Search Bar

Saturday, June 25, 2011

Si Bagyong Falcon

Link ng Image: Baha
Sa halos limang araw na nakalipas, magmula ng magsimulang manalasa si Bagyon Falcon, maraming nangyari sa ating paligid na hindi kanais-nais. Kahapon, narinig ko sa radyo balita (dahil wala kaming kuryente) ang mga kaganapan sa buong bansa particular sa kamaynilaan. Halos naapektuhan ang mga poste ng kuryente dahil sa ilang malalakas na hangin na dulot ni Falcon. Nariyan yung nawalan ng mga tahanan. Nariyan yung mga pagbaha sa iba't ibang sulok ng bansa, lalo na sa bandang Mindanao. Matindi ang mga pagbaha sa Mindanao. Mayroong mga inilikas na galing sa mga naapektuhan ng baha. Narinig ko rin na may ipo-ipo rin na dumaan sa lugar sa Quezon City kung saan naging dahilan ng pagkabuwal ng isang puno at pagkasira ng isang kulungan ng mga priso at bahay. Ideneklarang walang pasok ang ilang mga kawani ng gobyerno kahapon liban sa mga nagbibigay ng serbisyo tulong sa ilang mga kababayan natin.

Mahirap na ring sumakay kaya halos ala-una na ng madaling araw nakauwi ang aking pamangkin galing sa trabaho. Ito ay dahilan ng baha. Bagaman, hindi kalakasan ang ihip ng hangin sa ilang bahagi ng Taguig, malakas at tuloy tuloy na pag-ulan ang idinulot ni Falcon. Nariyan yung titigil sandali na akala mo'y wala na, pero maya-maya ay bubuhos na naman ang malakas na ulan. Mahina at lalakas, ganyan si Bagyong Falcon. Hindi ko na nasubaybayan ang lahat ng balita dahil sa kawalan ng kuryente kaya radyo ng sasakyan ang ginamit ko upang marinig kung ano ang kalagayan ng panahon.

Noong isang araw, nawalan kami ng kuryente dahil sa matinding ulan. Mga bandang alas 8 na ng gabi nang mawalan ng kuryente dito sa amin. Umabot din ng dalawang araw na wala kaming kuryente dito sa amin sa Brgy Katuparan, sa Taguig. May mga nabaha din dito sa amin, sa mga kalapit barangay lang. Ang pinakamasama pa ay may mga magnanakaw ng kawad ng kuryente na nanamantala sa madaling araw, pinagpuputol ang ilang mga wire at kinuha ang mga tanso nito. Napakabait talaga. Kaya naman, umabot ng dalawang araw na wala kaming kuryente. Dahil sinuri pa ng mga tauhan ng MERALCO ang nangyaring nakawan ng mga wire. Wala talagang pinipili na ang mga magnanakaw ngayon. Kanina lang madaling araw naibalik ang aming kuryente.

Paano kaya naaatim ng kanilang konsensya na ang ipinakakain nila sa kanilang pamilya ay galing sa nakaw.
Sadyang mahirap ang mga panahong ganito. Minsan makakaisip ka na mag-stock ng mga de-lata at mga pagkaing tatagal ng isang buwan para kapag may ganitong bagyo o anumang kalamidad, may makakain ang pamilya mo. Hindi mo na kailangan tumakbo at maghagilap ng mabibilhan ng pagkain lalo na sa mga alanganing oras. Napakahalaga rin na may stock ka ng kandila para sa panahon ng walang kuryente.

May time na naiisip mo ng manalangin. Ang tao nga naman, sumasambit lang sa Diyos kapag may mga kalamidad. Pero kapag wala naman, grabe ang pagpapakasaya. Kaya, ang mga kalamidad ay isang pagpapa-alala ng diyos sa atin. Kung matindi ang init, binibigyan tayo ng ulan. Kung sobra na ang ulan, darating ang tag-init para tayo ay mainitan, pero may mga taong hindi nakakaintindi. nayayamot at kung ano-ano ang mga sinasabi. Bagkus, dapat maging handa na lamang tayo sa mga ganitong sitwasyon. Bahagi na ng ating buhay ang ganitong mga kalamidad. Wag nating hintayin na bigyan pa tayo ng Diyos ng mas matindi pa rito dahil tiyak hindi na natin kakayanin. Kahit papaano ay sobrang naging maawain ang Diyos sa atin lalo na dito sa bansang pinas.

Salamat at kahit sa mga panahaong ito, kumpleto pa rin ang aming pamilya. 

Kung anuman ang mga naging kaganapan sa ating bansa lalo na sa Mindanao, sana kumpleto pa rin ang pamilya ng ilang mga kababayan natin. Sana, mayroon pa rin silang nakakain sa araw na ito. Sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay, isang pakikidalamhati ang nais kong ipaabot. Sana'y makayanan nila ang mga pagsubok ng ating buhay. Sa kabila ng lahat, nawa'y maging malakas pa rin ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

Basahin mo ito balitang ito: 50000 katao ang lumikas bilang kagradagan.

No comments: