka? Hindi ba dapat may garahe ka rin dahil may sasakyan ka?
Isa pa, makakatulong ang ordinansang ito para sa hindi inaasahang sunog. Sa dami ng nakaparadang sasakyan sa daanan, hindi tuloy maka-daan ang bombero sa kalye dahil kung hindi single parking, naka-double parking pa ang mga sasakyan. Pagkatapos, dahil hindi naapula ang sunog, sa mga bombero pa ang sisi sa huli.
Kapag, may pasyenteng kailangan maitakbo sa ospital, mas maililigtas ito kung malinis ang daanan sa ma nakabambalang sasakyan.
Curfew Para Sa Mga Kabataan
Ito ang tama at kasagutan sa lumalalang bilang ng krimen sa bansa. Ito ay makakatulong para ang mga kabataan ay mailayo sa bisyo, droga at ilang masasamang aktibidadis.
Madalas, ang mga kabataan ay nasa labas kahit gabi na. Maingay, nagtatawanan at nagkakantahan na halos nakakabulahaw na sa mga kapit-bahay. Kapag-sinaway mo, pambabastos lang ang abutin mo. Imbes na tumigil, tila nang-aasar pa. Araw-gabi nasa kalye, at hindi matigil sa pakikipagharutan lalo na ang mga kababaihan.
Dahil grupo sila, madalas nakikipag-away sa ibang grupo. Nangungursunada ng mga dayo na dumadaan lang sa tabi nila. At minsan, droga na ang pinagkaka-abalahan. Natututo sila ng mga katarantaduhan. Wala ng galang sa magulang at sa kapwa tao. Mahilig magkalat at magsulat sa mga mga dingding na hindi sa kanila. Imbes na makatulong sa kanilang pamilya, mga pabigat ba. Maagang nagsisipag-asawa kahit wala naman trabaho o maipalamon sa magiging pamilya nila. Nagiging batugan at malamunin lang ng pamilya.
Sana ang hangarin na ito ng aming barangay ay maisakatuparan. Hindi upang masabing sila ay magaling sa salita ngunit kulang din sa gawa. Hindi yung puro papogi na lang bilang paghahanda sa susunod na pagtakbo nila. Hindi yung magaling lang magtatag ng ordinansa pero mga numero unong violators din pala.
No comments:
Post a Comment