Ngayon araw na ito, kuntento ako sa naging serbisyo ng LTO Taguig. Nga pala, ang LTO Taguig ay matatagpuan sa FTI Compound, sa Taguig City.
Lumabas ako ng bahay dala ang Nissan Serena, kasama ko ang aking pamangkin na lalaki, mga alas 8 ng umaga. Deretso kami ng Petron, sa may Diego Silang na matatagpuan naman sa C5 Road upang magpalinis ng tambutso bagaman nagpa-change oil na ako dalawang araw ang lumipas. Ito ay upang maging malinis ang muffler para sa smoke test. Mahal na rin ang bayad magpalinis ng tambutso o muffler, nagbayad ako ng P150 kumpara sa P100 noong nakaraang taon. Sabagay sulit naman ang linis.
Pagkatapos, nagpunta na kami ng LTO. Una, nagbayad kami ng smoke test fee na halagang P410 para sa mga sasakyan. Tapos, stencil ng makina at chassis. Medyo tumawid pa kami dahil sa kabila ng daan ang emission test center. Medyo hindi ako mapalagay dahil baka hindi makapasa sa smoke test ang aming sasakyan dahil diesel ito kumpara sa gasolina na walang problema. Nung naisalang na yung aming sasakyan para sa smoke test, hindi naman gaano mausok kaya alam kung papasa ito ngunit biglang nagluko ang computer, hindi nabasa ang resulta ng test nila sa Van. Nagluko raw ang network, sa STRADCOM daw. ang problema.
Tsk! Tsk! Walang kaming magawa kundi ang magpalipat sa tapat na emission center. Naghintay na naman ako ulit para ma-smoke test. Nang matapos, ok naman ang resulta, bumalik na kami sa LTO. Sumunod kumuha ako ng TPL Insurance na halagang P980. Naabutan na ako ng lunch break kaya naghintay pa kami ng ala-una. Kahit paano hindi naman nakakainip dahil kaunti na lang ang tao. Pagdating ng ala-una, simula na sila magtrabaho. Natapos ag Insurance. Pinasa ko na ang papel sa Inspector ng papel. Matapos ma-inspect ipinasa ko uli ang mga papel sa Evaluation Window. Ilang minuto lang, tinawag na ako ng Cashier para magbayad ng halagang P2,569 para sa registration. Then, proceed na uli ako sa Window 8 para sa Sticker. Sa wakas natapos din!
Ang isang napuna ko sa ilang empleyado ng LTO, kahit walang pang ala-una, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang serbisyo kaya naman hindi tambak ang tao. Salitan sila kumbaga gaya ng nasa evaluation at Cashier. Ibig sabihin mas magaan ang kanilang trabaho kung salitan sila dahil kahit paano may natatapos sila. Yan ang maganda, hindi yung lahat nagpapahinga kapag oras ng break time. Mabilis ang proseso kung laging ganito ang attitude ng pinoy sa trabaho, hindi oras ang tinitingnan kundi yung bilis ng kanilang serbisyo. Kaya naman, nakakatuwa kahit may mga aberya dahil tuloy tuloy ang serbisyo. Sana laging ganito ang lahat ng kawani ng gobyerno. Saka sa lahat mapa- publiko o pribado.
No comments:
Post a Comment