Hindi na talaga maiaalis sa ating mga Pilipino ang iba't-ibang problema. Ilang araw lang ang nakalipas, sa pagdaan ni Sendong sa ating bansa, lalo na sa Mindanao, marami na naman sa mga kababayan natin ang malungkot dala ng pagkasawi ng ilan sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa naitalang mga nasawi, ayon sa Red Cross nasa 521 na raw ang namatay. Samantala, madadagdagan pa umano ito dahil marami pa ang hindi nakikita, nasa 400 pa mahigit. Mas malaki ang ginawang pinsala ni Sendong sa Cagayan De Oro at ilang bahagi ng Iligan.
Ilang beses ba dapat mangyari ang ganitong trahedya bago maging handa ang ating mga kababayan. Datapwat, naging alerto ang ating gobyerno sa pagdating ni Sendong, ang ilan naman sa ating mga kababayan binaliwala lang ang mga paalala ng ating mga awtoridad. Asahan natin na sa tuwing may bagyo o anumang kalamidad, dapat maging handa tayo palagi. Wag nating maliitin ang dulot ng mga ganitong kalamidad, malakas man o mahina. Sapagkat, hindi natin alam kung kailang ito mananalasa ng husto. Kapag narinig na natin ang salitang bagyo, dapat maging alerto agad ang bawat isa. Hindi dapat maging kampante lalo na't naranasan na natin ang dulot ng matinding bagyo ilang taon na ang lumipas. Hindi natin kailangang iasa ang ating kaligtasan sa pamahalaan o kaninupaman.
Noong araw, kapag dumarating ang bagyo, sa aming lugar sa Agusan Del Sur, agad kaming pinaghahanda ng aking ina sa mga bagay na dapat namin bitbitin, itago at baunin. Sinisiguro agad ng aking ina ang mga makakain namin sa loob ng ilang araw na pananalasa ng bagyo. Talagang tulong-tulong ang bawat isa sa paghahanda dahil sa mas matindi ang baha sa aming lugar dulot ng tubig na galing sa ilog. Nasa anim na taong gulang pa lang ako ng maranasan ko ang baha na lagpas-tao ang lalim na halos walang pag-asang mailigtas ang lahat ng mga kagamitan. Maging ang mga nakataling kalabaw at baboy ay hindi nakaligtas. Mula noon nakatatak na sa aking isipan ang ganung pangyayari. Ngayon, pinagagalitan ko ang anak ko at mga pamangkin na tila natutuwa pa sa pagadaan ng bagyo.
Bagaman, nakakalungkot ang pangyayaring ito sa mga nasalanta ng bagyong Sendong, nawa'y maging payapa pa rin ang pasko ng mga naiwan ng mga namatay. Sana'y manatiling nakaantabay ang ating pamahalaan sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Sendong. Huwag naman sanang magbingi-bingihan ang mga awtoridad para tulungan ang ating mga kababayan sa kanilang mga pangangailangan. Umaasa pa rin tayo na sa kabila ng lahat, makabangong muli ang mga taong naapektuhan ng bagyo.
4 comments:
Nakakalungkot nga kung kelan magpapasko pa naman. Anyways, napadaan lang para ipasa to sayo... Check it here... http://asinglemomsblog.com/?p=2298 ... You deserve it…
Oo nga nakakalungkot talaga ang mga ganitong sitwasyon lalo pa't hindi mo inaasahan na ganito ang mangyayari.
Salamat sa pagbisita at sa award.
Owshi minecrap
Shesss
Post a Comment