Eleksiyon na naman. Abala ang mga kandidato sa pangangampanya. Sama-sama ang bawat grupo, nagba-bahay-bahay para ipakilala ang mga sarili sa bawat taong makikita sa daan, bitbit ang bawat pangakong maaari nilang ibigay kung sila (daw) ay bibigyan ng pagakakataon. Samo't saring pangako na baka hanggang kampanya lamang ngunit kapag naka-upo na ay limot na ang lahat.
Ilang dekada na ang lumipas. Dating sistema pa rin ng pamumulitika. Magagandang tugtog at iba't-ibang sasakyang pumaparada sa daan, kumakaway ang mga kandidato, namumudmod ng kung ano-ano, pilit na ngumingiti sa madla masabi lamang na mabuti sila sa personal, nakikipagkamay na tila isang makatao at animong may dalang pag-asa.
Sa kabila nito, marami pa rin ang nalilinlang ng panlabas na kaanyuhan ng bawat pulitikong sumasabak sa labanan. Maraming nagsasabing, "muling ibalik", "ang pagbabalik" at iba't-ibang katagang makaka-engganyo sa bawat tao.
Ang pinaka-mahirap na sitwasyon ay ang panahon ng kahirapang natataon tuwing eleksiyon - ang pamimili ng boto. Dapat maging tapat tayo sa ating sarili na hindi kailanman kailangan na bumuto kapalit ng maliit na halaga. Bumuto tayo para sa kapakanan ng ating bayan at sa mga susunod na henerasyon na hindi na muling mangyari ang naranasan natin. Bumuto tayo at maging responsable sa ating desisyon sa kung sino ang nararapat ilagay sa puwesto. Bumuto tayo ng walang kapalit at walang halong pang-uudyok ng ibang botante dahil ganito o ganyan si Juan o si Pedro.
Tingnan natin kung sino ang may magandang adhikain lalo na mga baguhan. Tingnan natin kung sino ang may magandang nagawa sa bayan lalo na sa nakararami. Busisihin natin ng maigi ang bawat katangian ng mga kandidato lalo ng sa mga tumatakbong senador sapakat sa kanila nakasalalay ang kapakanan ng ating bayan. Kilatisin natin ang mga matatanda na sa pulitiko na wala namang nagawang mabuti sa loob na kanilang panunungkulan na tanging ang "pork barrel" lang ang kanilang inaalagaan - dahilan na malaking pera ang nawawala sa kaban ng bayan.
Siguro kung sa panahong ito nabuhay at naging pangulo si Pangulong Ramon Magsaysay ano kaya ang magiging plata porma niya? Aalisin kaya niya ang pork barrel na siyang nagpapaghirap sa ating bayan? Hahayaan kaya niyang maghirap ang ating bansa at apihin ng ibang karatig-bansa gaya ng nararanasan natin ngayon? Pahihintulutan kaya niya ang iba't-ibang uri ng buwis na isa pang pabigat sa mamamayan? Mapupuksa kaya niya ang kurapsiyon sa hanay ng ating gobyerno? Siguro kung lahat ng ito ay magagawa ng isa taong tulad ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, na kahit sa kuwento ko lang naririnig, o maging sa bibig ng aking mga magulang, malamang siya na ang pipiliin ko.
Nakakapanghinayang man ang isang tulad niya, umaasa pa rin tayong meron isang tulad niya o susunod sa yapak niya na simple at payak ang kaniyang hangarin sa bayan, na gawin ang nararapat at naayon sapagkat "siya ay ginawang pangulo ng bayan" - base sa isang kuwento at salitang sinabi niya sa kaniyang anak ng tanungin siya kung bakit mahal minahal niya ang bayan.
Sana'y hindi pa huli ang lahat para sa ating inang bayan. Sana'y may pag-asa pang natitira sa ating bayan na umunlad hindi lamang sa Luzon (na laging sentro ng usapin) kundi sa maging sa Visayas at Mindanao. Na maging balanse ang konsentrasyon ng pamahalaan upang ang lahat ng bayan ay makinabang sa larangang ng modernesasyon.
No comments:
Post a Comment