Search Bar

Friday, July 20, 2012

National Security: Palakasin Ang Hukbong Sandatahan

Sa darating na SONA ng ating pangulo hindi natin alam kung ano ang magiging laman ng kaniyang talumpati. Hindi natin alam kung ano ang bagong kuwento sa kabanata ng kaniyang panunungkulan. Base sa isang poll, ano ba dapat ang maging laman ng kaniyang pananalita sa harap ng bayan? Ano ba ang bagay na dapat niyang bigyan ng puwang upang patuloy na magtiwala at umasa ang mga tao sa kaniya? 

Sa mga nangungunang pagpipilian, nariyan ang tungkol sa National Security, Edukasyon at tungkol sa pagsugpo sa kurapsyon. Kung kayo ang tatanungin ano ba ang gusto ninyo?

Siguro sa panahon ngayon, dapat na munang bigyan ng pansin ang kahalagahan ng seguridad ng ating bayan lalo na ang tungkol sa mga teritoryong pinaglalaban ng ating bansa kontra China. Hindi puwedeng isantabi ito sapagkat nakikita na ng tao ang mga nangyayari. Wag ng hayaang maka-ulit pa sila gaya ng mga nangyari nitong mga nakalipas na araw na basta na lamang pinayagang makaalis ng ating gobyerno ang napadpad na naval frigate ng China sa Hasa-hasa Shoal na parang wala lang. Tapos, kamakailan nagpadala ang China ng 30 fishing boats na may kasamang 3,000 toneladang supply at patrol ship, para ano? Para kunin kung ano ang puwede nilang kunin hanggang sa tayo naman ang magutom? Kung sakaling sa atin yung napadpad sa lugar nila, ganun din kaya ang gagawin ng China?

Dapat talagang aksiyunan agad ang nasabing problema sa Panatag Shoal kung ito ay talagang atin at kung hindi, itigil na lang ng ating gobyerno ang anumang protesta na hindi makakabuti sa ating bayan at sa sambayanan. Labanan ang anumang pangbu-bully ng China sa atin. Mahirap yung tayo na lang lagi ang nagpapakumbaba, samantalang sila inuunti-unti na ang pagpasok sa ating mga lupang nasasakupan. 

Siguro naman, ang ating mga kababayan ay laging handa sa anumang panawagan. Handang magsakripisyo para sa bayan. Handang makipag-kaisa para sa pagtatanggol sa bayan. Hindi natin matitiis na muling magapi ang ating bayan laban sa mga dayuhan.

Image Credit Link
Palakasin ang hukbong sandatahan. Bigyan pansin ang militar. Ibigay ang mga nararapat na benepisyo para sa mga kasundaluhan upang hindi sila matukso na gumawa ng mga anomalya. Kumalap pa ng mga dagdag na mga tauhan para sa karagdagang puwersa. Labanan ang anumang hudyat ng terorismo para na rin palakasin ang turismo sa ating bayan. Kung sakaling may mga tiwaling sundalo, alisin agad upang hindi na pamarisan. Alisin ang mga kurap na opisyal ng kasundaluhan na walang ginawa kundi lustayin ang pondo sa walang kabuluhang. Himukin ang mga senador at mambabatas na magka-isa upang ibuhos ang nalalabing pagkakataon upang palakasin ang ating military system. Kelan pa ito sisimulan, kung tayo ay sinakop na? Bilhin ang mga makabagong armas o kagamitang pandigma bilang handa sa maaaring pagsakop na mangyayari hindi man ng China kundi ng iba pang bansa na nagnanais na tayo ay sakupin. 

Mas mainam na mamatay ng lumalaban kaysa sa mamatay na parang pinaglalaruan lamang. Hindi baleng magapi kasya tuluyang malumpo na hindi natin ipinaglaban ang ating karapatan at kalayaan. Kung ang ating mga ninuno ay naging matapang hahayaan na lang ba nating yurakan ang iniwan nilang katapangan at ang ipinamana nilang kalayaan?

Kung may naganap na EDSA, siguro may magaganap pang pagkakaisa laban sa mga dayuhan handang sakupin ang ating bansa. Walang ibang dapat manguna kundi ang ating pamahalaan.

No comments: