Malapit na ang birthday ng nanay. Ilang araw na lang. Sana kumpleto ang pamilya para masaya ang kaarawan ng nanay.....
Malayo na rin ang narating ni inay. Pitumpo't-walo (78) na siya ngayong Hunyo 18. Marami na rin siyang lugar na napuntahan magmula ng iwan niya ang Agusan Del Sur. Hindi na nga nasilayan ang burol ng kaniyang yumaong ina dahil sa hirap ng buhay noon, hindi agad makauwi sa kanila.
Pinili nilang makipagsapalaran sa ibang lugar para maka-ahon sa hirap. Nanirahan sa Cagayan De Oro City, sa Manila, sa Ilocos Norte at kung saan pang lugar hanggang namalagi na lamang sa Manila dahil dito na nila natagpuan ang maayos na pamumuhay.
Sampo ang kanilang anak, 5 lalaki at limang babae. Anim na lang ang nabubuhay at may kani-kaniya na ring pamilya. Hiwa-hiwalay na rin ang mga anak, ang iba ay bumalik ng Mindanao, isang nasa Japan at isa sa Iraq. Samantala ang isa ay sa Laoag, Ilocos Norte.
Kahit paano, may mga apo si inay na mapagmahal sa kanya at lagi siyang inaalala. Masayahin si inay at malakas pa at masipag sa mga gawain sa kabila ng kanyang katandaan. Dala na niya sa sarili ang kasipagan kahit noon pa man. Mas nagkakasakit daw siya kung hindi siya makagala o gumawa ng mga gawain sa bahay. Minsan nagkakasakit pero dahil sa determinasyong gumaling, talagang agad siyang nagpapa-chech up sa doktor. Mahina na nga lang ang pandinig ni inay kaya halos sensyas o may kalakasan na ng kaunti ang kanyang pakikipag-usap sa tao. Napapagkamalan tuloy na laging galit.
Mabait at masipag si inay kahit na noong nabubuhay pa ang tatay. Masikap sa buhay kung kaya hinahanap na niya ang trabaho. Noong bukod sa paglalabada, pagpaplantsa nagawa pa niyang makapag-aral ng tailoring bagaman alam na niya ang pananahi. Ninais lang niyang makakuha ng certification para makapag-trabaho sa isang kumpanya. Napatapos pa nila ng high school ang dalawang bunsong anak. Ngunit, hindi na tinatanggap ang edad niya noon dahil nasa 50 na siya mahigit.
Hindi nakapag-aral (ng high school) si inay dahil sabi niya, ayaw daw ng papa niya dahil malaki naman ang lupain nila(mahabang kuwento ayon sa kanya). Bagkus pinapag-asawa na lang siya upang may katulong ang papa niya sa paggawa ng bahay. Isang hamak na karpintero si tatay, hindi rin nakatungtong ng high school pero marunong at magaling na karpintero. Kaya si tatay ang pinili ng papa niya para sa kanya dahil sa karpintero siya. Katunayan, marami ring bansang napuntahan si tatay dahil sa pagpupumilit ni inay na mag-abroad siya upang mabuhay ang kanilang mga anak, mapag-aral at mabigyan ng magandang kinabukasan.
Oo, napag-aral nila ng maayos ang kanilang mga anak. Ngunit bakit sa dami ng kanilang mga anak iilan lang ang tunay na nagmamahal at nagmamalasakit at kumakalinga sa kanya. Kung sino pa ang pangalawang panganay ay siya pa ang pabaya kay inay. Walang malasakit at pagmamahal. Para bang may galit kay inay. Pero sa kabila ng lahat, nasa kanya pa rin ang sentro ng isip ni inay. Ang pagmamahal nga naman ng isang ina!
Ngayon, nalalapit na ang kaarawan niya, maalala kaya siya ng kaniyang isang anak (Pangalawang panganay na anak). Excited si inay. Iniisip niya ang magiging handa niya. Pinadalhan siya ng bunso niyang anak ng pera para daw sa birthday niya. Samantala, ang panganay niyang anak kasama ang asawa ay luluwas mula Ilocos para sa kaarawan niya. Pero yung nasa Mindanao tiyak hindi na makakapunta dahil sa layo at siguro hindi na nila naalala ang kanilang inay. Sana maging masaya si inay kasama ang ilang anak at ilang apo.
Sana bigyan pa si inay ng ilan pang taon sa mundong ito......
No comments:
Post a Comment