Mga kabataan talaga minsan pasaway. Kahit ilang beses mo daanin sa matinong paki-usap hindi pa rin madala. Kung kastiguhin mo naman, tingin sa ating mga magulang tayo pa ang masama. Iniisip pa nila na sobrang higpit natin. E kung sila ba naman ay may disiplina e di sana walang problema.
Pinalalagpas mo na nga ang mga bagay na ayaw mo na ginagawa nila pero hindi pa rin nila magawang magtanda. Kaya kagabi, naalimpungatan kong nakikipag-text pa rin ang aking binatilyo kahit ala-una na ng madaling araw, kinumpiska ko ang kaniyang mobile phone. Ban muna siya pansamantala.
Ilan sa inyo ang may ganitong anak? Sa edad na kinse anyos, kung hindi mo rerindahan, malamang sunod-sunuran ka na lang kung ano ang gusto nilang gawin. Mabuti na lang at lalaki, mas mahirap kung naging babae.
Sa murang edad, kung hahayaan natin sila sa kanilang mga maling ginagawa tulad ng pakikipag-text sa mga kaibigan o ano, tiyak malaki ang problema nating mga magulang. Imbes na pag-aaral ang asikasuhin, panliligaw ang inaatupag. Pagkatapos, wala na ngang magawa sa bahay, pagod pa pagdating galing sa eskwela. Ang nakayayamot, dahil sa cell phone, halos umaga, tanghali, hapon pati gabi hawak-hawak ang cell phone na para bang wala ng kasawaan. Minsan na kaming pinatawag ng guro dahil nahuli ring nakikipag-text sa kasagsagan ng klase. Text dito text doon ang ginagawa. Mainam pang walang cell phone para bawas problema.
No comments:
Post a Comment