Search Bar

Sunday, December 4, 2011

Ang Batas ay Batas

Sa balita ngayon, isa na namang Pilipino ang mabibitay sa Disyembre 8 2011, dahil sa illegal na droga sa bansang Tsina o China. Kaya naman, tutungo si Bise Presidente Binay upang tulungan ang ating kababayan na mabigyan pa ng kapatawaran. Isang hakbang na umaasang mabibigyan pa ito ng pansin ng pamahalaan ng Tsina. Subalit, mahirap na siguro ang ganitong sitwasyon gayong alam naman natin na sadyang napakahigpit ng Tsina pagdating sa kanilang batas.

Hindi na siguro makakatulong ang Humanitarian approach sa pagkakataong ito lalo na't may mga hindi pagkakaunawaan ang dalawang bansa sa ilang bagay. At hindi ganun kadali na malutas ang kaso tungkol sa droga. Kaya mahirap na paasahin mo pa ang pamilya ng akusado.

Kaya naman, panawagan natin sa ating pamahalaan ay maging seryoso sa pagpapatupad ng ating sariling batas. Paigtingin ang batas laban sa mga droga at sa mga nagpupuslit ng droga. Maging mahigpit din sa mga dayuhan na ang lalakas ng loob na magdala ng droga dito sa ating bansa. Palibhasa marami kasi sa ating mga kawani ng gobyerno ang kayang tapatan ng salapi kaya ganun na lang sila kung umasta dito sa ating bansa. Kilala na kasi ang bansa natin sa "lagay system". Marami rin ang protektor.

Dapat bitay din ang parusa ng mga drug pusher dito sa atin. 

Dahil sa kahirapan, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagiging biktima ng mga drug pusher. Lalo na yung mga nangangarap na magtrabaho sa ibang bansa. Hindi na bago ang ganitong pangyayari. Kailan pa kaya matututo ang mga Pilipinong magtrabaho ng maayos. Hindi lahat ng karangyaan ay nakukuha sa pagtutulak ng droga. Lalong hindi makakabuti ang droga sa bawat tao. Hindi rin sa lahat ng panahon na makakaligtas ka laban sa batas.

Aanhin ang awa kung marami ang maaapektuhan at magiging biktima ng iligal na droga. Paano magiging maayos ang ating bansa kung baluktot naman ang sistema ng ating batas. Paano matututo ang bawat pinoy kung walang katiyakan ang ating batas. At hindi tayo magiging panatag hanggat hindi nalulutas ng ating gobyerno ang mga kasong ilang dekada ng nagdaan at idagdag pa natin ang mga kasalukuyang kaso ng mga dating administrasyon. Idagdag pa nating ang kaso tungkol sa Maguindanao Massacre kung saan patuloy pa ring umaasa ang mga pamilya ng biktima ng hustisya.

Nagpapatunay lamang na hindi kaya ng ating pamahalaan ang maging seryoso sa batas na kanilang ginawa upang mapabuti ang ating bansa at maprotektahan ang ating mamamayan. Tanging ang mga mayayaman at may pera lamang ang tunay na nakikinabang sa batas ng ating bansa na mapapansin natin sa mga mga kasalukuyang issue.
Enhanced by Zemanta

No comments: