Grabe ang init ngayon kaya parang patok yung kanta ng kamikazee na "Sobrang Init". Medyo nakakatamad talagang lumabas lalo na sa tanghali dahil talagang nakakahapo. Kaso kailangang lumabas para maghanap ng piyesa ng 4WD (Vitara). Segunda-mano din lang niya nabili. Ilang buwan na kasing sira ang sasakyan niya at nung isang araw lang niya ipinaki-usap na ipagawa ko dahil kahit siya parang tinatamad din. Kauuwi lang din galing Abu Dhabi kaya parang type lang nyang magpalamig muna sa Nueva Ecija - sa lugar ng asawa niya.
Iniwan niya ATM niya para kung sakaling kailangan ko na yung pera ay mabili ko ang piyesa para mapalitan ang nasirang differential (tawag sa isang part ng sasakyan) sa harap ng sasakyan. Yung front wheel drive kasi ang naapektuhan dahil sa hindi magandang paggamit ng 4 Wheel Drive sa matarik na garahe. Nadurog ang mga gear niya kaya kailangan mapalitan agad.
Kaya dali-dali kaming umalis gamit ang motor. Sa Evangelista, Makati kami unang nagpunta dahil mas maraming surplus sa lugar na ito kung saan makakamura. Pero kahit na sinuyod na namin ang buong kalye, wala kaming nakitang piyesa. Kaya tumuloy kami ng Pasay - sa mismong bilihan na ng mga origihinal na piyesa ng Zuzuki kami nagpunta. Kahit mainit tuloy pa rin kami. Ramdam ko ang matinding kagat ng init dahil naka-short na maong lang ako. Ang mali namin, hindi namin naisip na Linggo ngayon kaya sarado ang bilihan ng parts.
Kaya nagbakasali na lang kami sa ibang lugar sa gitna ng init tulad ng Sucat, tapos tuloy ng Las Pinas, at sa Bacoor, Cavite. Kumbaga para kaming namasyal habang naghahanap. Maging ang mga namatayan na patungong libingan ay nagtiis din sa paglalakad sa gitna ng init. Sa tindi ng init parang ramdam ko ang init din ng mga ulo ng tao lalo na kapag nata-traffic. Lahat ay nagmamadali para makaiwas lang sa init.
Medyo napagod ako sa pagmaneho ng motor kaya, naisipan na namin umuwi na lang dahil sarado pala talaga ang mga nagtitinda ng piyesa kapag Linggo. Talagang nakakauhaw din kaya pagdating ng bahay, walang tigil sa pag-inom ng softdrinks at tubig para lang malamigan ang katawan. Dahil mainit, tama lang na ugaliin nating uminom ng tubig para iwas stroke.
No comments:
Post a Comment