Search Bar

Monday, July 25, 2011

Ika-2 SONA Ni Pangulong Aquino

Image Source: www.yahoo.com

Hindi ko man napanood ang coverage ng SONA ng ating pangulo, nabighani naman ako nang mabasa ko ang buong talata ng kaniyang mga sinabi sa yahoo. Napaka-simple, malaman at may puso. Una, dahil sa Tagalog ang pagkakagawa marahil walang isang pinoy ang hindi makakaintindi niyon. Dahil sa tagalog, mas marami ang makakaunawa at tunay na maging ang mga maralita ay mabibighani sa ganda ng kaniyang talumpati. Iba talaga kung ang talumpati ay gawa sa lengguwaheng mas nauunawaan ng ating mga kababayan. Masarap pakinggan. Mas nakakaantig-damdamin. Saka yung walang flowery words ika-nga, yun ang magandang marinig. Tulad ng mga dayuhan, pinananatili nila ang komunikasyon sa kanilang sariling wika. Kaya naman, mas nagkaka-isa ang isang mamamayan kung sariling wika ang gamit.

Sa isang simple at payak na talumpati, marahil, maraming pinahanga ang ating Pangulong PNoy. Siyempre, hindi pa rin maiiwasan ang magkaroon ng ilang negatibong komento sa panig ng ibang pulitiko. Ngunit sana, bago sila magsalita, tingnan nila kung ano ang kanilang nagawa bilang tulong sa ating Pangulo ng bansa.

Nais kong sundan ang talumpating iyon sa pamamagitan ng pahihimay-himay ng mga pangako at katagang kaniyang binitawan. Iyon ay upang matiyak ko na hindi rin ako nagkamali sa pagpili sa kaniya. Alam kong maraming ayaw sa kaniya. Alam kong may kahinaan din siyang tulad natin. Ngunit, aanhin mo naman ang magagaling, matatalino at marurunong kung wala naman silang pagmamahal sa bayan at sa kapwa. Aanhin mo yung paingles-english pa kung sa kalagitnaay kapos pala. Iba pa rin yung dama ng tao ang tunay at totoo mong puso. Dito natin malalaman kung ano ang kayang gawin ng sinasabing mahina kumpara sa mga magagaling na sinundan niya. Sa pamamagitan ng kaniyang kahinaan, makikita ng mga magagaling kung ano ang kulang sa kanila at saan sila dinaig nito. Hindi puro dakdak kundi dapat ipakita ang gawa, tunay at makatotohanan.

Sa kabila ng pangungutya ng ilan sa mga ayaw sa kaniya, patuloy pa rin niyang ginagampanan ang kaniyang trabaho bilang pangulo. May pagkakamali pero marunong siyang magpakumbaba. Marunong magpasalamat at tumanaw ng utang sa mga taong bayan na nagluklok sa kaniya sa puwesto. Marunong siyang maglingkod. 

Marahil, sa ilalim ng kaniyang administrasyon, mayroon pang pag-asa ang ating bansa. May mararating pa ang Pilipinas. Kahit paano, maipagmamalaki pa rin natin ang ating bansa sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na kinakaharap nito.

Nais kong balik-balikan ang mga kaniyang talumpating iyon sapagka't nararamdaman ko ang pag-asa. Marami siyang pangarap para sa bansang Pilipinas. At lahat ng iyon ay hindi niya matutupad kung hindi tayo tutulong sa kaniyang pangarap. Sa blog na ito, iisa-isahin ko ang mga laman ng kaniyang talumpati sa mga susunod na araw upang lalong magsilbing ala-ala sa akin at sa iba pa.

No comments: