Laman ng balita ang dagdag daw na Presyo ng sigarilyo upang hindi na makabili ang mga kabataan mula 18 pababa at mailayo sila sa bisyong ito. Mungkahi ng Health Justice of the Philippines gawing P5 na raw ang bawat stick ng sigarilyo para hindi na bumili ang mga kabataang nalululong sa paninigarilyo sa murang edad. Sa halagang P1.50, kayang-kaya umano ng mga kabataan na bumili nito mula sa kanilang allowance. Sa pagtataas ng presyo, mapipigilan na umano ng mga kabataang bumili ng sigarilyo.
Bakit kailangang magtaas? Malaki na ba ang kanilang overheads o variable expense sa paggawa ng sigarilyo? Kung hindi, hindi nararapat ang nasabing mungkahi dahil hindi naman nagdulot ng pagkalugi ito sa kumpanya. Hindi rin makatarungan?
Ano ba namang klaseng mungkahi iyan mula sa HJP na binubuo pa raw ng mga abogado, doktor at ekonomista. Lalo lang dadami ang gagawa ng sigarilyo sa laki ng margin nito. Kanino ba mapupunta ang kita, sa negosyante ba o sa gobyerno? Kung sa negosyante, hindi na malamang makatarungan ang ganun kalaking mark-up sa sigarilyo. Kung sa gobyerno, isang paraan na naman ito ng pagpapahirap sa tao (divertional tactics instead of VAT) na halos higit pa ito sa VAT na 12%. Kalokohan!
Tapos, ano ang kasunod? Isip yata ng mga ito eh, hindi nakakaintindi ang mga ultimong pinoy ng multiplication. O iniisip nila na hindi nakakaintindi ng takbo ng ekonomiya ang ilang mamamayan.
Naku, kung sakaling matuloy ito, mayroon na namang hihirit dyan. Apektado na nga tayo ng pagtaas-baba ng presyo ng langis, VAT sa Toll fees, at kung anu-ano pa. Tiyak sira na naman ang pasko ng ilan sa atin.
Maraming paraan para masugpo ang paninigarilyo ng mga kabataan. Dapat gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Marami kasing magulang ang pabaya sa mga anak, walang oras at hindi marunong magdisiplina. Kung hindi naman, likas na talaga ang katigasan at kawalan ng disiplina ng mga bata sa panahong ito. Gumawa ng batas na magbabawal sa mga kabataan na manigarilyo. Hulihin ang mga batang menor de edad na makikitang naninigarilyo saan mang sulok. O kaya naman, ilakip sa mga pakete ng sigarilyo ang katagang "Bawal sa mga bata".
Nasa magulang, guro at concern citizen ang kasagutan ng problema at hindi sa dagdag presyong puro pagpahihirap.
No comments:
Post a Comment