Natapos din ang taong 2012. Ano naman kaya ang panibagong hamon sa ating lahat sa taong 2013?
Marami ang mga pangyayaring nagbigay ng matinding problema sa atin nitong nakalipas na taon. Sa taong 2012, may mga kaganapang hindi kailanman maaaring makalimutan tulad na lamang ng masaker, bagyo, lindol at iba pang kalamidad. Dagdag pa rito ang ipinapakitang puwersa ng China sa pinagtatalunang Spratly Islands na sinasabing magiging ugat ng isang panibagong digmaan sapagkat tila nanghahamon ang Tsina sa mga bansang kaagaw nito sa pinagtatalunang Spratly Island.
Ang lahat ng ito ay pawang mga palantandaan lamang na kailangan ng isang mabuting paghahanda sa maaaring maganap ngayon taong 2013.
Sa ating mga Pilipino, kailangan pa rin natin maging masigasig sa ating buhay upang umunlad at matugunan ang ating pangangailangan. Kumilos at gumawa ng mga mabubuting paraan para mabuhay at hindi maging pasaway. Hindi iasa ang lahat sa ating gobyerno.
Ang mga tambay na lagi nating nakikita sa mga kanto, sana'y magkaroon na sila ng trabaho at maging responsabling mamamayan. At sana'y matugunan ng ating gobyerno ang matinding pangangailangan ng wastong trabaho. Sana ay magkaroon ng patas at wastong pasahod para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
Nawa'y magkaisa na ang ating mga lider upang palakasin ang ating bansa sa kabila ng mga problema at mga pagsubok. Kailangan na talaga natin ng lubusang pagbabago at magkaroon ng matatag na ekonomiya. Kaya nararapat lamang na iwaksi ng ang matinding katiwalian at alisin na ang mga kurakot ng bayan. Iwasan na ang banghayan at magkaisa para sa inang bayan.
Kung sinasabing, sa panahon na ito ng panunungkulan ni PNoy ay may pag-asa pa, sana ay hindi nga tayo mabigo. Umaasa pa rin tayo na may mabuting mangyayari sa ating bansa. Nawa'y marami pa ang mga taong tapat at handang magsilbi ng mabuti sa ating bansa.
Sinasabing ang ating bansa ay umaasa na lang lagi sa tulong ng mga malalakas at mayayamang bansa. Bagama't sa tulong tayo ay laging sagana hindi ibig sabihin na kailangan na lang nating umasa maging sa pagdepensa ng ating bansa. Mali naman yata na tinulungan ka na ay nagawa pang magyabang na tumulong din para lamang masabing maganda ang ating ekonomiya.
Hindi pa huli ang lahat para maging maganda ang kinabukasan ng susuond pang henerasyon. Na ipakita sa mundo na kaya pa nating humabol sa larangan ng pag-unlad ng ekonomiya at paglago o pagkakaroon ng sariling imbensiyon.
No comments:
Post a Comment