Ito'y hindi na bago sa pandinig natin. Kahit noong nakaraang eleksiyon, sa barangay level nga lang ay talamak na ang vote buying. Hindi nakakapagtaka sapagkat maraming pulitiko ang nagnanais manalo tuwing eleksiyon. Iba't-ibang paraan ang ginagawa ng mga kandidato para manalo sa halalan. Sa kasalukuyan, Kalat na ang mga patayan kaugnay sa nalalapit na halalan.
Sa ngayon, dahil ilang araw na lang ay botohan na, masipag ang mga galamay ng mga pulitiko ngayon. Marami silang programa para makakuha ng mga miyembro. Hinahakot nito ang ilang tao, na may dala-dalang mga card (bilang member) at kung ano-ano pang record para makakuha ng kaunting pera o benepisyo kapalit ng boto.
Ang ganitong sistema ay hindi na kayang pigilan sapagkat talamak na talaga. Subalit, maaari natin itong maiwasan kung tayo ay may tunay na konsensiya at hangarin na ituwid ang baluktot na pamamaraan. Bilang isang indibidwal, dapat maging tapat tayo sa ating sarili at may matuwid na prinsipyo. Hindi dahil wala tayong pera ay papatulan na rin natin ang ganitong sistema. Isang maliit na halaga kapalit ng bulok na sistema, kurapsiyon, kaguluhan at matinding kahirapan sa mga darating na panahon. At kailanman, hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan.
Sa maliit na halaga, pansamantalang napapawi ang ating kahirapan sa buhay ngunit sa hinaharap, hindi man tayo kundi ang ating salinlahi ang makakaramdam nito. Hindi tayo dapat nagpapadala sa udyok ng iba na pawang mga walang prinsipyo sa buhay at walang ambisyon at ayaw tumulong sa pagpapaunlad ng ating bansa.
Huwag tayong basta-basta sumali sa kung ano-anong organisasyon na may koneksiyon sa isang pulitiko o sa tuwing sasapit ang halalan. Maging tiyak sa ating pipiliing kandidato. Wag padadala sa udyok ng mga kaibigan o kakilala para iboto sa ganito o si ganyan. Kung ano at sino ang napupusuan natin o alam nating tapat at totoo - siya ang iboto natin. Suriin mabuti ang bawat pulitiko - mga bagong kandidato at mga datihan sapagkat hindi natin alam ilan sa kanila ay tumakbo lamang para sa kanilang sariling interes. Huwag nating ipagbili ang ating boto sa halagang P300 o kung magkano man yan sapagkat tayo rin ang mahihirapan.
No comments:
Post a Comment