Lahat naman yata tayo ay gusto mamuhay ng maayos at mapayapa. Karamihan naghahap-buhay ng maayos para sa sarili o sa pamilya.
Pero may ilang tao na ayaw magbanat ng buto at magsikap. Mas gusto nila yung madaliang kita na kahit ang pagnanakaw ay bahagi na ng kanilang buhay. Walang ginawa sa bawat araw kundi tumambay, kumain at matulog. Pagkatapos, didiskarte kung kinakailangan.
Ang masama, mga kapit-bahay lang din ang ninanakawan nila. Isang araw, bagong battery ng owner type jeepney dinali nitong nakalipas na ilang araw. Ang may-ari ng sasakyan ay isang maliit lang na negosyante at nangungupahan lang sa tapat namin. Sa labas kasi nakaparada ang sasakyan. Subalit, sadya daw talaga ng mga magnanakaw ang bago nilang motor na ginagamit nila araw-araw - isang Kawasaki.
Kahapon, siguro, dahil hindi nila nakuha ang motor, ibang motor ang natiyempuhan na pag-aari rin ng isa naming kapit-bahay. Dati pinapasok ang motor sa bahay ngunit ng lumaon sa labas na rin lang ipinarada na naka-kandado lang. Akala nila wala ng nakawan. Kaya pala maingay ang mga aso ng madaling araw ay dahan-dahan palang binubuhat ang motor palabas ng iskinita. Siyempre may mga look-out. Yun, natangay nga ng mga magnanakaw ang motor.
Dahil parehas na nanggalaiti ang may-ari ng motor at sasakyan na nawalan ng battery, panay ang pahapyaw nila sa mga magnanakaw na naririyan lang sa tabi-tabi. Nagpa-blotter na rin sila. Grabe talaga dito sa amin. Walang awa ang mga magnanakaw. Mapa-kulungan ng aso, kawad ng kuryente, washing machine at kung ano-ano pa dinadali. Pati nga mga sinampay pinapatulan.
Siguro, isa sa mga nakarinig ay kamag-anak ng magnanakaw. kinagabihan nagkaroon ng saksakan. Sinaksak ang may-ari ng sasakyan na nawalan ng battery. Mabuti na lang at hindi napuruhan dahil agad na humingi ng saklolo ang may-bahay nito habang nakikipag-patintero ang asawa sa kalaban. Agad akong napalabas para sumilip sa labas kung ano ang nangyayari. Dahil sa paglabasan ng ilang kapit-bahay, agad na tumakbo ang kalaban sa isang iskinita. Tatlo umano ang kalaban ngunit tumakbo na ang dalawa. Nagdatingan naman ang kamag-anak ng biktima para tumulong.
Meron nga kaming pulis na kapit-bahay pero wala naman silbi. Sabagay, sino ba naman ang gustong madamay eh mas mainam pang manahimik.
Dumating ang barangay kasama ang ilang tanod at ilang pulis ngunit hindi rin nila nakuha ang sumaksak na tumakbo sa iskinita. Malamng naitago na ng mga kapamilya nito. Kaya ang ingay ng gabing iyon ay hindi ko makalimutan. Sana wag mangyari sa amin.
Hanggang ngayon, nakikiramdam lang ang magkabilang panig. Mukhang palaban din ang biktima dahil may mga kamag-anak din na sundalo. Sabi nga ng kamag-anak ng biktima, "Ayaw nila ng tahimik na buhay, tingnan na lang".
No comments:
Post a Comment