Ibang klase talaga kung manghuli ang mga tauhan ng Makati Anti-Smoke Belching Team. Malayo ka pa lang kakawayan ka na nila. Hindi lang isa, dalawa o tatlo pa ang kakaway sa iyo at kapag malapit ka na sisiguraduhin nilang hindi ka makakatakas. Grabe. Talagang sanay na ang ilang mga tauhan nila na kumana ng mga sasakyang diesel engine at mga mauusok na sasakyan.
Kamakailan lang, kinawayan ako ng isa nilang tauhan at kunwaring may itinuturo sa harap ng minamaneho kong Nissan Serena na galing Subic. Pakiramdam ko tuloy mainit ang mga sasakyang galing Subic dahil sa karamihan nito ay mga diesel engine. Ilang beses na rin akong nahuli dyan sa Makati, lalo na sa may bandang pababa ng overpass bandang Buendia. Ang mga tauhan nila ay tulad din ng mga dating MMDA na naka-uniporme ng asul ngunit walang mga identification. Tapos ang kanilang pinakamataas ay naroon lang sa tabi at nagmamatyag samantalang itong mga galamay nila ay todo trabaho para lang maka-komisyon. Ngunit kamakailang lang nasa ilalim na sila ng Magallanes. Kaya pati mga patungong Pasay, hindi rin makaligtas dahil sa pamamara nila. Ang rason nila ay random check daw.
Karaniwan sa maga nahuhuli ay nakiki-usap tulad ko pero kapag wala kang kakilalang opisyal ng Makati, tiyak may tiket ka. Tumataginting na P500 kaagad yun kapag natiketan ka at kukunin mo yan sa Munisipyo ng Makati. Pero, hindi naman lahat ganun dahil yung iba nadadaan sa lagay.
Pero ang isa sa pinakamatindi ay yung tipong legal kung dumiskarte. Kung ikaw naman ay ayaw magbigay at makipag-usap, siyempre hahayaan mo silang i-test ang tambutso mo. Ang masaklap kasi sa ginagawa nila kahit hindi naman mausok ang sasakyan mo, inaapakan nila ng todo ang silenyador para bumuga ng todo at lumabas ang usok. Dahil diesel engine, hindi talaga maiwasan maging mausok yan lalo pa't todo apak ang ginagawa nila para lang masabing mausok.
Nako pag natiyempuhan ka sorry na lang at kung mausok talaga ang sasakyan mo kukunin nila isa sa plate number mo bukod pa sa tiket mo. Kaya yung iba, nagbibigay na lang para walang abala.
Sa lahat naman ng lugar, bukod tanging ang Makati ang pinakamahigpit. Sa ginagawa nilang yan eh bakit marami pa ring mga dyepney ang nasa Makati na kahit mausok ay patuloy pa rin sa pagtakbo. Ibig sabihin, nangungutong lang ang ilang mga tauhan nila.
Sana, i-phase out na lahat ng diesel engine na mga sasakyan para wala ng sakit sa ulo. Wag ng dalhin o pahintulutang makapasok dito ang mga diesel engine na yan na galing mismo sa ibang bansa. Kawawa talaga ang mga taong ang kaya lang bilhin ay mga segunda mano na bukod sa laspag ay mausok na.
No comments:
Post a Comment