Hindi ako magkamayaw kanina sa paghahanap ng live streaming ng laban na ito. Maaga pa lang panay na ang hanap ko ng live na laban nina Pacquiao at Marquez kung saan sabi nga wala na daw ika-limang laban dahil ayon sa kampo ni Pacquiao, malamang hanggang round 6 lang ang laban. Kaya naman, gusto kong matunghayan kahit sa palabas man lamang kung paano manalo si Pacman sa laban na ito.
Ala-una na pasado, kailangan ko ng gumayak para magsimba. Medyo alanganin pa akong magsimba dahil sa laban na ito. Ngunit, napagod ako sa kahihintay ng laban kung kaya nag-desisyon na lang akong magsimba kasama ang aking pamilya. Paglabas ng bahay, isang kaibigan ang nakasalubong namin at sinabing KO nga daw si Pacman. Siyempre, hindi ako makapaniwala dahil matindi ang paghanga ko kay Pacman sa larangan ng boksing. Marahil nasanay lang ako na laging nananalo si Pacman. Sa daan, nakita ko ang mga nanood ng free live telecast ng laban na ginanap sa isang basketball court dito sa amin - pauwi na parang talunan. Isa-isa kong pinagmasdan ang kanilang mukha, bakas ng kabiguan. Kaya kumbinsido akong talo nga si Pacman. Ang matindi knock-out pa.
Natapos ang simba, isa-isa na kaming nagsi-uwian. Kahit paano, hindi nasayang ang araw ko. Mabuti na lang pinili kong magsimba kaysa panoorin ang laban nila Pacquiao. Mas masaya pa rin yung inuuna ang Diyos kaysa sa anumang bagay.
Sa labang ito, marami ang nagsasabi na dahil iniwan niya ang pagiging katoliko kaya siya natalo. Ang iba naman, sobrang tiwala daw si Pacquiao kung kaya naging careless siya na siyang ikinabagsak niya ng salubungin siya ng kanang kamao ni Marquez sa pamamagitan ng counter-punch. Ang iba naman, sinisisi ang mga taong nakapaligid sa kanya. Yung iba naman, dahil nakalimutan niyang mag-sign of the cross na siyang malimit niyang ginagawa tuwing lumalaban.
Anupaman ang dahilan, iisa lamang ang tanging totoo - talo siya at sa pontong ito alam na ng madla kung sino ang mas magaling. Sadyang dumating na ang isang bagay na kinatatakutan ng isang magiting na boksingero - ang mabigo sa laban. Aniya Pacquiao na halos matagal bago makabangon, "ganyan talaga ang buhay, minsan panalo at minsan talo".
Ang pagtanggap ng pagkatalo ay hindi isang kabiguan, ito'y pagsubok kung minsan. Nakamtan na niya ang tagumpay ng labis-labis. Nakuha na niya ang lahat ng gusto niya. Gumanda ang kaniyang buhay dahil sa pagsisikap mula sa kahirapan. Naging tanyag siya sa larangan ng boksing at tinaguriang 8 Division World Champion. Matalo - manalo sa laban na ito, meron na siyang $23 milyon na maiuuwi kapalit ng kabiguan.
Ngunit humihirit pa yata. Mukhang magkakaroon pa ng rematch. Ayon kay Bob Arum, wala naman masama dahil pinatunayan naman ng dalawa na binigay nila ang kanilang kakayahan para sana tapusin na ang matagal na sinasabi ni Marquez na nadaya siya. Subalit tila gagamitin pa sila para kumita.
Minsan ng pinatunayan ni Pacquiao na kaya niyang manalo sa larangan ng boksing. Sana naman, mag-retiro na siya at subukan naman niyang maging champion sa larangan ng taos-pusong paglilingkod sa bayan kung saan pinili niyang magsilbing Congressman. Baka sakaling higit pa ang magagawa niya para sa bayan matagal na niyang inuwian ng karangalan.
No comments:
Post a Comment