Medyo nakakarindi rin pala pakinggan ang nangyayari sa ating pulitika. Simula pa lang ng imbestigasyon sa mga katiwalian, marami na ang naghuhugas-kamay. Kanya-kanyang turuan at iba't-ibang dahilan lalo na sa isyung dayaan sa eleksiyon.
Image by hedgeman via Flickr
Dito naman muna tayo ngayon sa isang kuwento na magbibigay sa atin ng isang inspirasyon. Isang kuwento ng tagumpay. Napanood ko sa TV Patrol kahapon, Aug 5, 2011. Ito'y tungkol sa isang dishwasher (Larry Cortez) na ngayon ay isa ng milyonaryo. Mula sa isang mahirap, nangarap at nakipagsapalaran sa Manila galing ng Nueva Ecija. Halos karamihan sa atin ay ganito ang buhay, nakikipagsapalaran sa Manila.Naramdaman din niya na parang hindi na siya aasenso dahil sa hirap ng buhay. Kung kaya inisip na lang niyang makaraos sa hirap ng buhay. Kalimitang nangyayari sa isang tao na kapag nabigo, nakukuntento na lang sa kung ano ang magiging buhay, tama na yung makaraos lang. Ngunit, dahil determinado, nagtagumpay siya.
Isipin na lang natin kung gaano kalayo ang kaniyang narating. Magmula sa pagiging katulong, security guard at kalaunan ay pagiging dishwasher, kung saan sa kaniyang pagsisikap nakamtan niya ang isang posisyon na nagdala ngayon sa tugatog. Naging manager at ngayon ay isa ng may-ari ng restaurant. Nangarap siya ng malaki. Ngayon may-ari na siya ng 10 restaurant.
Kahanga-hanga. Agree ako sa sinabi niya na "walang easy life. Hindi napupulot lang ang success, pinaghihirapan yan". Dagdag pa niya, "Mas mabuti pala kung ipinanganak kang mahirap kasi wala ka nang choice kundi umangat."
Tama! Sino nga ba ang mag-aakala na may mga ganitong kuwento sa buhay ng tao. Na sana nga sa kaniyang tinamong tagumpay, hindi siya magbago ng pananaw sa buhay bagkus lalo pa siyang maging mabuting tao. Dapat lang na ipamulat niya sa kaniyang mga anak ang kuwento ng kaniyang buhay.
In terms of "pabigat sa buhay", yan ang isang sakit ng ating lipunan. Marami mga kabataan ang hindi nakakaintindi ng hirap. Bagama't nakikita na nilang nagsasakripisyo ang kanilang mga magulang sa paghahanap-buhay, hindi pa mag-aral ng maayos, tumulong upang mapagaan ang buhay. Kung ano-ano pang bisyo ang pinapasok na tila akala nila sila na ang may hawak ng kanilang buhay. Ang mga kabataan ngayon kung hindi pabaya, walang paki-alam sa kanilang pamilya.
Bagkus na umunawa sila pa ngayon ang nagmamalaki. Bilang anak at magulang, yan ang lagi kung itinatanim sa utak ng anak ko. Lagi kung sinasabi na maging responsable, marunong magbata ng hirap, matulungin, magalang at mapagmahal sa magulang. Sinasabi ko rin sa bata na wag din maging pabigat sa pamilya at sa lipunan na alam naman nating marami na tayong problema maging ang ating bansa. Sa ganitong paraan maaari tayong makatulong sa ating bansa.
Sa maikling kuwento ni Larry Cortez, malaki ang naging impact nito sa akin at sa mga tulad nating nangangarap din.
No comments:
Post a Comment