Nitong mga nakaraang linggo, naging malaman ang bawat balita sa dyaryo at telebisyon tungkol sa kasalukuyang gobyerno at sa nakaraang administrasyon. Hindi ko maiwasang subaybayan ang bawat nangyayari sa pagitan ng Aquino at Arroyo.
At ngayon lang, napansin ko ang isang kumento tungkol sa kaso ni Gloria Arroyo at sa Hacienda Luisita. Nasabi ng taong iyon na dahil daw sa kaso ni Arroyo, malamang papaboran ngayon ng Supreme Court ang kahilingan na maibahagi sa mahihirap na manggagawa ang Hacienda. Maaari nga.
Nakakatuwa na nakakainis ang mga balita tungkol sa politika. Hindi mo kasi malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at sino ang dapat panigan.
Nagsimula ang lahat ng ungkatin ng pamahalaan ang mga katiwalian ng dating administrasyon ni Ginang Arroyo. Nagsimula sa PAGCOR, sumunod sa Chopper, sa nakaraang eleksiyon.
Biglang nagkasakit si Ginang Arroyo. Lumala ang sakit. Humingi ng pahintulot na makalabas ng bansa para magpagamot. Hindi pumayag ang kasalukuyang administrasyon sa pamamagitan ni DOJ Sec. Laila de Lima. Kailangan na daw maipagamot ang ginang sa ibang bansa (wala sigurong kakayahan o tiwala sa mga manggagamot natin dito). Sabi ng doktor at kung sinu-sino pa na kailangan na talaga. Tumindi ang usapan, uminit ang issue.
Pati Supreme Court, umarangkada na. Dahil may TRO, kaya dapat bigyan ng pahintulot ang ginang. Ngunit sinalungat ito ni Ginang De Lima. May dahilan si Ginang De Lima at maganda ang kaniyang dahilan na nagustuhan ng ilang pinoy. Ngunit wala pa namang kaso naisasampa kaya may pagkakataon pa si Ginang Arroyo na makalabas ng bansa. Contempt of Court ang kakaharapin ni Sec. De Lima ngunit naging matapang siya sa kaniyang paninindigan. Napigilan nga si Ginang Arroyo sa paglabas ng bansa dahil sa pagsampa ng kaso na nag-uugnay sa kanya sa nangyaring "election sabotage" noong laban nila FPJ.
Naging mabilis ang pangyayari. Ang sampong araw na imbestigasyon tungkol sa "election sabotage" ay nabuo ng halos isang araw lang. Lumabas ang warrant kay Ginang Arroyo. Nagkaroon ng maraming haka-haka. Hindi makapaniwala. Samantalang yung ibang kaso matagal bago maimbestigahan ng mabuti.
Baka mauwi na ito sa kampihan. Paramihan ng kakampi, patibayan, patagalan. Hindi ko lubos maisip kung bakit ganito ang ating bansa. Baluktot ang sistema ng hustisya. Magulo ang gobyerno. Marami ang namumulitika. Kanya-kanyang hanap ng butas, lahat gustong makaligtas. Ang iba ay sa puti, ang iba ay sa dilaw. Ito ba'y laro lamang o sadyang personalan na laban ng mga mayayaman.
Kawawa naman tayong mga mamamayan. Tayong mga mahihirap. Kawawa ang bansang Pilipinas.Mainam pa sigurong na lagi tayong sinasakop ng mga dayuhan para may pagkakaisa ang bawat Pilipino. Wala na yatang matino, wala kahit isa.
No comments:
Post a Comment