Katatapos lang ni bagyong Pablo sa Mindanao at Visayas at ayon sa balita mukhang babalik pa yata. Maraming kababayan ang tiyak na malulungkot sa paskong ito dahil yung iba nawalan ng mga mahal sa buhay. Yung iba naman, nawalan ng mga ari-arian at apektado sa pagdaan ng bagyo.
Ngunit sa kabila ng lahat, mas matindi pa yata kay Pablo ang balitang kailangan pa ng 100 milyon na dagdag sa Pork Barrel ng mga Senador. Malamang hindi lang sila ang humihingi ng dagdag bagamat hindi pinangalanan kung sino-sino ang humihingi ng dagdag. Ang tanong, hindi pa ba sapat ang 200 milyon para sa kanilang "Meaningful Project"? Meaningful Project na masasabi ngunit talaga bang sa project napupunta ang pera? Magkano naman kaya ang kanilang nakukulimbat? Hindi mai-aalis sa isip ninuman ang magduda sa hangaring ito sapagkat mismong isang senador ang nagsabi na ang isang senador ay maaaring makakuha ng 20% sa budget bilang kickback.
Sa isyung ito, hindi naman daw masama kung humiling ng dagdag ang mga ito.
Batid ng lahat kung gaano kahirap ang buhay ngayon lalo pa't kabi-kabila ang mga pagsubok na dumarating sa buhay nating mga Pilipino. Hindi maiaalis sa isang tao ang maglabas ng kaniyang hinaing lalo pa't dama niya ang epekto nito sa kanilang buhay.
Sa usapin ng Spratlys, kalaban natin ang China. Pero sa loob ng ating bansa, tila mas masahol pa ang mga Senador kumpara sa China sapagkat mismong sa loob ng ating bansa, sila mismo ang nagpapahirap sa ating bayan. At hindi lang sila, nariyan pa ang ilang mga "lolong" sa ating gobyerno na siyang umuubos sa kaban ng bayan. Sana maisip man lang nila na ngayon natin sila mas kailangan para palakasin ang ekonomiya ng ating bansa. Depensahan ang mga lupang pag-aari ng bansa. Itaguyod ang kapakanan ng bayan kaysa sa sarili nilang kapakanan. Kulang pa ba ang yamang taglay nila, samantalang sumasahod naman sila ng tama. Naghihirap pa ba ang kanilang pamilya sa estadong meron sila sa lipunan.
Kaya sa kanilang inaasal parang mas masahol pa sila sa mga dayuhan gustong sakupin ang ating bansa kaysa tulungan makaahon at umunlad. Kaya napag-iiwanan na tayo ng ibang bansa. Ang ibang bansa halos naghahanda na para sa anumang pandaigdigang kaguluhan, samantalang tayo patuloy pa ring umaasa ng kaunlaran. Sabi nga nila, hindi matutupad yan hangga't nariyan pa ang mga taong ganid sa kaban ng bayan.
Tanong nga ng iba, kung walang Pork Barrel meron pa kayang tatakbong senador? Meron pa. Sila yung mga taong may pagmamahal sa bayan at tapat sa kanilang serbisyo.
No comments:
Post a Comment