Hindi naman lahat ng mga Pilipino alam ang mga ordinansa at mga batas dito sa atin. Maging ako, aminado na kaunti rin lang ang alam sa mga batas. Pero sa bawat araw ng pagbabasa ng mga balita sa internet, pakikinig ng mga talakayan sa radyo at telebisyon at pagbabasa ng iba't-ibang artikulo natututo tayo ng mga batas. Napakahalagang malaman ng sinuman, mangmang o may pinag-aralan ang mga ito para maipatupad ang tamang disiplina sa salat ng sulok ng bansa. Kaya marami ang mga pasaway dahil iilan lang talaga ang nakakaalam ng batas at karapatang pantao lalo na pagdating sa Constitution of the Philippines. Kaya marami rin ang mga mapagsamantala sa kapwa lalo na sa mga walang natapos. Liban na lang kung ang mga taong yun ay interesadong malaman ang kanilang karapatan.
Dahil sa kamangmangan, maraming abogado, politiko at mga taong matatalino ang ginagamit ang ilan sa ating mga kababayan na walang pinag-aralan lalo na sa kasamaan. Dahil dito marami ang nahihikayat na sumanib sa kaliwang grupo upang magrebelde. Marami ang nakukulong dahil napagbibintangan. Hindi maipagtanggol ang sarili dahil ano nga naman ang kanilang laban.
Marami namang employer o amo ang abusado sa kanilang mga trabahador dahil ang ilan ay mga bata pa at walang pang gaanong karanasan sa trabaho o dili kaya ay walang alam sa Labor Code of the Philippines.
Mahalaga ring malaman ang Family Code of the Philippines lalo ang mga kabataang hindi alam kung ano ang kahalagahan ng tinatawag na pamilya. Marami ang maagang nag-aasawa, na walang alam kung ano ang buhay na kanilang pinapasok at kapag nagsawa ay naghihiwalay din. Ang mga anak naman na walang natutunan sa kanilang mga magulang ay wala ring mabuting itinuturo sa mga susunod pang henerasyon. Domino effect ang kinalabasan. Tularan natin ang ibang bansa. Sa Japan, iminumulat na agad ang mga bata sa tamang disiplina katulad ng tamang pagtawid sa daan at pagbabasa ng mga alituntuning nakasulat sa mga lansangan.
Sa dami ng mga batas na dapat nating sundin, baka ilan lang talaga ang nasusunod natin. Hindi porke sinabi ni ganito o ni ganyan eh yun ang gagawin natin. Iba pa rin yung tayo mismo ang nakakabasa at pilit na umuunawa. "Yun nga lang, lahat ng batas natin ay nakasulat sa salitang ingles. Pero, batid ko kahit paano, naiintindihan naman nila ang mga iyon. Mahirap na daw baguhin sabi ng mga eksperto. O baka naman, ayaw lang nilang maging matalino ang bawat Pilipino sa larangan ng mga batas.
Kaya nga mahal ang kursong abogasya dahil iilan lang ang interesado nito. Tanging mga abogado lang ang may kakayahang magpaliwanag (kuno) para sa isang taong walang alam. Tanging mga abogado rin lang ang makakatulong na depensahan ka ngunit hindi libre. Sila rin ang gumagawa ng mga palusot kapag agrabiyado ang kanilang kliyente. Kaya tingnan niyo karamihan sa ating mga politiko ay halos abogado. Pero sabi ng aking maestro, ang kursong abogasya ay 90% common sense at 10% lang ang tungkol sa batas. Kung lahat ay abogado malamang lahat ay magagaling at hindi magpapatalo. No offend dahil hindi naman lahat ng abogado ay magaling at mabuti. Yung iba kumikita sa kasinungalingan, yun ang hindi dapat tularan.
Kapag may mga iniimbistigahang mga tiwaling opisyales, hanggang sa makalusot eh lulusot. Pati ang batas ay pina-iikot. Ano nga naman ang interes ng tao na malaman kung ano ang mga kalokohan nila eh hindi naman nila pakikinabangan ang mga iyan (sa isip nila). Kaya lumalala ang sitwasyon, maraming abogado at pinoy ang nagagamit para takpan ang kasinungalingan ng mga bad politicians. Pera-pera na lang kasi ang nagiging kalakaran. Minsan, nakakapagod na ring makinig ng mga balita, pero hindi naman puwede na hindi tayo magmasid o maglabas ng ating opinyon, eh karapatan naman natin yun.
No comments:
Post a Comment