Nitong pangatlong SONA ng ating pangulo nabanggit niya ang katagang ito patungkol sa isyu ng Maguindanao Massacre at ilang mga kaso ng mga dating administrasyon. Hanggang ngayon hindi pa rin maiiwasang banggitin ang malagim na pangyayaring ito kahit anong limot ang gawin sapagkat sadyang napakahirap lalo pa at hindi pa lubos napapatunayan ang katotohanan. Maaaring sabihin kalimutan na lang kung ito'y hindi nangyari sa atin pero sa mga biktima at pamilya nito, mahirap. At patuloy, isa-isa yatang mauubos ang mga testigo habang patuloy pa ang pagdinig sa kaso laban sa mga Ampatuan.
Ngunit hindi sinabi ng ating pangulo na "Forgive and Forget" na lang ang lahat maging ang mga iniwang kabulukan ng mga dating administrasyon. Kung tayo ang tatanungin, "Forgive and forget" na lang ba ang lahat? Sabi niya, "ang magpatawad, maaari, pero ang makalimot, hindi".
Ngunit, bakit ganun? Kailan ba matatamo ng pamilya ng mga biktima ng "Maguindanao Massacre" ang hustisya. Paano sila nakatitiyak na nasa likod nga nila ang ating pangulo upang mapatunayan kung sino ang nagkasala at parusahan ang may kasalanan. Kaya sana naman, maging tapat ang husgadong may hawak ng kasong ito at hindi madala sa mga suhol kapalit ng pagpapawalang-bisa ng kaso. Sana may matira pang konsensiya para tuldokan ang matinding kasong ito. Habang tumatagal, maaaring maubos na ang mga testigo at ang iba, sa takot ay hindi na rin lumantad na maging dahilan na mawalan ng saysay ang lahat mula sa umpisa.
Sana hindi lang puro papogi-points ang mga sinabi ng pangulo sa kaniyang SONA. Ito ang nagsisilbing batayan kung siya ba ay sadyang karapat-dapat sa kaniyang puwesto at totoo sa kaniyang adhikain sa paglilingkod sa bayan.
No comments:
Post a Comment