Image by Extra Ketchup via Flickr
Napansin ko lang ngayon, tatlo sa aking mga customer na umarkela ng computer ay mga batang babae na nasa elementarya pa lamang. Naghahanap sila ng sagot sa kanilang assignment sa paaralan. Ni halos hindi pa nila alam kung paano gamitin ang keyboard, mouse, at kung paano magsaliksik gamit ang computer. Kumbaga, kailangan pa talagang alalayan sila sa paggamit ng computer.
Samakatuwid, hindi pa rin batid ng mga paaralan ngayon ang kahalagan ng computer sa mga pampublikong paaralan, lalo na siguro sa probinsiya.
Malimit, sa tuwing may mga assignment ang mga mag-aaral, kadalasan ay pinapagawa na lamang nila ito sa mga computer assistant sa isang internet shop. Meron naman, talagang nagtitiyagang matuto kaya sila na lang ang gumagawa kahit malaki pa ang bayaran nila.
Sa ganang akin, mainam talaga na ang mga mag-aaaral ay mabigyan na ng karagdagang pagtuturo ukol sa paggamit ng computer. At hindi lang basta turo, kundi isang matinding lecture kasama ang actual na hands-on. Sapagkat kung puro lecture lamang ang gagawin sa kanila, hindi sila makikitaan ng interes. Dapat maging aware na rin ang mga magulang sa mga makabagong teknolohiya upang maituro rin nila sa kanilang mga anak ang kanilang nalalamanan. Mahirap na kasi ang labanan ngayon pagdating sa paghahanap ng trabaho. Kailangan, ang mga kabataan matuto ng mga bagay na angkop sa mga makabagong teknolohiya at hindi puro sinaunang paraan ng pag-aaral.
Dapat na rin gumamit ang mga guro ng multi-media presentation upang mabawasan ang mahabang preparasyon nila sa kanilang mga itinuturo. E kahit siguro ang ilang mga guro natin ay kulang din sa kaalaman o hindi rin sana'y sa paggamit ng computer. Bukod sa iba't-ibang visual aids, makakatulong ng malaki ang paggamit ng microsoft powerpoint sa kanilang presentation upang maakit ang mga kabataang gumamit ng computer. Bukod dito, malaking bagay din ang paggamit ng projector paminsan-minsan.
Kung ang kabataan ay masasanay ng maigi sa larangan ng pag-aaral ng computer mas malaki ang tsansa na mas marami silang matutunan liban sa mga bagay na hindi angkop para sa kanila na kung saan malawak na ang exposure ng pornograpiya sa internet. Ngunit maiiwasan ang ganito kung laging may patnubay ng mga magulang sa paggamit ng computer sa loob ng kanilang tahanan. Sa labas naman, may mga internet cafe naman na nagbabawal na manood ng malalaswang sites sa internet.
Naniniwala akong mas importante sa mga kabataan ngayon ang advance na turo ng mga paaralan.
No comments:
Post a Comment