Minsan talaga hindi mo maiwasan hindi magsisi. Tumulong ka na nga wa-walanghiyain ka pa. Minsan, naiisip ko tuloy na wag ng gumawa ng mabuti dahil may ibang tao hindi marunong magbalik ng kabutihan o kahit kaunting respeto man lang. Pagkatapos ng ilang taon pagtira nila sa inuupahang bahay na ipinagkatiwala namin ng ilang taon, iiwan na lang nila na disconnected ang tubig at kuryente. Pati gamit ng tiyahin niya kung saan na napunta.
Ang masaklap, kahit sa mismong tita nila walang respeto. Pagkatapos arugain, bihisan, pag-aralin kahit sa kabila ng hirap at pagtitiis, nagawa nilang baliwalain ang lahat ng kabutihan niya. Sana'y noon pa lang pinabayaan na namin sila. Ngunit hindi namin ginawa dahil sa umaasa kaming maging mabuti silang tao. Ngunit ngayon, nakita ko ang malaking kabiguan. Mahirap pala ang ganun.
Maagang nag-asawa makaraan lang ang ilang taong pamamahinga pagkatapos ng high school. Nagsama silang mag-asawa na walang gaanong problema liban sa kanilang mga sariling katangian na hindi maganda. Mga tamad at pabaya sa pamilya. Saan kaya papunta ang buhay nila. Ipinagkibit-balikat ko na lang ang lahat dahil ayoko ng gulo, ngunit hindi pa rin maalis sa isip ko ang kanilang kawalan ng respeto. Ni hindi man lang makipag-usap o humarap ng maayos para gawan ng paraan ang mga iniwan nilang problema.
Kung sabagay, ano ba naman ang paki-alam nila sa iniwan nilang bahay. Saka, hindi naman ko naman sila kamag-anak. Bahala na ang tita nila ang pagpatawad sa kanilang mga inasal.
Pero, kahit ganun ang ginawa nila, masakit man pero ano pa nga ba ang magagawa ng panahon. Siguro sa paglipas ng panahon, mawawala din ang aming sama ng loob. Pero, sa hinaharap marahil hindi na namin sila bibigyan ng puwang sa puso namin, para hindi na maulit ang nangyari. Kanya-kanya na kumbaga. Total may sarili na silang buhay.
Sana man lang ano, kahit kaunting respeto meron sila. Dahil hindi sa habang buhay magiging maayos ang kanilang buhay. Diyos na lang ang bahala sa kanila.
No comments:
Post a Comment