Search Bar

Friday, June 3, 2011

Kahinaan ng Pinas na Depensehan Ilang Bahagi ng Spratly

Isang balita mula sa Yahoo: "China fired at Filipino fisherman in Jackson Atoll". Kung nabasa nyo na ang tungkol dito maganda upang mamulat tayo sa kung ano ang nangyayari sa ating bansa lalo na lugar na sinasabing atin ngunit marami ang umaangkin.

Sa tuwing ito ang laman ng balita, tungkol sa Kalayaan Island, parang nakakapanghina o nakakawalang ganang basahin dahil ganun at ganun pa rin ang magiging dahilan ng ating mga general o opisyales ng hukbong sandatahan. Laging sinasabi na kaya nilang depensahan ang nasabing lugar ngunit wala tayong tamang kagamitan. Kung kaya sa tuwing pumapasok ang mga Chinese, dinadaan na lang lagi sa diplomasya. Makailang ulit na bang ginawa ng mga Intsik ang paglabag sa mga kasunduan, supalpal pa rin ang ating mga pinuno kung may reklamo tayo laban sa kanila. Lagi na lang tayong nagsusumbong. Lagi na lang may dahilan. Laging sinasabing kulang tayo sa kagamitan. Alam naman pala nila kung ano ang mga kahinaan natin at mga kakulangan, bakit hindi nila  gawan ng budget. Dahil ba ang budget ay nakurakot na? Dahil ba wala tayong kakayahan na palakasin ang ating militar? Hanggang kailan tayo aabusuhin ng mga yan?

Yamang din lang na hindi kaya o sadyang natatakot lang sila laban sa mga Intsik, dapat iwan na nila ang lugar na iyan kaysa yan pa ang pagmulan ng malaking hidwaan ng bansang China at Philippines. O tanging ilang opisyales dyan ang may sariling interes tapos ginagamit lang ang bansa, ang kaban ng bayan para matugunan ang kanilang pangangailangan. 

Alam natin, kulang tayo sa kagamitang militar. Yan ay dahil kung saan-saan napupunta ang budget para dyan. Sa dami ng mga issue tungkol sa mga nakurakot na budget ng militar, tuluyan ng napabayaan ang interes ng ating bayan sa nasabing lugar na isa sa mga yamang dagat natin. Sana bigyan pansin ng mga nakaupo, ng mga senador, ng mga mambabatas ang lahat ng problema na kinakaharap ng bayan. Nasaan na ang mga matatalino nating mga abogado, mga topnotcher kuno? Ngayon nyo ipakita ang galing ninyo sa usapin ng Spratly. Ito'y issue pa noon, at ngayon, sana bukas ay hindi na. 

Dito masasabi natin na wala ng kakayahan ang bansa natin na depensahan ang ating sarili. Dahilan upang magkawatak-watak ang pagkakaisa ng ating mga kababayan. Dahilan upang panghinaan tayo ng loob. Para bagang walang plano ang ating gobyerno para sa ating mga mamamayan na mamuhay ng maayos ang bawat pinoy sa sariling bayan. 

Sana, minsan maranasan natin ang isang dekada na makapamuhay na tahimik, payapa, masagana at puno ng pagkaka-isa tulad ng mga nababasa kung kuwento ng mga American Indian noong panahon na wala pang tinatawag na Amerika. Simula lang ng pasukin tayo ng mga banyaga naging magulo na ang buhay ng ating bansa at halos umasa na tayo sa kanila ng ating kalayaan. Alam natin na noon ay malaya na ang ating bansa at masaganang nakikipagkalakalan sa ibang bansa.

No comments: