Search Bar

Friday, May 20, 2011

Paupahan

Kahapon galing kami sa paupahang bahay ng aking kapatid sa San Pedro, Laguna. Umuulan kasi nung nakalipas na ilang araw kaya ang nangungupahan doon ay naki-usap na gawin namin ang alulod dahil upaapaw daw ang tubig ulan. 

Nagpunta ako kasama ang panganay naming kapatid at pamangkin para ayusin ang alulod. Kaya pala umapaw ang tubig dahil sa dami ng kalat sa mismong alulod na siyang sanhi ng pagbara sa daluyan na pvc pipe. Nilinis namin ito at naglagay kami ng screen upang hindi na mabarahan ang alulod o gutter. Kaya pinaki-usapan ko ang tenant namin na wag tapunan ng anumang basura ang gutter upang maiwasan ang problema. Hindi naman daw nila tinatapunan ang alulod, maaaring ang mga kapit-bahay naman.

Ito ang kadalasan problema sa isang paupahan. Maganda ngang negosyo ito pero kung ang nangungupahan ay wala namang pakialam, talagang malaking problema sa may-ari ng bahay ang ganito. Ni hindi nila alam kung paano panatilihin malinis ang kanilang mga alulod at inaasa pa nila ito sa may-ari ng bahay. Paano kung sadyang hindi taga-roon ang nagpapa-upa? Paano kung hindi ka basta-basta makakakuha agad ng gagawa? E, di magtitiis ka na lang hanggang sa tumila ang ulan.

May paupahang mura at meron ding mahal. Ang isa pang mahirap sa nagpapa-upa, mura na nga e babaratin ka pa. Ang mahirap pa, hindi ka basta-basta nakakapag-taas ng upa dahil sa dami ng bakanteng paupahan, baka abutin ng isa o dalawang taon na bakante ang paupahan mo. Kaya, magtitiyaga ka na lang kaysa walang uupa.

At ang nakakatakot, yung minsan, sa sobrang bait pinagbigyan mo na nga ng ilang buwan na hindi nagbabayad ng upa ay lilipat na lang na hindi ka man lang binabayaran.

No comments: