Search Bar

Monday, November 28, 2011

Ang Buhay Talaga Ng Tao

Sa hirap talaga ng buhay, iba't-ibang kuwento ang maririnig mo. Para bang "Maalaala Mo Kaya", iba't- iba ang  kulay ng buhay. Kaya  naman hindi mo alam kung paano nabubuhay ang bawat isa sa atin. Meron masagana nga pero wala namang saya ang buhay. Meron masagana, pinagpapala pero meron pa ring kulang sa buhay. May mahirap pero masaya sa kanilang buhay. Meron mahirap na patuloy pa rin sa paghihirap. Meron namang nabubuhay na kahit walang trabaho si lalaki o si babae, parang ayos naman ang buhay. Ni hindi nga sila namo-mroblema kung ano ang kanilang magiging buhay. Pero meron namang kahit alam nilang galing sa masama ang kanilang pera, parang hindi na nila ramdam ang konsensiya. Nakakapagtaka ano?

Nasaranasan nyo na bang sa kakarampot na budget, ay hindi nyo malaman kung paano gagawa ng paraan sa tuwing kinakapos. Sa nga ba makakarating ang P500 pesos natin ngayon samantalang ang mga bilihin ay pabago-bago ng presyo, hindi bumababa bagkus patuloy pa sa pagtaas. Ultimo baon nga ng isang estudyante, kahit sa elementarya ay hindi na sapat sa bata ang P50 pesos. Tapos, idagdag mo pa ang pambili ng pagkain para sa pamilya - bigas, ulam at ano pa.

Meron isang may-bahay, gasino lang ang binibigay ng kaniyang asawa - allowance lang para sa pagkain nila. Ang lalaki na ang bahala sa ilaw, tubig at iba pang gastusin. Kumbaga, kung ano ang ibinigay sa asawa, yun na ang dapat niyang gastusin. E paano kung kapos ang budget na yun?

Yan ngayon ang problema ng babae, hindi malaman kung saan hahagilap ng mauutangan. Araw-araw laging problema niya ang pera. Lagi siyang kinakapos sa budget. Ayos lang sana kung sanay ang pamilya niya sa simpleng pagkain lang, walang problema. Paano kung hindi? Lalo sa tuwing may bisita siya, lalo siyang kinakapos dahil hindi naman kasama sa budget ang mga iyon. Ang matindi, nagpautang siya sa pag-aakalang maibabalik kaagad, ngunit hindi kaagad siya nabayaran. Hindi naman alam ng lalaki na ganun ang nangyayari at ayaw din ipaalam ng babae, dahil pagmumulan lang nila ng away.

Sa araw-araw, laging ganun ang tema niya. Minsan, talagang maaawa ka dahil sa kung saan-saan nakakarating para lumapit. Kaya, naisip ko ibang klase ang tiyaga ng babaeng iyon. Grabe!

Parang mahirap mabuhay na laging dala ang problema. Sa ganang akin lang, kung ano ang budget mo, dapat pagkasyahin at huwag maging maluho. Sa panahon ngayon, ang hirap ng walang malapitan. Bibihira na sa mga tao at kaibigan ngayon ang nagpapahiram ng pera lalo na't wala ka namang pambabayad. Mahirap magmakaawa para mabuhay.

Sana, laging meron ang tao. Sana lahat ay may biyaya. Sana lahat ay may trabaho, maganda man o hindi basta malinis na trabaho. Sana meron pa ring taong handa tumulong at dumamay. At higit sa lahat, sana sa mga may utang, bayaran naman nila ang pinagkautangan nila dahil yun din ang inaasahan nila.

Sana laging maayos ang takbo ng isip ng tao at hindi maging pasaway para maging maunlad ang ating bansa. Tulad ngayon na parating na ang kapaskuhan, sana kahit paano may handa ang lahat ng Pilipino. Alam kong masaya na ang isang tao na makakain ng paboritong niyang pagkain na kasama ang kaniyang pamilya at mga ilang mahal sa buhay.
Enhanced by Zemanta

2 comments:

Anonymous said...

nice...ako'y natutuwa at at least naka realize tuloy ako na di naman ako mag self pity sa buhay kasi may iba pa na mas nahihirapan.

jps said...

Tama. Maging ako, nagpapasalamat dahil kahit paano dumarating pa rin ang biyaya ng maykapal, samahan lang ng sipag at tiyaga.

Salamat sa pagbisita sa blog ko.