Maganda nga ang may paupahan, pero mahirap naman kung may tenant kang makapal ang mukha at ang lakas ng loob na magsabing may paupahan din sila at hindi naman kesyo ganun ang pamamaraan nila sa pagpapaupa ng bahay - na hindi dapat maging istrikto.
Hay.... buhay talaga! Pag sobrang bait ng nagpapa-upa, inaabuso ka ng mga tenant. Ang daming paki-usap na kesyo sa katapusan na lang ang bayad sa upa. Pagkatapos pagdating ng takdang araw na pinangako, makiki-usap na naman na pagkalipas na naman ng limang araw dahil may kuryente pang babayaran. Eh paano naman ang pangangailangan ng may-ari ng bahay?
Kaya pina-aalis ko na. Tapos, nang siningilan ng bayad sa tubig ang dahilan sa katiwala ng Villa, may pondo pa raw sila sa may-ari ng bahay.
Grabe naman ang ganyang pag-uugali. Walong buwan na nga silang nakatira tapos anim na buwan pa lang ang naibayad nila, ano kaya ibig sabihin nun? Siyempre tayong mga may-ari magdududa na kapag ganyan ang ipinalalabas nila dahil hindi natin alam kung kelan sila aalis ng hindi natin nalalaman. Ayun na nga, wala man lang abiso ay umalis ng hindi binayaran ang tubig at siyempre kuwentahin pa ang iiwanang bill ng kuryente. Kaya nga napakahalaga talaga ng deposito ngunit marunong talaga ang ilang tenant. Kunwari idi-delay ang bayad sa upa hanggang sa halos gamitin na nila ang advance at depositio nila.
Minsan ko ng naranasan ang magkaroon ng tenant na halos umabot na sa tatlong buwan na hindi na nakapagbayad ng upa bukod sa nagamit na nila ang deposito nila sa bahay. Dahil lang sa pakikisama at lubos na pag-unawa kaya ko nagawang pagbigyan. Siyempre, marunong din naman tayong umintindi lalo na kung talagang gipit ang tao. Lumipat sila na hindi ko nalaman kung saan banda. Mabuti naman dahil sa tiyaga kong maghanap sa kanila (na alam kong hindi naman kalayuan), natagpuan ko rin ang bago nilang tirahan. Matagal na itong nangyari pero nais ko lang ibahagi. Isang taon din akong naningil sa tenant na iyon. Wala na silang dahilan para hindi magbayad dahil tukoy ko na ang kanilang tirahan. Hanggang sa pakiramdam ko na talagang hindi na nila kayang magbayad, dahil bukod sa naghihirap eh nagkasakit pa ang lalaki na halos ang mga anak na lang ang tumutulong. Kahit paano, ramdam ko pa rin ang pagiging makatao kung kaya't pinatawad ko na lang.
Ngunit ngayon, natuto na ako sa mga nakaraang mga tenant. Iba't-ibang klase mga tenant natin. May mabait at marunong magbayad on time ng upa sa bahay at iba pang obligasyon nila sa bahay tulad ng ilaw at tubig at iba pa. Meron naman ding grabe ang kupad magbayad at ang dami pang dahilan na kung tutuusin mura na nga ang up and down na paupahan sa halagang P3,800 na kasya ang dalawang pamilya. Ang mahirap kaya sila nahihirapan ay dahil isa o dalawa lang ang may hanap-buhay sa kanila. Pagkatapos, sila na nga ang nagse-set ng araw kung kailan ka maniningil mga ilang araw, sasabihin na naman na sa susunod na limang araw na uli dahil hindi pa kumpleto ang pambayad. Ok lang sana kung malapit lang at hindi ka rin gipit, pero kung minsan kapag pinag-bigyan mo naman ay umaabuso rin.
Kung puwede nga lang ipaskil ang mga pangalan nila para malaman ng ibang may paupahan na ganito ang kanilang magiging bagong tenant, tiyak wala silang malilipatan. Ano kaya ang mas mabisang paraan para maiwasan ang mga ganyang tenant? Siguro kailangan hingan mo sila ng certification mula sa barangay o dating may-ari ng bahay na pinanggalingan nila at masiguro ring hindi sila masamang tao.
No comments:
Post a Comment