Ilang buwan din akong bakasyon. Masaya naman dahil nakasama ko ang aking pamilya. Nakasama ko ang aking asawa at anak sa araw ng pasko hanggang bagong taon. Katunayan, parang walang akong paglalagyan ng sobrang kaligayahan dahil nandito na ako sa Pilipinas. Gabi-gabi akong lasing.
Dito sa ating bansa, sa amin lugar, madalas akong nakikipag-inuman sa kauhawan sa alak at barkada. Kapag medyo bitin, lumalabas pa kami ng mga barkada ko na ngayon ay tulad ko ring may mga pamilya na. Lagi ako ang taya dahil alam nila malaki ang kinita ko sa ilang buwan kong pagta-trabaho. Ako naman, sige lang dahil minsan lang naman kumbaga ito ang bayad ko sa mga kalungkutan ko sa barko. Minsan, madaling araw na kaming umuwi ng barkada. Kaya nagagalit ang misis ko, minsan may kasama ng pagdududa. Pero patuloy pa rin ako dahil gusto kong maging masaya man lang bago bumalik uli sa trabaho. Ika nga, "one day millionaire" ako sa tuwing uuwi.
Masaya ang mga kaibigan ko samantala, panay naman ang maktol ng aking maybahay. Sobra na raw ako at kapag hindi na niya makayanan, baka iwan na niya ako. Pero hindi maaari dahil hindi ako papayag. Sabi nga sa akin ni misis, kung sakali bang magkasakit ako o kaya maghirap, tutulungan ba ako ng mga kaibigan ko. Sabagay, tama siya dahil meron talagang mga kaibigang plastik. Kapag wala ka na ay iiwasan ka na. Lalapit lang sila kapag may kailangan. Pero parang masakit pa rin sa akin na marinig iyon laban sa mga kaibigan ko.
Hindi ko pa nga naipapaayos ang bahay ko. Pero hindi na mahalaga dahil makakabalik pa naman ako. Sa susunod na lang uli. Marami pang bukas.
Sa ibang bansa kasi, medyo mahirap ang buhay dahil bukod sa malungkot na ay malayo pa sa pamilya. Hindi ko alam kung kailan ako mabubuhay na malayo sa pamilya. Natatakot din minsan na baka tuluyan na rin akong hindi makabalik ng bansa dahil sa hindi tiyak ang kaligtasan. Marami na kaya akong nababalitaan mga seaman na nadi-disgrasya. Nga pala, isa akong seaman. Kumbaga, sinusulit ko lang ang panahon ko tuwing nasa bahay na ako.
Marami akong balak lalo na sa pamilya ko pero parang sa tuwing nagpa-plano ako nauudlot. Kaya wag na muna. Tingnan na lang kung ano ang susunod na kabanata. Alam naman natin, ang buhay ay may iba't-ibang mukha o kuwento.
Nakabili na ako ng sariling motor. May bahay na rin ako na naipundar simula ng una akong maka-alis. Medyo sinuwerte ako nung pangalawa kong alis dahil maganda at malaki ang offer sa akin. Pero kulang pa ito dahil gusto ko ring magkaroon ng magandang kotse para masabi umaangat ang buhay ko. Kahit paano, nabibili ko naman ang mga pangangailangan namin. Yun lang, minsan dahil sa sobrang inom na parang walang katapusan, halos mangutang na rin ako dahil wala na rin. Pero hindi ako nangungutang sa mga kaibigan ko na baka isipin nila wala na akong pera. Siyempre, umaaasa naman kasi akong makakaalis ako kaya madali lang bayaran ang mga utang.
Ngayon paalis na uli ako, simula na naman ng kalungkutan. Iiwan ko na naman ang aking maybahay at anak na halos hindi ko nabigyan ng panahon sa bawat pag-uwi ko. Sorry, mahal ha! Medyo na-miss ko lang kasi ang alak. Madalas tayong mag-away dahil sa inom na yan. Madalas tayong magtalo dahil sa babae. Minsan nasasaktan kita dahil sa sobrang kalasingan. Pero pangako, pagbalik ko pupunuan ko ang mga pagkukulang ko. Promise!
Pupuntahan ko nga pala ang lola ko, na siyang nagpumilit sa akin na makatapos ng pag-aaral. Kung hindi dahil sa payo niya, hindi ko siguro mararating ang ganitong kalagayan ko. Tinawagan ko na rin ang papa at mama ko na paalis na ako.
Masarap mabuhay kapag may pera pero mahirap ang buhay kapag malayo sa pamilya.
No comments:
Post a Comment