Noon, dahil hindi pabaya ang mga magulang sa kanilang mga anak pagdating sa tamang pagdisiplina, marami pa ang mga batang magalang at masunurin sa mga magulang.
Ngayon, sa hirap ng buhay, marami ang magulang na abala sa kanilang hanap-buhay na halos wala ng panahon na madisiplina ang mga anak. Tapos, dagdagan pa ng mga kabataang maagang napasok sa pag-aasawa kaya ang labas mga pabayang magulang. Hindi naman lahat pero karaniwan na ito ngayon. Meron nga, hindi pa nakapagtapos ng pag-aaral, nag-aasawa na lang, siguro para lumagay na sa tahimik.
Itong mga kabataang maagang nagsipag-asawa, akala nila ganun na lang kadali ang buhay may pamilya. Akala nila puro na lang sarap na tipong pakiramdam nila ay dalaga't binata pa rin sila kahit pamilyado na. Nagsisimula lang silang mag-isip kapag nagkaroon na sila ng supling. Ni hindi nga nila alam kung paano asikasuhin ang kanilang mga sarili, anak pa kaya. Pero natutunan ang lahat ng bagay kung may tamang paggabay ng mga magulang. Meron naman, nabuntis, pagkatapos ay ipamimigay lang ang anak na parang kuting.
Habang ang mga batang iniwan, ayon hindi alam kung paano mabuhay ng tama. Ang mga batang pinabayaan ng mga magulang ayon sa iba naghanap ng pagkalinga. At ang masama, sa piling ng mga taong mapagsamantala at masasamang loob sila napupunta. Natural, ano naman ang ituturo ng mga ganitong klaseng tao, kundi ang kasamaan. Gagamitin ang mga kabataan sa kasamaan at pansariling interes.
Ngayon, ilang dekada na ang lumipas, halos buong mundo ganito ang problema na ang mga kabataan ay wala ng takot gumawa ng masama. Hindi naman sa minamasama ko ang mga batas na nagtatanggol sa karapatan ng mga kabataan. Ngunit, ang mahirap kasi, tulad ng mga batas na maririnig natin sa ibang bansa pabor sa kabataan, marami ang umaabuso, bastos at walang galang sa magulang maging sa ibang tao. Dahil may batas, yun ang nagiging kanlungan nila para i-justify ang kanilang mga gawa.
Sa pilipinas, pilit nating ginagaya ang pamamaraan ng ibang bansa. Oo, marahil epektebo pero walang ng hihigit pa sa epektibong paraan ng pagdisiplina sa mga kabataan sa loob ng tahanan na nakagisnan nating mga Pilipino. Ang mga batas na pabor sa mga kabataan, yan ang nagpapalaki ng kanilang ulo.
Kahit saang sulok ng pinas, marahil marami ang mga kabataang nasa edad 10-18 ang marunong ng magnakaw, na halos kasing galing na ng mga bihasang kawatan. Dito nga lang sa Taguig, talamak na ang mga kabataang magnanakaw at holdaper. Ultimo mga damit at kung anu-ano pa ay ninanakaw na. Malingat ka lang saglit ay wala na ang ilang gamit mo.Kaso paano mo sila parurusahan e mga menor de edad pa nga?
Ang Juvenile Law ay pansamantala lang yan na lunas sa mga kabataang nakakagawa ng masama. Kaya dapat na talagang baguhin ang Juvenile Law dito sa atin. Parusahan ang mga kabataan ayon sa klase ng kanilang ginawang krimen. Sa katagalan, hindi na magiging safe para sa atin ang mamuhay ng maayos dahil kung hindi masusupil ang mga salot na mga bata, lahat maaaring maging biktima.Pero ang payak at pangmatagalang disiplina ay nasa kamay pa rin ng mga magulang. Kaya dapat maging responsable tayo bilang mga magulang.
1 comment:
This is a good essay... I' agree...
Post a Comment