Search Bar

Saturday, April 28, 2012

Tambayan 101.9

Kung meron MMK na nagbibigay ng aral sa buhay, meron din silang DWRR-FM Tambayan 101.9 para sa lahat ng mga taong may pinagdaanan sa buhay. Minsan pilit mo mang iwasang makinig sa mga palatuntunang panradyo, may ilang programang nakakabighaning pakinggan lalo na kung ang talakayan ay tungkol sa iba't-ibang buhay ng tao.

Noong kabataan ko patok ang radyo dahil hindi pa sikat ang telebisyon. Ang radyo kahit san mo dalhin masisiyahan ka lalo na pagdating sa drama. Sensya na medyo nagbalik-tanaw lang sa nakaraan. At ang pinakapaborito ko noon ay ang Zematar at Wonder Old Man ngunit hindi ko na matandaan ang istasyon nito.

Sa pag-usbong ng telebisyon akala ko magiging katapusan na ng radyo. Ngunit hindi pala dahil kahit paano patuloy pa rin ang pagtangkilik ng iba nating mga kababayan. Sa radyo kasi kahit battery lang ang gamit puwede ng makinig ng balita, mga awitin at meron pa rin namang drama. Ngayon nga, meron ng tele-radyo kung saan makikita mo na rin sila sa telebisyon. Ngayon dahil kailangan sumunod sa uso, makikita mo na rin sila sa Website gamit ang makabagong teknolohiya. Astig na nga ang radyo ngayon.


Ngayon, nahuhumaling na naman ako sa programang pang-radyo lalo na sa isang tulad nitong Tambayan. Nahawa lang kasi ako sa misis ko na akala ko'y puro kakornihan ang laman ng kanilang mga usapan. Oo meron pa rin talagang korni pero totoo. Ganun na nga pero tunay ang kanilang mga kuwento. Sa bawa't gabing pakikinig ko ng Tambayan 101.9  marami akong natutunang kuwento na nakakatulong sa pagpapalawak ng ating pang-unawa at pananaw sa buhay. May mga kuwento silang makaka-relate ka lalo na kung kuwento ng kahirapan sa buhay ang laman ng kanilang inilalahad.

Bukod sa kahirapan, nariyan ang kuwento ng hiwalayan at samo't saring karanasan sa buhay. Nariyan yun mga babaeng inaapi, mga batang iniwan ng magulang, mga taong nagmahal ng tunay ngunit walang halaga, mga taong sawi sa pag-ibig, biktima ng pang-aapi, at kung anu-ano anggulo sa buhay. Yung iba kahit alam na nilang may batas laban sa mga pagmamaltrato, hindi pa rin nilang magawang i-blotter ang kanilang partner dahil sa tinatawag nilang "Pagmamahal o Pag-ibig". May mga OFW na ring nagbabahagi ng kanilang personal na buhay sa Tambayan.

Subukan nyo minsang makinig, hindi ba't madadala kayo o di kaya ay maaantig ang inyong mga puso. Isa pa nakaka-aliw dahil game din ang mga DJ nila sa pakikipagtalastasan on or off the air. Kaya naman buhay pa rin ang radyo sa loob ng ilang dekada.

No comments: