Image via Wikipedia
Hindi ko akalain na high blood na pala ako ngayon, dahil lagi akong nahihilo na halos mag-iisang buwan na. Hindi ko lang iniinda dahil kaya ko pa naman. Saka parang wala na akong tiwala sa doktor na walang pakialam sa pasyente basta ang importante sa kanila ay kumita ng pera. Gaya ng naisulat ko noon, may mga doktor na mataas maningil. Tapos gamot na ibibigay sa yo ay sankatutak pa at may kamahalan.
Natural walang kang magawa kundi bilhin ang mga gamot na iyon. Kaya kung susumahin marami na akong gamot na nasayang. Dahil kapag pakiramdam ko na parang masama ang epekto nito sa akin ayaw ko ng inumin ang mga iyon.
Natural walang kang magawa kundi bilhin ang mga gamot na iyon. Kaya kung susumahin marami na akong gamot na nasayang. Dahil kapag pakiramdam ko na parang masama ang epekto nito sa akin ayaw ko ng inumin ang mga iyon.
Ang ayaw ko lang sa ginagawa ng doktor ay yung parang "come and go". Lalo na pag maraming nagpapatingin, mabilisan ang konsultasyon dahil kung hindi, tiyak aalis yung iba. Siyempre nanghihinahayang sila dahil kung P350 ang singil, eh limang pasyente lang ang umalis malaking bagay na ang nawala sa kanila. Kaya, halos wala na silang panahon para magpaliwanag sa pasyente kung ano talaga ang iba pang komplikasyon sa sakit nila. Wala na rin silang time magtanong kung paano nagsimula ang karamdaman ng isang pasyente.
Sa naging karanasan ko sa isang doktor, isang lalaki, tinanong niya ako kung ano ang nararamdaman ko. Dati na nila akong customer. Akalain nyo ba naman, gustong akong hampasin ng kaniyang clip board. Buti nga hindi niya ginawa dahil kung nagkataon magkakapera pa ako sa kanya at puwede ko pa siyang ireklamo sa PRC. Kahit parang pabiro hindi maganda para sa isang doktor ang ganung kilos. Hindi maganda di ba?
Noong isang araw, nagpasya akong magpa-check bagama't parang ayaw ko talagang patingin sa doktor. Pero hindi na kami pumunta sa dating doktor na yun kundi sa isang bagong doktora. Mabait at maunawain yung dokotang napuntahan namin.
Sa simula, inalam niya kung ano ang nararamdaman ko. Nasabi ko nga na halos isang buwan ko na ngang napapansin na nahihilo ako. Ang duda ko kasi, ang pagkagat sa aking ulo ng isang insekto nang gabing natutulog ako kaya ako nakaramdam ng hilo. Ikalawa, yung pagpapatunog ko sa aking leeg na tuwing nakakaramdam ako ng pagod sa maghapong pagharap sa computer. Siguro, dahil sa malakas pagpapatunog ko sa aking leeg, pagkatpos nun ay nakaramdam na ako ng hilo. Ayun, tuloy-tuloy na hangggang ngayon.
Nagsimula na siyang tingnan ako. Una, ang tainga ko. Tinanong niya ako kung nakakarinig daw ako ng malakas na alingawngaw. Oo, sagot ko. Pinakinggan niya ang dibdib at likod ko kung may mga senyales na kakaibang pakiramdam. Tapos, inalam niya ang blood pressure ko. Nasa 150/100. Mataas daw iyon kaya High Blood daw ako. Nasa stage 1 daw iyon. Pero sabi ng doktora, maging ang 130/80 ay itinuturing na rin daw na unang stage dahil ibinaba na nga daw ang pamantayan sa pakilatis ng blood pressure. Parang naalarma ako pero hindi naman totally natakot.
Sa edad na 41, ngayon ko lang naranasan ang ganitong sakit na high blood. Ngayon ko rin lang din naramdaman na ang pagkahilo ko sa bawat araw ay isa na palang high blood. Tumimbang na ako ngayon ng 87 kilos. Kaya pinagbabawas na ako ng timbang at iwas sa pagkain ng nakaka-high blood.
Sa bawat araw, pakiramdam ko daig ko pa ang drug addict na susuray-suray kung maglakad. Tapos sa pagtulog naman, tumagilid man o tumihaya, nahihilo ako. Kaya ang ginagawa ko ay dahan-dahan akong humihiga nang sa gayon hindi lubusang umikot ang paningin ko. Hindi rin ako puwedeng bumalikwas ng pagtulog ng mabilisan dahil nahihilo rin ako. Maging sa pagbangon, maingat din ako dahil nahihilo rin ako. Grabe! Kapag naglakad naman ako, para akong nakalutang sa ire na parang matutumba. Kaya nga ngayon ko lang naramdaman na iba pala at naunawaan na yung may mga high blood na mahirap pala ang kalagayan nila. Apektado ang mga gawain sa bawat araw. Nakakawalang-ganang kumilos.
No comments:
Post a Comment