Image by Tony Trần via Flickr
Bagay na dapat nating malaman na mula ngayon, bilang mga magulang dapat tayong mag-ingat dahil may naipasa ng bill laban sa labis na pananakit sa mga bata o mga anak. Kung ito ay maisabatas na, maaring makulong ang mga magulang, guro at sinuman na mapapatunayang labis kung magdisiplina (violent discipline) sa mga bata
Ang ibig sabihin ng labis ay yung hindi makatarungang pamamalo o ibang paraan ng pagkastigo sa mga bata. Tiyak maraming mga magulang ang hindi maiintindihan ito lalo na yung mulat na sa lumang paraan ng pagdidisplina na pinapalo ang mga bata at kahalintulad nito.
Malaking tulong ito upang masugpo ang pang-aabuso sa mga mga bata ngunit, hindi kaya mas malaki ang posibilidad na maging katulad ang mga bata sa ibang bansa na ang mga kabataan doon ay maaaring maghabla laban sa kanilang mga magulang dahil sa pananakit? Ang kalalabasan mas nagiging kawawa ang mga magulang dahil mas malupit pa ang mga kabataan. Ano pa ba ang magiging role ng magulang kung hindi na niya madidisiplina ang kaniyang anak sa paraang gusto niya.
Alam naman natin na noon pa, dama na natin ang kahalagahan ng disiplina. Simula't sapul nakagisnan na natin ang tamang paraan ng pagdisiplina liban sa mga magulang na abusado talaga sa mga anak nila. Dito napapaloob ang tunay na motibo ng isang magulang sa kanilang mga anak. Malamang sa bandang huli mga magulang pa rin ang magkakargo ng lahat kung ang kanilang anak ay rebelde na dahil sa batas na nagkakanlong sa kanila.
Mga magulang pa rin ang nakakaalam kung ano ang nararapat sa kanilang mga anak. Kung maisasakatuparan ang batas, maaaring maging tau-tauhan na lang ang mga magulang. Kung ngayon pa nga lang ay marami ng kabataan ang matitigas ang ulo, barumbado at walang disiplina, hindi dahil aging abusado ang kanilang mga magulang kundi dahil sa impluwensiya sa labas. Ano pa kung dumating ang takdang panahon, na halos alisan na ng karapatan ang bawat magulang.
May mga bagay na dapat ikonsidera ang nasabing bill. Dapat pag-aralang maigi kung paano maisasakatuparan ang nasabing adbokasya. Baka lalong magkaroon tayo ng malaking problema sa kawalan ng disiplina sa ating mga kabataan kapag nilimitahan ang partisipasyon ng isang magulang. Dapat bigyan pansin na hindi lamang mga kabataan ang dapat bigyan ng proteksiyon dito kundi maging ang mga magulang.
Ang disiplina ay dapat magsimula sa tahanan. Sa ganang akin, mas disiplinado ang ating mga kabataan kumpara sa mga batang dayuhan. Yan ang dapat nating ipagpatuloy. Isipin nyo na lang ang isang halimbawa na ipinakita ni Justin Bieber noong isang ama ang lumapit sa kaniya upang humingi ng autograph para sa kaniyang anak. Di hamak na mas disiplinado ang karamihan sa ating mga kabataan dahil sa tamang disiplinang nakagisnan natin mula sa ating mga ninuno. Aminado naman tayo na minsan, napapalo natin ang mga bata tanda ng kanilang pagkakamali.
Siguro kailangan lang i-seminar ang mga magulang lalo na yung nagsisimula pa lang ng bagong pamilya na maging matiyaga at maayos sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak. Kausapin muna, bigyan ng warning at kung hindi pa talaga magtino, ay bigyan ng leksiyon sa paraang hindi mapipilayan ang bata at masasaktan na magdadala sa kanila na maging rebelde o ma-trauma.
Wag nating hayaan na mangyari, na ngayon nga lang marami ng batang bastos at walang disiplina, dahil sa bill na ito mas marami pang bata ang magmamalaki at magpapaluhod ng kanilang mga magulang.
Hindi ako against sa bill na ito. Dapat pag-aralan nilang maigi kung paano maisasakatuparan ito na hindi maiisantabi ang karapatan din ng mga magulang.
No comments:
Post a Comment